“Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak”
Matayog ang lipad. Iwinawagayway ang karatulang naghahayag ng kalayaan. Subukan mang tirahin pababa, matutunghayan ang husay nitong umilag. Hindi nagtagal, naglaho na rin ang natatanging galing sapagkat nadama na ang pagod sa pag-iwas sa mga birada.
Sa dagsa ng mga sagwil habang naglilibot sa himpapawid, unti-unti nang lumagapak sa lupa. Matapos mahulog sa putik bigla na lamang naglaho ang mga alaala. Nakaligtaan na ang sugat ng kahapon—ang pagkabilanggo sa hawlang puno ng pighati. Muli, nasa lupa’t nakatingala sa palasyong tahanan ng mga naghahari-harian.
Isinagawa ng Malate Literary Folio ang Never Again: A Literary and Visual Art Exhibit upang gunitain ang kasaysayang kinalimutan ng ilang Pilipino sa Yuchengco Lobby, Pebrero 22 hanggang 23. Tanda ang mga ipinakitang likhang sining na magagamit ang mga dibuho at mumunting mga akda upang maihayag ang kuwento ng mga napinsala ng masalimuot na nakaraan. Sa pagsariwa’t pagdalumat sa Batas Militar, hukayin at buksan ang nagmistulang kapsula ng oras—damhin ang hiyaw ng bagong henerasyon.
Gapos ng nangangalawang sistema
Sa pagbukas ng mga hilaw na sugat ng taumbayan, nasilayan ang sari-saring dibuhong nagpamalas ng pagkamalikhain ng mga estudyante sa paghahayag ng sentimyento ukol sa Batas Militar. Ilan sa mga obrang ipinaskil ang “can’t be muted” ni Matthew Florendo, “all you can do is watch” ni Dana Tan, at “the strongman” at “partisonance” ni Chloe Mariano. Iba-iba man ang estilo ng paghulma, magkatulad pa rin ang bawat hangarin nito sa lipunan—ang pagmulat ng mata sa kawalang-katarungang ginawa ng pamilyang Marcos.
Upang lubos na maintindihan ang mga likhang sining, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Dana Tan na lumikha ng nakapupukaw-pansing dibuhong “all you can do is watch.” Isang digital art ang naturang obra na halaw mula sa kaniyang kakayahan sa paglikha ng mga tradisyonal na dibuho pati graphite art. Inilahad din niya ang malalim na kahulugang bumuo sa kaniyang kulay-abong likha. “The message of the piece came from a sense of helplessness [and]. . . despite it being a personal piece, the emotions surrounding it are universal and depict the unnerving feeling of authorities always keeping their eyes on you,” ani Tan.
Isinaad din niyang talamak ang pagmamanipula sa sistema ng edukasyon upang marebisa ang mapait na kahapon. Sa gayon, masisilayan dito ang kahalagahan ng sining. Sa bawat inilathalang likha, napanatiling buhay ang diwa ng kasasaysang Pilipino sa ilalim muli ng isang administrasyong Marcos. Nangibabaw man ang pagtatangkang rebisyon, makikitang nandyan pa rin ang mga manlilikhang katulad niya upang labanan ito.
Siyap para sa hustisya
Sabay-sabay huhuni ang mga ibon sa pagnanasang makaalpas mula sa tanikala ng diktadurya. Bilang pagbibigay-diin sa hustisya, gayundin sa karapatan ng taumbayan, nagtampok ng ilang maikling piyesa ang exhibit: “Walang Babaan” ni Patrishia Benedicto, “Binhi ng taumbayan” ni Josh Valentin, “Pang(g)ulo” ni Sejo Alriz, “Lahat Tayo Mawawala sa Mundo/Everyone Will Disappear From The World” ni Rigel Portales, at “Pagsuko” ni Mary Jenwil Basila.
Sa pagsaklaw sa nakakubling hiyaw ng sambayanan, kinapanayam ng APP si Josh Valentin, sumulat ng “Binhi ng taumbayan.” Kaniyang ibinahagi na bunga ang tula ng pagnanais na mailarawan ang buhay-aktibista sa pamamagitan ng konseptong buhay at kamatayan. Katulad ito ng katagang “bloom where you are planted” na ginamit niyang linya sa tula. “Ang tao daw ay dapat maging matatag kahit anomang hamon ang harapin nila,” kaniyang pagbibigay-kahulugan sa kataga.
Maliban dito, inihayag niyang may kapasidad ang kabataan na magbunga ng pagbabago sa pamayanan katulad nina Rizal at Bonifacio. Gayundin, sina Chad Booc at Ericson Acosta sa kasalukuyang panahon. Binigyang-diin din niyang may tungkulin ang mga nasa larangan ng sining at midya sa pagbuo ng kulturang sumasalamin sa adhikain ng lipunan. Dagdag pa niya, isa siyang mag-aaral na nais masilayan ang isang lipunang malaya sa mapaniil at mapagsamantalang mga pinuno. Kaya naman, ginamit niya ang kaniyang pagiging manunulat upang maihayag ang sariling pananaw at kagustuhan.
Inilantad din ni Valentin na kalakip ng naturang binhi para sa taumbayan ang pagiging tagapagtaguyod ng katotohanan. “Ang pagtindig ay mahirap, ngunit kailangan. Ayos lang kung matakot tayo o magkaroon ng pangangamba [pero]. . . sa panahon ng takot o galit, huminga ka at namnamin ang nararamdaman mo, at gawin itong daluyan ng pag-asa at tapang,” taos-pusong pagsasaad niya.
Bagong bagwis
“Bayan pa kayang sakdal-dilag, ang ‘di magnasang makaalpas”
Bumagsak man sa lupa, matabunan man ng putik—hinding-hindi pa rin magtatago sa lilim ng kuweba. Gamit ang likhang sining, itatatak muli sa utak ang nakaraang ibinaon na parang ginto’t pilak ng mga nakatira sa Palasyo. Muli, iuunat ang mga pakpak, lilipad tungong alapaap.