“Mangarap ka naman nang mataas!”—karaniwang sambit ng mga taong nakapaligid sa atin mula sa ating pagkabata hanggang sa ating pagtanda. Mapa-superhero man o drayber ng bus, malawak ang ating imahinasyon patungkol sa kung ano ang nais nating tahaking landas. Bitbit sa bawat araw na hinuhulma ng ating mga karanasan ang kagustuhang mapabuti ang sarili. Subalit, malaking hamon sa bawat isa ang mangarap para sa kinabukasan gayong palala nang palala ang kanilang kasalukuyang kalagayan dulot ng mataas na unemployment rate na pumalo sa 11.2% nitong unang bahagi ng taon hanggang sa inaasahang pananatili sa 6.2% ng inflation rate sa kabuuan ng taon. Sa panahong nahaharap sa ‘di pangkaraniwang hamon ang lipunang ginagalawan ng mga kabataan, paano kami mangangarap?
Gaya ng pagbuo ng sariling bahay, kinakailangan ng matibay na pundasyon sa pagbuo ng pangarap. Sa aking danas, maputik at puno ng burak ang lupang tinatapakan ko ngayon dulot ng mga bagay na labas sa kontrol ng isang indibidwal. Kung babalikan, suntok sa buwan para sa aming pamilya ang makapagpadala ng isang anak sa isang mamahaling unibersidad sa Maynila gaya ng Pamantasang De La Salle. Hindi kami isang kahig, isang tuka na pilit itinatawid ang tanghali hanggang hapon upang magkaroon ng makakain sa hapag-kainan. Kung tutuusin, hindi rin kami ang pamilyang pilit pinagtatagpo ang kinsenas at katapusan na ngarag tuwing darating ang mga araw ng bayaran. Masasabing depinisyon ng may-kaya ang aming pamilya. Katamtamang hindi mayaman, hindi mahirap, ngunit kailangang maghigpit ng sinturon upang matustusan ang lahat ng aking pangangailangan sa loob ng Pamantasan.
Mahirap ang mangarap para sa mga katulad kong hindi ganap na mahirap para makakuha ng scholarship ngunit hindi ganoon kayaman na may pinansiyal na kapasidad upang magkamali, bumagsak, o pahabain ang pamamalagi sa kolehiyo. Hindi praktikal para sa akin ang magbayad ng lagpas Php 3,000 kada unit na pumapatak ng mahigit-kumulang Php 10,000 kada subject sa isang termino para ibagsak ito. Para sa isang may-kayang katulad namin, bawal at nakahihiyang bumagsak. Subalit, hindi lamang panlabas na mga salik ang naglilimita sa arok ng imahinasyon ng isang tao sa kung ano ang kahihinatnan niya sa hinaharap. Sa pagtaas ng antas ng ating mga inaaral sa ating mga kurso, minsang sasagi sa utak natin kung “Nararapat ba ‘ko rito?”
Minsan na rin akong naniwala na walang bagay na hindi nakukuha sa dibdibang aral mula sa aking birtuwal na pagtapak sa Pamantasan hanggang nitong huling termino. Naitawid ako ng ganitong pananaw ng higit dalawang taon kapalit ang aking dugo, iyak, pawis, pahinga, at panahong hindi ko na maibabalik. Katuwang ang aking mga kaibigan, parating nasa “grind mode” ang aming mga araw at gabi dulot ng mga namuong pansariling pamantayan na tila bituin na mahirap abutin. Buhat sa mga araw na maghapon-magdamag na nakatutok sa apat na gilid ng kwadradong iskrin hanggang sa kasalukuyang puno ng tensiyon ang apat na sulok ng silid-aralan, iba-iba ang karanasan ng mga estudyante ngunit iisa lamang ang hindi nababagong danas ng lahat—kapaguran.
Kasabay pa nito ang pagbabalanse ng buhay sa loob ng eskuwelahan at kani-kaniyang tahanan. Nariyan na rin ang pisikal na kapaguran sa paggawa ng mga gawaing bahay at pagtupad sa mga inaatas na tungkulin depende sa sitwasyon ng pamilya. Nakahihiya naman magreklamo dahil bago maging estudyante, naging anak muna tayo.
Nasa punto ako ng kapaguran na hindi mapapawi ng kahit anong kapahingahan. Nasa sitwasyon ako na gusto ko na lamang matapos ang aking mga gampanin upang makatungtong sa susunod na landasin ng aking plano sa buhay. Nasa lugar ako kung saan kailangang kong bitawan ang isang pangarap upang maging mas makatotohanan ang aking mga ambisyon. Ngayon, kailangan ko nang bumuo ng desisyon na permanenteng magdidikta ng mga susunod na hakbangin ko sa loob at labas ng Pamantasan. Kailangan kong mag-isip at magmuni-muni base sa mga barahang nakalatag sa aking harapan.
Hindi pa ako nakararating sa aking patutunguhan ngunit masasabi ko ngayon pa lamang hindi madali ang mangarap. Sa dami ng mga dapat isaalang-alang ng isang indibidwal sa pagbuo ng kaniyang inaasam na kinabukasan, mahirap planuhin ang buhay na puno ng pangarap at pag-asa. Dito ko napagtanto na may mga bagay na hindi nakukuha sa sipag at tiyaga. Marahil, biktima ako ng lipunang aking ginagalawan dahil hinubog ako nitong isipin ang aking kinabukasan sa lenteng puno ng hangganan. Sa lahat ng ito, bilang isang bente anyos na matapang na sinusuong ang hamon ng mundo masasabi kong. . .
Ngayon pa lamang, bigo na ako.