Kalinga nilang nangangalaga, pagkapit sa nalalabing alaala


Dibuho ni Liam Manalo

Mainit na haplos ang sumasalubong sa ating unang pagmulat. Kukunin ang kamera at kukuhanan ang unti-unting pagkatuto mula sa kung papaanong nag-uunahan ang maliliit nating mga paa. Makalipas lamang ang ilang buwan, matututunan nang magbuhol ang mga dilang pilit pinagtatagpi ang mga letra. Hanggang sa hindi namamalayang sandali, makabubuo na rin ng mga kagawian at alaalang gugunitain. Dahan-dahan na ring makakabisa ang bawat kurba at sulok ng mukhang may bakas ng paglimot at pag-alala. Sa muling pagsikat ng araw, tutuklasin na ang mga pangarap at saka tuluyan nang titindig sa daigdig na kinaroroonan. 

Kakampi natin ang mga alaala sa oras ng pagkalimot. Isa sa mga multong tinatakbuhan ang posibilidad na sasalubungin ang kinabukasang bitbit ang pinagtagpi-tagpi na lamang na kahapon; ito ang aninong pilit tinatakasan—ang takot na tuluyan nang tinangay ang liwanag ng mga bituin sa muling pagsilay sa kalangitan. 

Tutok ang pangangalaga nina Rowena at Epifania sa inang umaruga sa kanila ngunit ngayo’y minsan na rin silang nalilimutan. Tunghayan ang istorya ng kanilang pakikipagsugal sa pagpapanatili ng buhay ng bawat alaalang taglay ng ina.

Sakit ng pagkalimot

Malaki ang epekto ng dementia sa mga taong nakararanas nito, pati na sa kanilang tagapangalaga. Nangangahulugang isang syndrome ang dementia na may deteryorasyon sa pag-iisip na nakaaapekto sa memorya, gawi, at pang-araw-araw na aktibidad ng isang indibidwal. Ayon sa World Health Organization (WHO), tinatayang 50 milyong tao ang mayroon nito sa buong mundo, at 10 milyong kaso ang nadaragdag kada taon. Bagamat madalas na nararanasan ng mga matatanda ang dementia, hindi ito pangkaraniwang bahagi ng pagtanda. 

Ilan sa mga palatandaan at sintomas ng dementia ang pagiging makakalimutin sa mga pangyayari at pangalan, pagkawalang-malay sa oras, at pagiging lito sa mga lugar na pamilyar. Maaari itong lumala hanggang sa makaramdam na ng hirap sa pakikipag-usap, mangailangan na ng personal na katulong sa paggawa ng mga aktibidad sa araw-araw, at makaranas na ng pagbabago sa pag-uugali. 

Isa si Felicisima, 83 taong gulang, sa mga nakararanas ng mga sintomas ng dementia. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina Rowena Bergonio at Epifania Bago, mga anak at kasalukuyang tagapangalaga ni Felicisima, inilahad nilang una nilang nakita ang palatandaan ng dementia sa kanilang ina noong Pebrero ng nakaraang taon. 

Lungkot umano ang naramdaman ni Bergonio nang naging makakalimutin na ang kaniyang ina. Paglalahad niya, “Minsan hindi na tama ‘yung mga sinasagot niya. . . ‘yung mga recent na memory ang nakakalimutan niya so. . . parang nalulungkot ako. . . nare-realize mo na ‘yung nanay mo ay tumatanda na. Pag minsan, katawa-tawa dahil iniisip mo paano niya makakalimutan ‘yung pangalan mo pero knowing nga na may kondisyon siya. . . nakakalungkot kasi hindi mo na siya nakakausap gaya nang dati.” Nakaranas din ng stroke si Felicisima noong Abril ng kaparehong taon. Kaugnay nito, inihayag ni Bergonio na mula noon, lalong lumala ang pagkalimot nito sa mga bagay-bagay. 

Dulot ng pandemya, hindi sila makapunta sa doktor upang malaman ang kondisyon ng kaniyang ina. Kuwento ni Bergonio, “Ngayon mahirap maghanap dahil may mga doktor rin na ayaw tumingin ng matatanda ngayon dahil baka carrier sila, mahawa sa vulnerable na matanda. . . kaya hindi namin siya maipa-check up talaga.” Gayunpaman, kasalukuyan pa ring inaalalayan nina Bergonio ang kanilang ina upang maramdaman nito ang kanilang presensya. 

Alaala ng tagapagkalinga

Mahirap magbigay-kalinga sa taong unti-unting nakalilimot ng iyong ngalan, at nariyan ang hindi nasusukat na bigat sa damdamin kapag sarili mo na itong ina. Subalit, ganito man ang kanilang sitwasyon, sinisigurado ng magkapatid na Bago at Bergonio na nagagawa nilang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang ina sa abot ng kanilang makakaya.

Batid ni Bago na mas dumoble ang paghihirap sa pag-aalaga sa kanilang inang may iniinda ring stroke kasabay ng dementia nito. May mga pagkakataon umanong nagpupumilit ang kaniyang inang kumilos kahit hindi na kaya ng kaniyang pangangatawang lagot. “Nakakalimutan niya na hindi na pala ga’no kaganda yung balance niya so. . . Ita-try niya pa rin ang maglakad, malalaman lang niya na hindi na [niya] kayang lumakad pag bumagsak na siya,” pagbabahagi niya.

Nahihirapan man sa kanilang gampanin, hindi sumagi, kahit isang beses, sa kanilang mga isipan na ipadala sa home-for-the-aged ang kanilang ina. Naniniwala si Bago na dahil ito sa kulturang kanilang kinalakihan. Aniya, “Cultural rin kasi tayo eh, wala sa kultura natin… Although meron na ngayon. Pero sa upbringing namin. . . Habang kaya lang physically.”

Sa bawat paalala at bawat pananda 

Bilang isang anak, mahirap masubaybayan ang unti-unting paglimot ng sariling inang kumalinga at gumabay sa bawat tanda ng pagsasama. Tila araw-araw na misteryo at pagsubok sa pag-aaruga ang tinatahak nina Rowena at Epifania na nagsilbing mga tagapangalaga, hindi lamang ng kanilang ina, kundi pati na rin ng kaniyang mga alaala. 

Magsilbi man itong isang hamon sa pagpapahayag ng kanilang pagmamahal, paulit-ulit pa ring bibisitahin at magpapabalik-balik sa mga munting pruweba ng paggunita—isang paalala na handa silang maging tagapag-aruga ng inang minsan nang nalilimot ang kanilang kaugnayan at ngalan.