NABAHALA ang mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) noong unang linggo ng klase sa ikalawang termino ng akademikong taon 2022–2023 bunsod ng nangyaring double-booking sa mga silid-aralan at pagkaantala ng pangalan ng mga propesor at iskedyul ng araw ng klase sa My.LaSalle (MLS).
Sa ikinasang serye ng mga panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), inalam mula sa mga Academic Programming Officer (APO) ng bawat kolehiyo at Information Technology Services (ITS) ang sanhi sa likod ng mga naturang aberya. Sinubukan din ng APP na makapanayam si Ann Ancheta, direktor ng Enrollment Services Hub, subalit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito.
Paglalahad ng mga suliranin
Nagdulot ng kalituhan sa mga propesor at estudyante sa simula ng termino ang kinaharap na suliranin ukol sa pagkakaroon ng dalawang seksyon sa iisang silid at parehong oras. Bukod pa rito, may ilan ding impormasyon ukol sa mga klase ang hindi makita sa MLS katulad ng pangalan ng propesor, nakatakdang silid-aralan, at iskedyul.
Naging sanhi ng pagkabahala at pagkalito para kay Ma. Antonette Abunda, ID 121 mula sa Bachelor of Science in Accountancy, ang biglaang pagbabago sa kanilang iskedyul. Pinagtibay ito ni Craig Sangalang, ID 120 ng parehong programa. Ayon sa kaniyang karanasan, kinailangan nila ng karagdagang oras upang masanay sa pagbabago bunsod ng suliranin sa MLS.
Datapwat may daing, kinompirma nilang naging sapat ang bilis ng pagtugon ng Pamantasan sa double-booking ng mga silid-aralan at pagkaantala sa ilang impormasyon ukol sa kanilang klase.
Paninindigan ng Pamantasan
Ikinagulat ng mga APO ang apela ukol sa double-booking at kanilang pinabulaanang maituturing itong problema. Nilinaw nilang hindi maiiwasan ang ganitong pangyayari dahil sa malaking bilang ng mga seksyon kada kolehiyo. Gayunpaman, kanilang ipinagbigay-alam na isinasaayos ang anomang gusot sa sistema ng enrollment bago o sa unang linggo pa lamang ng termino.
Ipinaliwanag ni Liberty Santos ng Br. Andrew Gonzalez College of Education na may proseso ng paghahanda tuwing enrollment. Aniya, nagsusumite ang mga APO ng mga nakatakdang silid-aralan sa Office of the University Registrar (OUR). Ilalapat naman ito ng OUR sa Room Reservation System (RRS) na nakalaan sa pagsusuri ng problema bago ipamahagi sa bawat departamento at makita sa MLS.
Dagdag niya, sinisiguro nilang rebisahin maging ang mga kamalian sa RRS matapos itong ipabatid sa OUR at ITS, sapagkat hindi masisisi ang pagkakaroon nito ng depekto. Tiniyak din niyang mga APO ang unang nakaaalam ng suliranin sa double-booking ng mga silid-aralan. Gayunpaman, bigo siyang makatanggap ng impormasyon tungkol dito. Pinabulaanan naman ito ni Johann Antaran, Vice President for Information Technology at Chief Information Officer ng ITS. Aniya, hindi binibigyang-bisa ng RRS ang mga pagdo-doble at pagkaantalang nagaganap.
Pagbabahagi ni Eddiemon Panem ng Gokongwei College of Engineering (GCOE), naging sanhi ng problema sa kanilang kolehiyo ang hindi pagkakaunawaan ng mga departamento at kasalukuyang pagsasaayos ng mga gusali sa kampus. Tinutugunan nina Panem ang ganitong mga uri ng suliranin sa paghahanap ng bakanteng silid.
Ipinahayag din ni Lillibeth Sutilo ng Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB) na masakit sa kaniyang damdaming marinig ang mga hinaing dahil wala silang mapagkukunan ng karagdagang silid bilang isang malaking kolehiyo. Isiniwalat niyang mahigit 1,300 seksyon ang kaniyang hawak sa RVRCOB.
Pagpapatuloy niya, humahantong ang pagkaubos ng mga kuwarto sa pagdi-dissolve ng kurso. Sakali namang isang prerequisite course, inaakyat nila ito sa departamento upang mabago ang iskedyul para sa parating na pag-imprenta ng Enrollment Assessment Form. Pagtutuwid ni Sutilo, “Kung tapos na ang enrollment, we dissolve the subject and change the schedule.”
Pagdidiin pa niya, mahirap na proseso ang pagdi-dissolve ng klase, sapagkat hindi ito patas sa mga estudyanteng nakapagbayad na ng matrikula o mababawasan ng yunit para sa termino. Malugod naman niyang ipinaalam na walang na-dissolve na klase sa RVRCOB nitong ikalawang termino dulot ng kakulangan sa silid-aralan.
Isinalaysay din nilang karaniwang mga propesor ang naglalapit ng suliranin sa mga department secretary na sila namang nagpapasa nito sa mga APO. Kalakip nito, sinang-ayunan nilang hindi napagplanuhan ang double-booking, dahil ayon kay Sutilo, “Wala dapat [ito] sa bokabularyo.”
Ugat ng gulo sa MLS
Sunod na nilinaw ng mga APO at ITS na ang mga department chair ang may pananagutan sa kaso ng pagkaantala sa ilang impormasyon ukol sa klase. Kabilang dito ang nakalistang pangalan ng propesor at iskedyul nito.
Giit ni Ma. Cristina Tismo ng College of Science, lumaki ang kaguruan sa kanilang kolehiyo kasabay ng pagtaas ng enrollment rate—lalo na sa programang Bachelor of Science in Biology. Nagdulot ito ng hindi mabisang pagkilala ng sistema sa mga pangalan ng bago o tentatibo pa lamang na mga propesor.
Kaugnay nito, isinaad ni Sutilo na ang pagtanggi ng sistema sa mga pangalan ng kaguruang hindi pa napagkakalooban ng ID number ang sanhi ng panandaliang pagkakaliban ng mga naturang impormasyon sa MLS, at hindi ang kawalan ng magtuturo.
Mariin niyang ipinagbigay-alam na hindi ito maaaring mawala sa kamalayan ng mga estudyante, sapagkat nakaatas sa department chair o sinomang kinatawan ang pagbabalita mangyaring walang papasok na guro sa unang linggo ng klase.
Pawari ni Panem, madalas na sitwasyon na rin sa GCOE ang pagkaantala sa ilang impormasyon ukol sa klase bago pa man ang pandemya. Sa kabila nito, sinisiguro ng mga APO na nalulutas ang lahat ng mga komplikasyon sa enrollment bago matapos ang unang linggo ng termino. “Ang pagkaantala sa professor is, I think, kailangan lang ng matinding pag-unawa,” buod ni Santos.
Mensahe sa pamayanang Lasalyano
Hinimok ng mga APO ang mga Lasalyanong dumiretso sa kanila sakaling makaharap ng aberya sa enrollment. Gayundin, ipinaunawa ng naturang mga kawani ang kanilang dedikasyong mapagbuti ang proseso ng enrollment at ang iba pang kaakibat na prosesong pinangangasiwaan ng kani-kanilang mga opisina.
Ibinahagi ni Sutilo na madalas siyang nakatatanggap ng daan-daang mga email mula sa mga estudyante sa panahong ito. Inilahad niya ring hindi nila nililimitahan sa usaping pang-akademya ang maaaring isangguni sa kanila bagkus bukas ang kani-kanilang mga opisina para sa lahat ng katanungan sa Pamantasan. “They’re most welcome to visit the APO,” ani Santos.
Samakatuwid, pinaalalahanan nilang sumunod sa tamang panuntunan ng enrollment ang mga estudyante. Sa panahong may katanggap-tanggap na rason sa paglampas sa nakatakdang petsa, nakasisiguro ang mga estudyanteng ipaaabot nila ito sa OUR.