PINAAMO ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang defending champion National University (NU) Bulldogs, 86-73, sa semifinals ng 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 19.
Nagningning para sa koponang berde at puti ang scoring machine na si Kevin Quiambao matapos magsumite ng 17 puntos, sampung rebound, at limang assist. Umagapay naman sa kaniya si Mark Nonoy nang magtala ng 14 na puntos, dalawang rebound, isang assist, at apat na steal.
Bumida naman para sa Bulldogs si John Figueroa matapos tumikada ng 13 puntos, sampung rebound, at tig-isang assist at steal. Umalalay din sa kaniya si Kean Baclaan bitbit ang 11 puntos, tatlong rebound, apat na assist, at tatlong steal.
Inulan ng turnover ang Green Archers sa unang tatlong minuto ng sagupaan bunsod ng mahigpit na pagbabantay ng NU. Tila naging mabagal pa ang usad ng bakbakan matapos ang magkakasunod na pagmintis ng parehong koponan sa loob at labas ng arko. Gayunpaman, nanguna sa pag-ukit ng puntos ang Bulldogs nang magpakawala ng isang floater si Baclaan at isang layup naman mula kay Figueroa, 0-4.
Sa kabilang banda, nagliyab naman ang mga galamay ni Nonoy matapos tumikada ng magkasunod na tres upang ungusan ang Bulldogs, 12-9. Gayundin, napako sa siyam ang iskor ng NU nang magpakitang-gilas sa loob ng kort sina Earl Abadam at Quiambao, 20-9. Sinubukan pang pagdikitin ng Bulldogs ang talaan, ngunit hindi ito naging sapat nang tuluyang umarangkada ang Taft-based squad sa pamamagitan ng tirada ni Quiambao mula sa three-point line at panapos na layup mula kay Vincent David, 28-14.
Sinalubong naman ni Mike Phillips ang ikalawang kwarter gamit ang kaniyang suwabeng dunk upang palobohin ang kanilang bentahe, 30-14. Gayunpaman, mabilis na nakahabol ang koponang NU nang mag-init ang diwa ni Baclaan bunsod ng kaniyang magkakasunod na driving layup at jump shot mula sa labas. Nagpatuloy pa ang pamatay-sunog na mga tirada ng Bulldogs upang paimpisin ang kalamangan ng DLSU sa anim, 37-31. Buhat nito, kayod-kalabaw ang ipinamalas na opensa ni Quiambao upang makawala sa nagbabadyang paghihiganti ng NU, 45-33. Pumoste pa ng isang tres at layup sina Steve Nash Enriquez at Figueroa, subalit agad nang natuldukan ang naturang kwarter, 45-38.
Tila naupos naman ang kumpiyansa ng Bulldogs pagdako ng ikatlong kwarter nang magmintis ang kanilang magkakasunod na tirada. Sa kabilang banda, agad namang nagpakilala sa madla si EJ Gollena nang magsumite ng limang puntos mula sa kaniyang magkasunod na jump shot at sinabayan pa ng tres ni kapitan Evan Nelle, 57-42. Gayundin, nahirapang makahirit ng puntos ang NU nang paigtingin ng Taft-mainstays ang kanilang depensa, 69-50.
Nagpatuloy ang nagbabagang opensa ng Green Archers sa huling kwarter ng sagupaan nang magpakawala ng tres sina Nelle at Ben Phillips, 77-52. Tila humihinga pa ang koponan ng Bulldogs matapos kumamada ng puntos si Figueroa, 79-56. Sumaklolo rin si Ian Manansala para sa NU nang maisalya ang kaniyang magkakasunod na layup, ngunit hindi ito naging sapat nang tuluyang tuldukan ng koponang berde at puti ang sagupaan, 86-73.
Buhat ng pagkapanalo, nananatiling malinis ang kartada ng Green Archers. Gayundin, aabante ang Taft-based squad sa finals ng naturang torneo, upang kaharapin ang University of the Philippines Fighting Maroons sa Miyerkules, Hunyo 21, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU – Quiambao 17, Nonoy 14, Nelle 9, M. Phillips 9, Escandor 8, David 6, Gollena 5, B. Phillips 5, Nwankwo 4, Austria 3, Macalalag 2, Manuel 2, Abadam 2.
NU – Figueroa 13, Baclaan 11, John 10, Malonzo 9, Manansala 8, Yu 8, Gulapa 3, Enriquez 3, Galinato 2, Palacielo 2, Lim 2, Jomamoy 2
Quarter Scores: 28-14, 45-38, 69-50, 86-73