GINAPI ng EcoOil-La Salle Green Archers ang University of Perpetual Health System Dalta-Atlas (UPHSD) upang maibulsa ang tiket patungong finals, 108-91, sa best-of-three semifinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup 2023 sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 13.
Binitbit ni Prince Alao ang kampanya ng Green Archers matapos tumudla ng 22 puntos. Kaagapay naman niya sa pag-iskor si Jcee Macalalag tangan ang 11 puntos.
Nanguna naman para sa hanay ng UPHSD Atlas si John Abis nang magtala ng 21 puntos. Naging kasangga rin niya sina Christian Pagaran at Carlo Ferreras matapos magsumite ng tig-19 na puntos.
Mainit na sinimulan ni Ben Phillips ang serye sa pamamagitan ng isang layup. Agad naman itong sinagot ng Altas matapos magpakawala ng layup at isang tres, 2-5. Bumulusok naman si Alao matapos magbitaw ng tatlong tres upang makuha ang kalamangan, 16-8. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Green Archers nang magpakitang-gilas sina Macalalag at Francis Escandor, 23-11. Kinalaunan, tuluyang isinara ni Mike Phillips ang unang yugto ng sagupaan bunsod ng kaniyang layup, 30-17.
Pagpasok ng ikalawang kwarter, nagpamalas naman ng matinik na opensa si CJ Austria matapos umariba ng magkakasunod na puntos sa loob ng paint, 35-17. Sa kabilang banda, umalagwa ang tambalang Abis at Ferreras ng Altas upang paimpisin ang kalamangan ng Green Archers, 36-25. Hindi na nagpahabol pa ang Taft-based squad nang ipasok muli ang starters sa kort. Bunsod nito, dinagundong ng tres ni Alao at jam ni Kevin Quiambao ang katunggali, 45-30. Sa pagtatapos ng ikalawang yugto, tila naging malamya na ang usad ng UPHSD nang paigtingin ng berde at puti ang kanilang depensa. Kaakibat nito, natapos ang halftime sa iskor na 51-36.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Taft mainstays matapos mag-apoy ang diwa ni B. Philips nang magbitiw ng nagbabagang tirada mula sa labas ng arko, 63-46. Ginulantang din ni EJ Gollena ang mga manonood matapos magsumite ng anim na magkakasunod na puntos mula sa isang side step at dalawang floater, 70-55. Kasunod nito, nagpakawala pa ng tig-isang tres sina Gollena at Alao upang palobohin ang kanilang bentahe, 78-57. Gayundin, nagtala naman ng isang dunk si Bright Nwankwo upang selyuhan ang ikatlong kwarter, 86-59.
Matapos magpaulan ng tres, hindi nagpapigil si Alao nang umukit ng magkasunod na puntos mula sa floater at layup, 90-62. Sagana man sina Ferreras at Pagaran sa pagratrat ng tirada sa labas ng paint, pinakitaan naman sila ng bagsik nina Austria at Cortez mula sa kanilang fastbreak shots, 99-80. Sa huling dalawang minuto ng bakbakan, nagpalitan lamang ng puntos ang magkabilang koponan. Sa huli, nanaig pa rin ang liksi at bangis ng Taft-based squad, 108-91.
Bunsod ng pagkapanalo, nasungkit ng berede at puti ang unang puwesto sa finals ng serye. Kaakibat nito, hihintayin ng koponan ang mananalo sa laban ng Wangs Basketball-Letran kontra Marinerong Pilipino-San Beda upang harapin sa championship round ng naturang torneo.
Mga Iskor:
La Salle – Alao 22, Macalalag 11, Nwankwo 10, Quiambao 10, Gollena 10, Austria 9, B. Phillips 9, M. Phillips 8, Nonoy 7, Cortez 5, Escandor 3, Manuel 2, Abadam 2
UPHSD – Abis 21, Pagaran 19, Ferreras 19, Razon 11, Ramirez 8, Roque 5, Nitura 4, Sevilla 2, Boral 2.
Quarter Scores: 30-17, 51-36, 86-59, 108-91