PINATALSIK ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mabalasik na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses matapos manaig sa loob ng apat na set, 26-24, 25-22, 20-25, 25-19 sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Semifinals Tournament, Mayo 3, sa Smart Araneta Coliseum.
Itinanghal na Player of the Game si Lady Spiker Justine Jazareno matapos magtala ng 22 excellent digs at 16 na excellent reception. Nanguna naman sa pagpuntos para sa Lady Spikers si super rookie Angel Canino nang umukit ng 19 na puntos.
Bumida naman para sa Golden Tigresses si kapitana Eya Laure matapos magpakawala ng 15 puntos. Ipinaramdam din ni Detdet Pepito ang kaniyang liksi sa pagsalo ng mga tirada tangan ang 14 na excellent dig at 16 na excellent reception.
Nakatikim agad ng hamon ang Lady Spikers matapos ang buena manong unforced error at maagang pag-arangkada nina Golden Tigresses Regina Jurado at Imee Hernandez sa pagbubukas ng unang set, 1-4. Kaya naman, sinikap ng Lady Spikers na paganahin ang depensa sa net sa pangunguna ni Lady Spiker Shevana Laput, 6-5. Matapos magsalitan ng service error, humirit naman ng service ace si Lady Spiker Fifi Sharma upang umangat nang bahagya sa talaan, 10-9.
Bunsod nito, walang-awang biniyak ng Golden Tigresses ang kanilang naghihingalong depensa sa net sa pangunguna nina Milena Alessandrini at Jurado, 13-15. Sa kabila nito, ipinagtibay naman ng Lady Spikers ang kanilang floor defense at sinabayan pa ng rumaragasang tirada sa tres ni Sharma, 19-17. Humirit naman ng magkakasunod na puntos si Laure, 24-all, ngunit hindi ito naging sapat nang tuluyang napasakamay ng koponan ang unang set matapos ang matagumpay na triple block kay Laure, 26-24.
Masilakbong panimula ang ipinamalas ng Lady Spikers pagdako ng ikalawang set. Kaugnay nito, nag-init ang mga galamay ni Dela Cruz nang magpakawala ng magkakasunod na atake, 7-5. Kinalaunan, nagdikit ang iskor ng magkabilang koponan nang magpalitan ng puntos sina Jolina Dela Cruz at Laure, 18-all. Gayunpaman, agad nang umariba ang opensa ng Lady Spikers upang maibulsa ang panalo sa set, 25-22.
Nahirapan namang makabuo ng play ang Lady Spikers sa pagpasok ng ikatlong set. Nakatikim pa ng momentum ang katunggali matapos rumatsada ng atake si Laure at sinundan pa ng apat na magkakasunod na error ng Lady Spikers, 7-12. Namaga pa ang kalamangan ng UST nang magpakitang-gilas si Golden Tigress Jonna Perdido gamit ang kaniyang down-the-line hit, 12-19. Kasabay nito, humarurot ng takbo ang mga kababaihan ng España tungo sa set point nang magsumite ng isang sharp hit si Jurado at panapos na kill block ni Hernandez, 20-25.
Mas pinaigting na opensa ang ipinamalas ng Taft-based squad sa pagpasok ng ikaapat na set nang magpakitang-gilas si Lady Spiker Alleiah Malaluan gamit ang kaniyang crosscourt kill, 14-7. Sa kabilang banda, kumana naman ng magkakasunod na atake si Laure upang paimpisin ang kalamangan ng Lady Spikers, 14-11. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Lady Spikers nang mag-apoy ang diwa nina Canino at Malaluan, 23-16. Sinubukan pang makadikit ng Golden Tigresses, ngunit hindi ito naging sapat nang tuldukan ni Taft-tower Thea Gagate ang sagupaan gamit ang kaniyang kill block, 25-19.
Bunsod ng pagkapanalo, nadagit ng Lady Spikers ang unang tiket patungong Finals. Kaakibat nito, makakalaban ng Taft-mainstays ang defending champions National University Lady Bulldogs sa darating na Linggo, Mayo 7, sa parehong lugar.