Mga kandidato sa Make-up Elections 2021, naglatag ng kani-kanilang plataporma sa Miting de Avance


IBINIDA ng mga kandidatong nagmula sa Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) ang kani-kanilang mga plataporma sa idinaos na Miting de Avance, Enero 22, sa Facebook live ng Archers Network.

Binigyan ng dalawang minuto ang bawat kinatawan ng partido upang ipakilala ang kanilang mga kandidato. Mayroon namang apat na minuto ang mga college president at anim na minuto ang mga kandidato ng Executive Board upang ilahad ang kanilang mga plataporma.

Tindig ng Tapat

Pinangunahan ni Gab Dela Cruz, kandidato ng Tapat para sa posisyong campus president ng Laguna campus, ang pagbabahagi ng mga platapormang inihanda niya para sa pamayanang Lasalyano. Aniya, “Karapatan mo, karapatan ko, ipaglalaban natin hanggang dulo.” Sinundan naman ito ng mga kandidatong tumatakbo bilang presidente ng bawat kolehiyo para sa Manila Campus.

Tinukoy nina Carlos Valondo, tumatakbo para sa Ramon V. Del Rosario College of Business (RVR-COB), Renee Formoso para sa College of Science (COS), at Jian Medina-Cue para sa College of Liberal Arts (CLA), ang isang lider na kailangan ng mga estudyante. 

Ayon kay Valondo, “We need leaders to continue to champion a secure future for us, students of today and business leaders of tomorrow.” Pagbabahagi naman ni Formoso, “A leader isn’t only defined by the new platforms that he or she is proposing but also by the ability to reinforce the current one.” Para naman kay Medina-Cue, kailangan ng mga Lasalyano ang isang tapat na pinunong iintindi sa bawat hinaing at pangangailangan ng mga mag-aaral. 

Pagsusulong naman sa mga patas na polisiyang pang-akademiya at pagsulong sa mga karapatan at kapakanan ng mga mag-aaral ang nais bigyang-pansin nina Alfonso Claros, tumatakbong batch president ng 73rd ENG at Kate Magbitang, kandidato mula sa College of Computer Studies (CCS). 

Ipinarating naman nina Kara Avecilla, tumatakbong Batch President ng EDGE2018, at Zane Kekenusa, kandidato mula School of Economics (SOE), na gagawin nila ang kanilang makakaya upang maibigay ang karapat-dapat na student government para sa mga estudyante.

Una namang isinalang si Shei De los Santos, tumatakbo sa posisyong executive treasurer,  para sa executive board. Bungad niya, “Increase scholarships, financial grants, and support for technological, medical, and mental health needs of the students. Ito ang mga platapormang kailangan ng bawat Lasalyano.” 

Sumunod naman si Annika Silangcruz na tumatakbo bilang Executive Secretary na nagpahayag na itataguyod niya ang tapat at may pananagutang USG. “I want to guarantee that you experience a better student life and gagawin ko ‘yong student development of a virtual platform for document tracking and activity processing for our student organizations”, wika ni Silangcruz ukol sa mga maaaring asahan sa kaniyang liderato.

Binigyang-diin naman ni Cate Malig, kandidato para sa Vice President for External Affairs (VPEA), na hindi lamang responsibilidad ng mga estudyanteng lider ang makatanggap ng tiwala mula sa mga estudyante, obligasyon rin nilang buuin ang tiwalang ito. Pagdidiin pa niya, “Bawat plataporma ay mayroong bahid ng dugo at pawis para sa mga kapwa mag-aaral na naghihirap dahil sa pandemya, sa mga mag-aaral na naghihirap dahil sa mapang-abusong sistema ng lipunan.”

Nangako naman si Jaime Pastor, tumatakbong Vice President for Internal Affairs (VPIA), na aayusin nila ang pagsasagawa ng online na klase sa pamamagitan ng pagsulong ng mga alternatibong pamamaraan. Dagdag pa niya, “We will work together with DLSU administration for the safe return to DLSU.”

Natapos ang pagbabahagi ng mga plataporma sa pahayag ni Maegan Ragudo, tumatakbo para sa katungkulang USG President. Paglalahad niya, titiyakin niyang matutugunan ang kakulangan sa University Life lalo na sa mga ID 119 at 120. Dagdag pa niya, sisiguraduhin niyang mas madadagdagan pa ang USG scholarships at allowances, suportang pang-teknolohiya, medikal, at pangangailangang may kinalaman sa mental health. “We will fight for a future that will secure our education, that will invest in the student body, and a future that will champion the progressive student body,” pagtatapos niya.

Sigaw ng Santugon

Sa hanay ng Santugon, binigyang-tuon ni Marcus Guillermo mula RVR-COB at Jolo Cansana mula CCS ang kanilang layuning bumuo ng isang inklusibong kolehiyo para sa mga estudyante. 

Umiikot naman ang platapormang inihain nina Raina Nivales mula CLA, Madeline Tee mula Gokongwei College of Engineering (GCOE), at Joshua Arao mula SOE sa pagtataguyod sa kapakanan at kakayahan ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay-oportunidad sa kanilang magtagumpay.

Inilahad din nina Leonna Gula mula Brother Andrew Gonzales College of Education at Bianca Bracamonte mula COS, ang kanilang mga plano para sa kani-kanilang kolehiyo. Pokus ng kanilang mga plataporma ang pagkakaroon ng mga lider na magbibigay-representasyon at tutugon sa pangangailangan ng mga Lasalyano.

Sumunod namang ipinakilala ang mga kandidato ng Santugon para sa Executive Board ng USG. Unang isinalang sa hanay ng Santugon si Noel Gatchalian, tumatakbo bilang Executive Treasurer. Wika ni Gatchalian, “I am here to deliver. . . the kind of service that will distribute gadgets and other resources to those DLSU students who are having a hard time accessing this online learning platform.” 

Priyoridad naman ni Earlrich Ibon, tumatakbo sa posisyong VPEA, ang pagtataguyod ng mga makabagong solusyon. Binigyang-diin niyang panahon na upang gumawa ng mga karagdagang hakbang para makatulong sa kapwa. “Alam kong marami sa ating gustong tumulong at tumutulong. Nandito ako para alam niyong hindi ninyo ito kailangang gawin mag-isa,” pagtatapos niya.

Para sa huling pananalita, ipinahayag naman ni JM Gutierrez, tumatakbong USG Executive President, ang kaniyang mga plano at plataporma. Naniniwala si Gutierrez na karapatan ng bawat Lasalyano na mapalawig ang kanilang karanasan bilang miyembro ng Pamantasan. “A USG that you can call yours. A USG that can be a bridge for you to be able to maximize your Lasallian experience,” wika ni Gutierrez ukol sa mga maaaring asahan sa kaniyang liderato.

Pakikibahagi ng pamayanang Lasalyano

Sa huling bahagi, binigyan naman ng pagkakataon ang mga Lasalyano na kilatisin pa ang mga kandidato sa pamamagitan ng isang open forum.

Tinanong ang mga standard bearer na sina Gutierrez at Ragudo tungkol sa kanilang contingency plans kapag bumalik na ang mga mag-aaral sa face-to-face na klase. Ipinahayag ni Ragudo na ilan sa kaniyang mga plano ang pagkakaroon ng educational recovery plan, klarong panuto sa phase by phase na pagbubukas ng mga klase, at muling pagbubukas ng mga klaseng panglaboratoryo. Aniya, “One of our key plans is to lobby for an educational recovery plan which features a complete redesigning and reimagining of our learning.” 

Sa kabilang banda, inilahad ni Gutierrez ang kaniyang plano na magkaroon ng socially-distanced classrooms at cashless na mga transaksiyon. Paliwanag niya, “This will ensure that our transactions will be clean and our students will be able to roam around school freely.”

Hiningi rin ang opinyon nina Ragudo at Gutierrez ukol sa pakikitungo sa mga mag-aaral lalo na sa mga hindi sumasang-ayon sa kanilang ideyolohiya. Inihayag ni Ragudo na naniniwala ang kaniyang partidong hindi dapat ipilit sa iba ang kanilang paniniwala. Saad niya, “What’s important is that we get to translate the values and interests of the student body in the policies we will be pushing for.”

Inilahad naman ni Gutierrez na naniniwala ang Santugon sa indibidwalidad at nirerespeto niya ang opinyon ng iba. “With this, in my governance, together with Noel and Earl, we will make sure we have an inclusive governance,” saad niya.

Magkasalungat naman ang opinyon nina Ragudo at Gutierrez nang tanungin tungkol sa kanilang posisyon sa pagkakaroon ng charter change. Tutol dito si Ragudo sapagkat nasa kalagitnaan ng pandemya ang Pilipinas. “Imbes na paigtingin ang pagtugon sa COVID-19 at sa ating economic crisis, pinupush pa nila ang constitutional amendments na hindi naman makakatulong especially right now that we’re nearing 2022 elections,” giit niya. 

Naniniwala naman si Gutierrez na maaaring makatulong ang charter change subalit sumang-ayon din siya kay Ragudo na hindi ito kailangan ng bansa sa ngayon.  Pahayag niya, “Charter change may be impactful down the line but maybe with certain minor revisions it will really make a difference as well.”

Huling inusisa ang mga kandidato ng VPIA kasama muli ang mga tumatakbong USG President ukol sa magiging batayan ng pagpapatupad nila ng mga reporma at proyekto: ang paggawa ng nararapat at naaayon sa kanilang plataporma o ang pagsunod sa mga nakalap na datos mula sa mga estudyante. 

Dahil walang kandidato ang Santugon para sa posisyong VPIA, si Ibon ang tumugon dito, “You guys are the forefront of our leadership. Kayo [students] ang laging pupuntahan namin kung gusto namin i-clarify ang projects na gagawin namin.” Ayon pa kay Gutierrez, priyoridad nila palagi ang mga estudyante para makamit nila ang “Lasallian experience.” 

Naniniwala naman si Pastor na ang mga pinaniniwalaan ng mga mag-aaral ang humuhulma sa mga polisiyang kanilang ipaglalaban sa USG. Dagdag pa ni Ragudo, “It is our responsibility as the USG to translate their needs into these policies that is why it is counterproductive to go against the will of the people.”