TINUPOK ng defending champion EcoOil-La Salle Green Archers ang dingas ng Marinerong Pilipino-San Beda, 108-82, sa Game 1 ng best-of-three series sa 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa Ynares Sports Arena, Hunyo 22.
Kumislap para sa Taft-based squad si big man Mike Phillips matapos bumulsa ng 19 na puntos. Umalalay din sa opensa ng Green Archers si Mark Nonoy nang magsumite ng 16 na puntos
Nagpakitang-gilas naman para sa San Beda si Jacob Cortez nang magtala ng 18 puntos. Sumaklolo rin si Damie Cuntapay sa pag-iskor matapos tumikada ng 16 na puntos.
Agarang umarangkada ang Green Archers matapos ipamalas ang kanilang matinik na opensa at depensa sa pagbubukas ng unang kwarter. Kumamada sa opensa si Nonoy habang hinigpitan naman ni Phillips ang depensa sa ilalim ng rim. Sinubukan namang tapatan ng Red Lions ang liksi ng Taft-based squad, ngunit hindi ito naging sapat nang magliyab ang mga galamay ni Nonoy mula sa labas ng arko, 28-18.
Malakuryenteng simula naman ang ipinamalas ni Nonoy pagdako ng ikalawang kwarter matapos pumana ng nagbabagang tres at sinundan pa ng kaliwa’t kanang tirada nina Phillips at Earl Abadam, 35-18. Sa kabilang banda, hindi naman nagpatinag si James Payosing matapos bumulusok ng tirada mula sa labas ng arko, ngunit agad itong sinagot nina Nonoy, Evan Nelle, at Kevin Quiambao nang magpaulan ng magkakasunod na tirada mula sa three-point line, 50-26. Nagpatuloy pa ang pananalasa ng La Salle upang ibaon ang katunggali patungong second half, 59-33.
Pagpasok ng ikatlong kwarter, binasag ng Marinerong Pilipino ang nagbabagang momentum ng Green Archers matapos magpakawala si Cortez ng magkasunod na tres sa unang minuto ng bakbakan, 61-44. Agad namang pinigilan ng Taft mainstays ang pagbulusok ng San Beda nang humirit ng nagliliyab na dunk si Quiambao, 68-48. Bunsod nito, nahirapang makadiskarte ang Marinerong Pilipino matapos palawigin ng koponang berde at puti ang kanilang kalamangan sa pagtatapos ng kwarter, 77-61.
Nanatiling maalab ang bayanihan ng Green Archers sa huling kwarter matapos umeksena si Phillips ng magkakasunod na dunk buhat ng mga fastbreak assist ni Quiambao. Sa kabila nito, hindi pa rin nagpasindak ang mga Marinero matapos dumiskarte ng isang suwabeng spin move si Cortez, 83-67. Gayunpaman, nagpatuloy ang naglalagablab na puwersa ng Green Archers nang bumuga ng tres si EJ Gollena, 98-77. Bunsod nito, tuluyang sinelyuhan ng La Salle ang sagupaan upang ibulsa ang Game 1 ng best-of-three finals, 108-82.
Kaakibat nito, hawak ng koponang berde at puti ang abante sa serye ng finals. Abangan ang kanilang susunod na bakbakan kontra Marinerong Pilipino para sa Game 2 ng serye sa darating na Lunes, Hunyo 26, ika-3 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
EcoOil-La Salle 108 – M. Phillips 19, Nonoy 16, Austria 13, Quiambao 12, Gollena 9, David 9, Nelle 7, Abadam 7, Alao 5, Nwankwo 4, Cortez 4, B. Phillips 3.
Marinerong Pilipino-San Beda 82 – Cortez 18, Cuntapay 16, Payosing 13, Royo 13, Andrada 8, Alfaro 6, Visser 4, Jopia 3, Tagala 1.
Quarterscores: 28-18, 59-33, 77-61, 108-82.