Madilim at mapanglaw na kapaligiran. Lingid sa kaalaman ng nakararami ang pamumuhay ng mga nagtatagong nilalang sa likod ng buhol-buhol na damo’t punongkahoy. Mula sa ungol ng mga hayop hanggang sa mga nalagas na kayakas, matatagpuan sa masukal na gubat ang dalagitang natapyasan ng kaalaman at karunungan. Sa pamumuhay sa piling ng mga hayop at kagubatan, nanatiling mangmang ang babae sa nakasusuya at kasuklam-suklam na budhi ng sangkatauhan. Sa gayon, nang mabihag ang puso sa ektasing dala ng binatang napadpad sa liblib na lugar—nagunaw ang mundong kaniyang kinalakhan. Sa pagkalampag ng dalawang namamawis na katawan, nabuo ang poot at sala ng dalagang walang muwang sa mundo.
Inihandog ng NOVEL:TE ang dulang Ang Unang Aswang, kuwentong isinulat ni Rody Vera at direksyon ni Jack Denzel Gaza. Itinanghal ang palabas sa Black Box Theater ng De La Salle-College of Saint Benilde, Design and Arts Campus nitong Marso 29 hanggang 31 at Abril 3 hanggang 4. Sa loob ng mapanglaw at munting silid, halu-halong nakatutulig na halinghing ang narinig—aso’t pusa, dalaga’t binata. Kinalaunan tumungo ito sa hagulhol ng sanggol habang nilalamutak ng mabangis na nilalang ang kaniyang lamang-loob. Tanda na lumitaw na ang huyong na aswang. Nanggagalaiti, naghihiganti.
Kagat ng realidad
Nagsimula ang dula sa pagpasok ng mga nagsama-samang hayop na nagmistulang koro sa kagubatan. Binigyang-larawan nila ang kanilang naghihinagpis na damdamin at kalagayan dahil sa mga tao sa siyudad. Matapos ang ilang segundo, inihayag ng Baboy Ramo, sa pagganap ni Heleynah Galan, ang kaniyang galit sa mga tao at pagdadalamhati bilang inang namatayan ng mga anak. Kaisa sa kaniyang mga hinaing ang boses ng Aso at Pusa, na binigyang-buhay ni Edith Garcia at Maureen Batuyong.
Mahihinuhang hindi mapapatawad ng Baboy Ramo ang kumitil sa diwa ng kaniyang mga mahal sa buhay. Subalit, mapaglaro ang tadhana. Nawala ang pagkamuhi, nanaig ang kaniyang pagiging ina sa gitna ng madagim na kapaligiran nang masilayan ang isang sanggol, o ang dalagitang magiging aswang, na ginampanan ni Jiana Velasco. Ipinamalas ng Baboy Ramo ang kabutihan ng kaniyang puso—handang makalimot sa harap ng inosenteng bata.
Lumaki ang sanggol sa kaniyang pag-aaruga; nagbunga ang pagmamalasakit nang naging kaakit-akit na dilag ang batang inalagaan. Gayunpaman, taliwas sa kaniyang ganda ang nagbabadyang masalimuot na hinaharap. Nabuwag ang kanilang mapayapang buhay nang napadpad sa kagubatan ang Lalaki, na ginampanan ni EJ Bautista. Tanaw sa mata ng Lalaki ang kasiyahan nang marating ang nakatagong purok sapagkat tangan nito ang kalayaan mula sa taong-bayang mapanghusga.
Bilang bilanggo ng lipunan, kaniyang nilimot ang tanikala ng realidad at tumungo sa pagbihag sa puso ng dalagang nakilala sa likod ng mga sanga. Sinamantala niya ang pagkakataon, inibsan ang galit at libog gamit ang katawan ng babaeng hindi niya maunawaan. Sa kasamaang palad, matapos ilabas ang malagkit na semilya, kaniya ring linisan ang haplos ng dalaga.
Natamasa man ng dalagita ang rurok ng kasiyahan sa bisig ng isang walang kuwentang binatilyo, pinalitan ito ng masidhing poot nang nagtaksil ang iniibig. Subalit, nagbunga ang pagtatalik ng supling na nagluwal sa isang nakalulunos na trahedya. Lumantad ang babaeng kinain ng poot at lumbay. Dama sa kaniyang bawat kagat at lunok ang pagkawala ng katinuan dulot ng hinanakit na dala ng inibig na Lalaki. Nasaktan man sa pagkamatay ng sariling anak, nagtagumpay pa rin sa kaniyang nananalaytay na dugo ang panibagong anyo—ang pagiging Unang Aswang.
Pagngabngab ng obra
Sa pagpatak ng kadiliman sa ibayong kagubatan, tanging rinig na lamang ang maingay na katahimikan. Habang tumatagal, tumayo ang balahibo at nalusaw ang hinayong nadarama nang naaninag ang yaring gubat sa itaas ng entablado. Sa paglikha ng masukal at madilim na kahuyan, nakabuo rin ng dulang nagsilantad ng pagnanasang gawing pulutan ang paslit na isinilang—hinagpis ng inang nawalan ng kakalingan.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga kasaping nagsadula at naging bahagi ng produksiyon, inihayag nila ang mga hamong naranasan sa paghahanda pati ang kabuluhan nito sa publiko. Inihayag ni Edith Garcia, ginampanan ang papel ng Aso, na walang kalakip na biro ang pagbibigay-buhay sa mga hayop at karakter upang maipakita ito sa makataong perspektiba pati ang pagpapasilip sa biyolohikal at sikolohikal na katangian nito.
Sa pagnanais na maipakita ang husay sa pag-arte, marubdob na paghahanda rin ang kinailangan ng buong produksiyon. Sa pagbabahagi ni Arj Rosales, bahagi ng Koro at taga-disenyo ng mga ilaw, may mga miyembrong napilayan at nagkaroon ng pasa sa katawan habang nag-eensayo at nagsasaayos ng iba’t ibang kasangkapan upang mabuo ang dula.
Batid din ni Jiana Velasco, gumanap sa karakter na Aswang, naging hamon sa mga estudyante ang paghahanap ng balanse sa pag-eensayo at mga akademikong tungkulin. Idinagdag din ni Heleynah Galan, ang nagmistulang Baboy Ramo sa dula, “Dahil physically-demanding ang bawat isang role sa pagtatanghal na ito, ‘di maiiwasan ang pananakit ng katawan [mapanatili lamang na] mataas ang kalibre ng bawat performance.”
Maliban dito, isinaad nila ang kabuluhan ng palabas sa sambayanan. Malimit na sinasampal ng mga maaanghang na kutya ang kababaihan ng marayang katotohanang hindi nila kapantay ang kalalakihan. “Sa dula ay nakikita natin ang mga kababaihan, na umaangat sa mga stereotype ng mga tungkulin ng kasarian, ng pagiging ina, ng pagkababae,” paglalahad ni Galan.
Pagnamnam at paglunok ng kabuluhan
Sa paglagok ng madugong istorya, mawawaring ipinakita nito ang dalawang magkatunggaling imahen ng pagiging ina—ang walang pinipiling pagkalinga, kadugo man o hindi. Gayundin, ang pag-aarugang may hangganan na kayang isakripisyo ang inuluwal na anak para sa sariling kapakinabangan. Nakahihibang isiping walang sala ang inang pumaslang sa kaniyang supling, ngunit masangsang din ang amoy ng lalaking nabubuhay sa poot. Sa timbangan ng moralidad, parehas mabigat ang kilos ng mga taong nag-asal hayop.
Bagamat nakahihindik ang natunghayan na pagmamahalan, tangan pa rin nito ang mensaheng nakatuon sa pabibigay-kapangyarihan sa kababaihan. Hindi na bago sa mundo ang pananaw na naaabuso at nasasamantala pa rin ng kalapastanganan ng kalalakihan ang mga babae. Sa bawat paldang nakasuot, kalakip nito ang nakatagong pagnanais na makawala sa gapos ng lipunan. Kaya sa katapusan ng kuwento, lantad na may malalim na simbolo ang pagbabagong-anyo ng dalaga. Hindi lamang ito repleksiyon ng pighating natamo sapagkat hindi natumbasan ang inalay na pag-irog, salamin din ito ng pagtayo laban sa kalalakihan.
Hindi na muling papabihag. Tatayo’t lalamunin ang bawat isinilang na kasalanan at kasamaan ng lalaking baluktot ang budhi.