Pagsusog sa OEC at pagsasapormal ng COD Manual, isinulong sa ikaanim na regular na sesyon ng LA

ITINAAS ang mga pagbabago sa Omnibus Election Code (OEC) at ang Commission for Officer Development (COD) Manual sa ikaanim na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Mayo 31. Isinapormal din sa sesyon ang pagbibitiw sa panunungkulan ni Liegh Jovim Entila, EDGE2022.

Bagong kulay ng eleksyon

Binuksan ni Mika Rabacca, FOCUS2022, ang usapin ng akda niyang pagsusog sa nilalaman ng OEC, kasama sina Chief Legislator Sebastian Diaz, Michelle Engbino, BLAZE2024; Mikee Gadiana, EXCEL2024; Sai Kabiling, CATCH2T26; Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator; Richmond Nuguid, BLAZE2022; at Raphaela Tan, 75th ENG.

Layunin ng pagbabagong itong alisin ang mabigat na pasanin ng kasalukuyang OEC na binigyang-bisa para sa Make-up Elections 2022 noong Nobyembre at pagkalooban ng patas na plataporma ang mga independiyenteng kandidato.

Hindi na nito kikilalanin ang mga opisyal na kulay ng mga partidong politikal o kandidato para sa darating na eleksyon, bukod na lamang sa berde at puting gagamitin ng Commission on Elections (COMELEC) at University Student Government (USG). Kasunod nito, inimbitahan ni Kabiling sa sesyon sina Joaquin Sosa, acting COMELEC chairperson, Marv Sayson, pangulo ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat), at Marc Lee, pangulo ng Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon).

Tinutulan ni Sayson ang panukalang ipagliban ang mga kulay sa Certificate of Candidacy (COC). Pag-alma niya, “In Tapat, we give great importance in our colors for one, clear identification of political parties. And two, easy recognition for the benefit of the student body. . . Our colors have also been [a] long part of our history.”

Ikinabahala naman ni Marianne Era, FAST2020, ang posibilidad ng paggamit ng ibang kulay sa nakasanayan para sa kampanya ng mga partidong politikal. Depensa ni Loja, labas na sa obligasyon ng USG ang paghawak ng mga partido sa kanilang sariling kultura at pamamahala sa mga operasyong pang-eleksyon.

“Just because they’re not officially recognized by COMELEC, does not mean Santugon is not associated with blue or Tapat is [not] associated with red,” buod ni Kabiling. Dagdag pa niya, hinihiyakat ng panukala ang mga botanteng kilatisin ang mga kandidato nang higit sa kaalaman lamang nila ukol sa mga partidong politikal.

Paglilinaw ni Sosa, misyon ng kaniyang inisyatiba ang gawing patas ang oportunidad para sa lahat. Bunsod nito, wala ring malalabag na tuntunin ang pagsusuot ng kandidato ng partikular na kulay sa labas ng panahon ng pangangampanya.

Pag-anyaya ni Rabacca, maaaring magsagawa ang COMELEC ng pagpupulong kasama ang mga partidong politikal, koalisyon, at independiyenteng kandidato ukol sa kanilang mga gagamiting kulay upang matiyak na walang kalituhang magaganap. Agad namang kinuwestiyon ni Loja ang pagiging epektibo ng mga internal na pagpupulong gayong hindi rin ito kikilalaning opisyal dulot ng kakulangan sa regulasyon.

Iminungkahi naman ni Era ang pagsusumite ng lahat ng mga kandidato ng colors form para sa dokumentasyon. Bagaman walang karampatang parusang matatanggap mula sa paggamit ng kulay, magsisilbi itong palatandaan ng mga opensa ng isang kandidato simula pa lamang sa panahon ng eleksyon. Sa kabila nito, nilinaw ni Sosa na sakaling pasinayaan ang probisyon, wala pa ring makakamit na parusa ang mga hindi susunod dito.

Sinang-ayunan din nina Sosa at Kabiling na kontraproduktibo ang pagpapasa ng colors form sa nauna nang panukalang pagtanggal ng nakagawiang dokumentasyon ng mga opisyal na kulay. Dagdag pa ni Gadiana, madaling umayon sa panig ng mga politikal na partido ang pagtatakda ng kanilang mga kulay dahil sa mahabang kasaysayan at kaugnayan ng mga ito sa kanila.

Kaugnay nito, muling itinaguyod ni Rabacca ang pagtanggal ng mga kulay sa eleksyon upang mas maging bukas ang USG para sa lahat. “I would like to invite all of you to go back to our USG Constitution, wherein part of our Bill of Rights is that every student has the right to actively participate in the USG. And that means making our electoral process more inclusive for everyone.”

Gayunpaman, hindi natinag sina Lee at Sayson na sabihing magiging malaking problema para sa kanilang mga partido ang pagpasa ng probisyong nagsasawalang-bisa ng kanilang mga opisyal na kulay sa eleksyon. Apela ni Loja sa hindi pagkakasundo ng mga legislator at kinatawang dumalo, “I think we’re also trying to dive in too deep in internal matters that are out of our control.”

Ipinaalala ni Kabiling na mananaig ang nakaraang OEC sa nalalapit na General Elections 2023 sakaling hindi maaprubahan ang panukalang batas sa kasalukuyang sesyon. Matatandaang nagsimula na nitong Huwebes, Hunyo 1, ang paghahain ng COC ng mga kandidato.

Pinalawig na OEC para sa lahat

Binigyang-diin ni Engbino na may iba pang mga bahagi sa itinataguyod na OEC na dapat pagtuunang-pansin ng lupon, partikular na ang pagbabawal sa mga ID 121 na hindi nag-enroll noong Summer Term na tumakbo sa mas mataas na posisyon. Ani Engbino, ang mga ID 121 at ID 122 ang mga pinakaaktibong kalahok sa eleksyon, sapagkat mas nakatutok na ang mga ID 120 at pababa sa kanilang personal na gawain kaysa sa mga kaganapan sa Pamantasan.

Bunsod nito, magiging sapat na ang apat na termino sa Pamantasan upang tumakbo bilang USG President, Vice President for External Affairs, Vice President for Internal Affairs, Executive Secretary, Executive Treasurer, at College President para sa ilang espesyal na kasong nakatala sa Artikulo 3.

Nasasaklaw nito ang pag-antala ng Pamantasan sa isang termino kailanman sa buong pananatili ng kandidato sa kolehiyo at anomang pagbabago sa academic calendar na magreresulta sa hindi pag-abot ng kandidato sa orihinal na kwalipikasyong limang termino, alinsunod sa Seksyon 2.2.1.1 at 2.2.1.2. Ayon naman sa Seksyon 2.2.1.3, may bisa lamang ang dalawang naunang probisyon sa sitwasyong naka-enroll ng apat na sunod-sunod na termino at hindi kumuha ng LOA sa buong pananatili sa Pamantasan ang nais kumandidato bago ito.

Ipinahayag din ni Kabiling ang kaniyang suporta sa pagsusog sa lumang OEC para sa karapatang bumoto ng bawat Lasalyano, sa kampus man ng Maynila o Laguna, kabilang na ang pagkilala sa mga koalisyon ng mga independiyenteng kandidato sa Seksyon 4.

Salaysay nina Sosa at Kabiling, mabigat na isyu kompara sa mga partidong politikal ang kawalan ng kakayahan ng mga koalisyong mangampanya kasama ang isang kandidato nang hindi nakatatanggap ng pag-apruba mula sa COMELEC, katulad ng naranasan ni Kabiling. Kalakip nito, hindi na rin kakailanganin ng tatlo o higit pang independiyenteng kandidato upang bumuo ng isang koalisyon.

Pagbibigay-saloobin ni Kabiling sa sariling kabiguan sa ilalim ng OEC bilang dating independiyenteng kandidato, “I feel like the changes to the coalitions and to the independent candidates is very relevant, because I believe if you do not have the approval from COMELEC to form a coalition, independent candidates’ right to suffrage is threatened.”

Inaprubahan ang resolusyon sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.

Manwal ng liderato

Inilatag nina Alijaeh Go, 76th ENG, at Zak Armogenia, FAST2021, ang COD Manual na tumitiyak sa mga gampanin at pananagutan ng mga opisyal ng USG. Nakatakda sa Artikulo 4 ang kapangyarihan at responsibilidad ng mga komisyoner na direkta pa ring sasagot sa Executive Secretary.

Nakapailalim naman sa Seksyon 1 ng Artikulo 5 ang Training and Development Department na magsasanay sa mga opisyal ng USG at bawat komisyon. Gayundin, nilalaman ng Seksyon 2 ang Evaluation and Policies Department na susuri sa pagsasakatuparan ng mga opisyal ng kanilang tungkulin.

Nararapat ding magsumite ng Declaration for Affiliations and Organizations ang mga aplikante ng bawat komisyon. Alinsunod ito sa Artikulo 6 na nagbabawal sa isang komisyoner na maging bahagi ng ibang yunit ng USG, Student Media Office (SMO), at partidong politikal. Hindi rin dapat bababa sa tatlo ang kaniyang nalalabing termino sa panahon ng paghahain ng aplikasyon.

Nilinaw din ni Armogenia na maaaring maging bahagi nito ang mga nagmula sa ibang yunit ng USG at mga dating kasapi ng SMO sa oras na hindi na sila aktibo sa kanilang mga orihinal na opisina. Samantala, naging bukas naman siya sa pagdaragdag ng probisyon para sa mga dating miyembro ng partidong politikal.

Paglalahad niya, “The essence [of the COD Manual] is to be as nonpartisan as possible.” Bunsod nito, inenmiyendahan ang Artikulo 6 upang masigurong hindi bababa sa isang termino na walang kaugnayan sa mga partidong politikal ang isang aplikante.

Ipinresenta naman sa Artikulo 10 ang DLSU USG Archives na naglalaman ng mga naipasang batas at manwal sa LA upang pagtibayin ang kaalaman ng mga opisyal ukol sa kanilang mga opisina. Mariing ipinaliwanag ni Armogenia na nakasalalay sa COD ang pagsasaayos at pamamahala nito. Protokol namang isapubliko ang bawat pagbabago sa mga dokumento, alinsunod sa Seksyon 6, 7, at 11.

Binigyang-pansin din niya ang Artikulo 13 o Code of Conduct na binuo kasama ang USG Judiciary (USG-JD). Hanggang tatlong babala ang maaaring makuha ng isang komisyoner na lalabag sa mga tuntunin, ayon sa Seksyon 2. Paglilinaw ni Armogenia, walang kapangyarihan ang komisyong alisin ang isang opisyal sa kaniyang puwesto, bilang nasa hurisdiksyon ito ng USG-JD. Mangyaring umabot sa tatlong babala, ilalapit lamang ng komisyon ang mga rekord ng pagkakasala sa naturang opisina upang imbestigahan.

Nilalaman naman ng Artikulo 14 ang Leave of Absence (LOA), pagbibitiw sa puwesto, at paghalili sa posisyon. Nararapat na magrekomenda ng isa hanggang tatlong maaring humalili ang nagbibitiw na opisyal dalawang linggo bago umalis sa komisyon.

Kinilala rin ni Armogenia sa kaniyang pagtatapos si dating EXCEL2021 Katkat Ignacio. Sambit niya, “We’d also like to give gratitude to one of the authors of the COD Manual, Ms. Katkat Ignacio, since she spearheaded this manual from last term. So once again, thank you, ate, for this.”

Ipinasa ang panukalang batas sa botong 17-0-0.

Pagtatapos ng panunungkulan

Sinimulan ni Chloe Almazan, EDGE2021, ang pagtalakay sa pagbaba sa puwesto ni Entila. Pagsisiwalat ni Entila sa kaniyang liham ng pagbibitiw, “It has become clear to me that I need to devote some time to personal growth and improvement before I can continue to serve my constituents to the best of my ability.”

Pinasalamatan ni Armogenia ang serbisyo ni Entila. Aniya, isa ito sa mga nangunang mamagitan sa mga kasapi ng liderato at ang kaniyang naging katuwang sa pagsasaayos ng mga papeles. Ipinaabot din ni Tan ang kaniyang kalungkutan sa pagbakante ni Entila na nakasama niya sa pagsusulat ng mga agenda at batas sa puwesto nito. “Of course, you’ll be remaining as a co-author to make sure that you are acknowledged and remembered in all that you have done.”

Bilang huling mensahe, pinuri rin ni Diaz ang naudlot na panunungkulan ng legislator, bagaman hindi sila nabigyan ng oportunidad na direktang magkatrabaho.

Isinapinal ang pagbibitiw ni Entila sa botong 17-0-0.