BIGONG NAIUWI ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kampeonato matapos masapawan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 76-87, sa pagtatapos ng 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 21.
Nanguna para sa hanay ng Green Archers si kapitan Evan Nelle matapos magrehistro ng 19 na puntos, limang assist, at apat na rebound. Umalalay din sa kaniya si Mark Nonoy matapos makapagtudla ng 13 puntos.
Nagpasiklab naman para sa Fighting Maroons ang kanilang rookie na si Mark Belmonte bitbit ang 18 puntos, limang rebound, at isang steal. Naging kasangga niya rin sa pagpuntos si Lebron Lopez nang magsumite ng 16 na puntos, isang rebound, at dalawang assist.
Maagang kumayod ang magkabilang koponan sa pagpasok ng unang kwarter matapos mapagdikit sa 11-all ang talaan. Dumistansya ng dalawang magkasunod na tres si Nelle upang bitbitin ang Green Archers sa apat na kalamangan, 17-13. Subalit, agad itong pinawalang-bisa ng Fighting Maroons matapos kumamada ng limang marka sa loob at labas ng arko si Lopez, 17-18. Inapula naman ng Taft mainstays ang pag-abante ng UP sa bisa ng layup ni EJ Gollena, 22-all. Gayunpaman, nanaig pa rin ang mga Isko nang tumikada si Belmonte sa loob ng paint upang kompletuhin ang kanilang 8-0 run sa huling segundo ng naturang kwarter, 22-30.
Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ni Belmonte matapos pumuwesto ng dalawang magkasunod na tres sa unang dalawang minuto ng ikalawang kwarter, 24-36. Gayundin, lumobo ang kalamangan ng UP sa 19 na marka habang naghihikahos ang koponang berde at puti sa kanilang opensa, 26-45. Sa kabilang banda, pumoste pa ng puntos sina point guard Nonoy at Nelle, subalit nanatiling matatag ang Diliman-based squad sa presensiya ni big man Malick Diouf, 34-51. Rumatsada naman ng layup mula sa fastbreak play si EJ Gollena upang tabasin sa siyam na puntos ang kalamangan ng UP sa pagpasok ng second half, 45-54.
Naging maalat naman ang pagbubukas ng ikatlong kwarter para sa Green Archers matapos limitahan ng Fighting Maroons ang kanilang pag-iskor, 46-58. Sinundan pa ito ng lumalagablab na slam ni Lopez, 50-65. Binasag naman ni Jonnel Policarpio ang katahimikan matapos magpakawala ng tirada mula sa three-point line, 53-71. Kinalaunan, hindi na hinayaang makahabol ng UP ang Green Archers nang selyuhan ni Gerry Abadiano ang naturang kwarter, 57-75.
Nagsilbing pampagising ng Green Archers ang agaw-pansing pagpasa ni Earl Abadam kay Kevin Quiambao ng bola upang makapagkubra ng pangmalakasang layup, 59-75. Nagpatuloy pa ang pagpapasiklab ni Quiambao matapos rumatsada ng tres mula sa assist ni Nelle, 69-82. Tila kumakapit pa ang Green Archers nang kanilang maipasok ang mga tirada mula sa free throw kasabay ng nakagigimbal na tres ni Nelle, 76-85. Gayunpaman, nanatiling matatag ang puwersa ng Fighting Maroons nang tuldukan ang sagupaan upang masungkit ang kampeonato, 76-87.
Bunsod ng pagkatalong ito, nalasap ng Green Archers ang pait ng kanilang unang pagkatalo. Gayundin, hinirang naman ang DLSU bilang 1st-runner up ng naturang torneo at napabilang sina Nelle at Quiambao sa Mythical Five, kasama sina Fighting Maroons Diouf at Harold Alarcon, at Jun Roque mula sa University of Perpetual Help System-Dalta.
Mga Iskor:
DLSU – Nelle 19, Nonoy 13, Policarpio 8, Austria 7, Gollena 7, Quiambao 7, Phillips 7, Abadam 4, David 2, Nwankwo 2.
UP – Belmonte 18, Lopez 16, Cagulangan 10, Cansino 10, Diouf 10, Alarcon 9, Abadiano 4, Briones 4, Alter 2, Gagate 2, Torculas 2.
Quarter Scores: 22-30, 45-54, 57-75, 76-87.