Nawala nang parang bula, kasabay ng hangin naglaho ang nararamdamang pagsinta. Nagmimistulang multo sa biglaang pagsulpot at pagmaliw. Laganap sa panahon ngayon ang ghosting o biglaang pagputol ng komunikasyon at relasyon, lalo na sa mga social media at dating application. Umaabot na sa puntong nais ng ibang makaramdam ng paghihirap ang mga tinaguriang ghoster. Kaya naman binigyang-suporta ng iba ang inihahaing batas na naglalayong parusahan ang mga taong naglaho na lamang sa isang kisapmata.
Malimit sisihin ang mga taong bumibitaw sa lubid ng pag-ibig. May panahong itinuturing silang salarin sa krimen dahil kalimitang nagaganap ang pagkampi ng nakararami sa mga biktima. Hindi ba normal namang pumanig sa mga taong higit na nasaktan? Subalit, bago manisi o mangutya, subukan munang silipin ang sitwasyon sa ibang pananaw—gamit ang mga mata ng nang-iwan.
Sa panig ng may sala
Mailap ang mga ghoster buhat ng panghuhusgang maaaring matanggap mula sa mga taong nakapaligid sa kanila. Kapuna-puna man ang desisyong pang-iiwan, may isang taong nagpahayag ng kaniyang karanasan at saloobin nang walang alinlangan. Kasama ang Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Rafael* ang kaniyang perspektiba ukol sa ghosting. Masalimuot mang pasya, kaniyang isinalaysay na mas pipiliin niyang putulin ang komunikasyon sa mga kausap kapag wala nang patutunguhan ang relasyon. “Siguro para sakin parang ang awkward—parang weird na magpapaalam ka if puwedeng ‘di mo na siya kausapin,” ani Rafael.
Karaniwang ikanakawing sa mga ghoster ang kanilang kasamaan at kawalang-puso. Sa mata ni Rafael, naniniwala siyang nakasalalay ang paghuhukom sa sari-saring salik sa likod ng ginawang ghosting. Para sa kaniya, walang masamang epekto ang pag-iwan nang walang paalam kapag walang masyadong malalim na samahan sa pagitan ng dalawang nag-uusap. Subalit, nahinuha niyang masama ito kapag may ipinuhunan nang emosyon ang kabilang partido sa kanilang namumuong relasyon. Isinaad din niyang hindi rin kanais-nais ang dahilang ginagamit ng iba—na pampalakas ng ego o ginagamit upang magyabang ang ginawang pang-iiwan.
Sa kabila nito, hindi babaguhin ni Rafael ang kaniyang ginawang paglisan sakaling magkaroon ng pagkakataong bumalik sa nakaraan. “I feel as if ‘pag ‘di ko sila ghinost [tapos] mas lumala feelings nila eh ‘di that’s gonna be worse. Parang pinaasa mo [kasi] sila,” pagbabahagi niya. Masakit man ang biglaang pagbitaw, naniniwala si Rafael na mainam ang pagputol sa magulong koneksiyon dahil patuloy lamang bubuhol ang tali ng pag-ibig kapag ipinilit pa itong pagdugtungin.
Subalit, inamin niyang nakaramdam din siya ng pagsisisi sa kaniyang ginawang pag-alis. Aniya, “Kung ‘yung taong ghinost mo is someone na maayos naman, has good intentions for you, or like may feelings para sa’yo, pagsisishan mo talaga.” Samakatuwid, inihayag niyang mas mabuting magpaalam kapag napunta na sa ganitong sitwasyon.
Nakapanlulumo mang may mga lubos na nakasasakit ng ibang taong nagmamahal lamang ng tunay, hindi pa rin lubos na maisip ni Rafael na maaaring kasuhan ang mga nang-ghost. Gayunpaman, iginiit niyang puwedeng kasuhan ang ibang ghoster kapag may kalakip na itong pagkalimot sa responsibilidad o paggawa ng mabalasik na atraso—tulad ng pagtakas sa mga tungkulin sa oras na nakabuo na ang dalawang magkarelasyon ng supling.
Pagsuri sa epekto ng ghosting
Upang makakuha ng ekspertong perspektiba mula sa isang mapanuring sikolohista, nakapanayam ng APP si G. Bon Homme Richard Torres mula sa Office of Counseling and Career Services ng Pamantasang De La Salle. Inihayag niyang maiaangkla sa teknolohiya ang pagiging talamak at paggamit ng salitang ghosting sa kontemporaneong panahon. Aniya, “Kung babalikan natin yung terminology na ghosting, ito ay lumabas lang noong may tinatawag na ‘technological boom,’ [tapos] lumabas sa Urban Dictionary in the year 2006.” Dagdag pa niya, makikita mula sa halu-halong mga pag-aaral na sa presensiya ng teknolohiya nabuo ang mga mas madaling paraan ng ghosting kaya tumaas ang karanansan at paggamit ng katagang ito sa mga kabataan.
Sa paglaganap ng panandaliang pag-ibig at pagnormalisa ng ghosting, hindi gaanong nabibigyang-liwanag ang epekto nito sa biktima. Ibinahagi ni Torres, “With regards [sa] impact ng break-up sa mga victims. . . ang karaniwan [ay tungo] sa self-worth at self-esteem.” Bukod dito, nabanggit niyang dulot ng kasalatan sa maayos na wakas, nasisira nito ang konsepto ng pagtitiwala para sa taong iniwan. Malimit na naaapektuhan ng mga masasakit na karanasan ang kanilang abilidad na magtiwala sa iba pa nilang makikilalang may potensiyal na maging karelasyon.
Sa kabilang banda, nabanggit ni Torres na may mga pag-aaral ding tumatalakay sa epekto ng ghosting sa mga nang-iwan. Aniya, nakararanas ng mataos na pagsisisi o surot sa dibdib ang iba sa kanila. Katulad nito ang naramdamang pagsisisi ni Rafael sa pag-iwan nang biglaan sa mga taong may malinis na intensiyon tungo sa kanilang binubuong relasyon.
Maliban dito, kailangan ding silang intindihin sa iba’t ibang lente. “[It] could relate to the self-esteem of the person, the personality of the person, ‘yung communication process niya, ‘yung social behavior niya, kasi some people do not just ghost because gusto nila,” ani Torres. Sa gayon, mainam na ihayag ang nararadamang pagsisisi upang matulungan ang mga naturang ghoster lalo na kapag kadalasan na itong nagagawa.
Bilang paglisang nakasasakit sa isang biktima, napag-isipan na rin ng nakararami ang paglatag ng mga parusa para sa ghoster sa pamamagitan ng Anti-Ghosting Bill. Subalit, naniniwala si Torres na hindi pa malinaw ang ipinapanukalang batas dahil may mga butas pa siyang nakikita rito. Kaya kaniyang pinaninindigan na kaysa magbigay ng parusa dapat gumawa ng paraan na mag-iiwan ng kahihinatnan o leksiyon sa mga ghoster—na makakamit lamang kapag mulat ang ghoster sa pinsalang kaniyang naidulot.
Makataong pagkitil ng romansa
Maraming tao ang katulad ni Rafael na may mga sariling rason at nakaramdam ng pagsisisi sa nagawang dagliang paglisan. Marahil nakaangkla ang kanilang mga desisyon sa pagtuklas sa tinatawag na “dealbreaker” sa kanilang kasintahan—mga negatibong aspektong lumilitaw habang tumatagal ang pakikipagkilala. Maaari ding mas malalim pa ang ang ugat nito, mula sa kanilang mababang kumpiyansa sa sarili, problema sa pagkikipag-usap, o isyu sa kaniyang pakikihalubilo sa iba.
Subalit, sa pagsukat ng kalalabasan, walang magandang kahihinatnan ang ganitong klaseng pagsara ng isang mala-romantikong koneksiyon. Bagamat nakasusugat ng puso, idiniin pa rin ni Torres na “We should not demonize their side.” Hinihikayat niyang maging mapanuri sa mga kadahilanan ng mga katulad ni Rafael sapagkat hindi maaaring tanggalan ng saysay ang kanilang mga karanasan at emosyon. Bukod pa rito, dapat ding alalahanin ang posibilidad na nangangailangan ng tulong ang isang ghoster patungkol sa kaniyang mga pansariling isyung nakaaapekto sa kaniyang mga relasyon.
Gayunpaman, dapat maging patas din sa mga taong nagdurusa. Bago pa man kumislap ang apoy ng pag-ibig, mainam na pag-isipan at damdamin muna nang mabuti ang ninanais sa isang relasyon. Hikayating pairalin ang malinaw na komunikasyon sa loob ng pagsasama upang bigyang-liwanag ang mga pagkakamali o pagkukulang ng magkabilang panig—lalo na para sa dalawang magkasintahang upos na lamang ang pag-ibig.
*hindi tunay na pangalan