UMALINGAWNGAW ang boses ng kabataan mula sa iba’t ibang progresibong grupo upang tutulan ang pagraratsada ng House Bill No. 6687 o National Civil Service Training Program Act sa harap ng Senado, Pasay City, Enero 25.
Nagtipon-tipon ang mga progresibong grupo upang ipakita ang puwersang hindi matinag ng sinoman upang isulong ang karapatan ng bawat isa. Lumahok sa mobilisasyon ang mga miyembro ng National Union of the Students of the Philippines, Rise for Education Alliance, Kabataan Partylist, at Anakbayan.
Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa university government ng University of the Philippines Diliman, Polytechnic University of the Philippines, University of Santo Tomas, at Far Eastern University upang mariing kondenahin ang Mandatory Reserve Officers Training Corps (MROTC) sa bansa bilang bahagi ng sistemang pang-edukasyon.
Sigaw ng pagkadismaya
“Bato Duwag, Labas!”—Ito ang paulit-ulit na sigaw ng kabataan sa isinagawang mobilisasyon. Matunog ang pangalan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa usaping MROTC matapos ang kaniyang pag-anunsyo na muli niyang ihahain ang panukala noong Hunyo 2022. Bunsod nito, hindi pinahintulutan ni Dela Rosa na magkaroon ng kinatawan ang kabataan sa usaping MROTC na lubos na nakaaapekto sa nasabing sektor.
Sa panukalang ito, isasama sa kurikulum sa lahat ng paaralan, pribado man o pampubliko, ng senior high school ang MROTC at iaalok din ang advanced ROTC sa unang dalawang taon sa kolehiyo. Nito lamang Disyembre 16, 2022, ipinasa sa ikatlong pagbasa ang naturang panukala. Gayunpaman, simula noong planong ihain ni Dela Rosa ang panukala hanggang sa kasalukuyan, hindi kumakalas ang mga progresibong grupo upang tutulan ito at ang hungkag na panukalang militarisasyon.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Kim Falyao, isang organisador mula sa KATRIBU Youth, ibinahagi niya ang ilan sa madudugong karanasan ng mga estudyante sa kanayunan bunsod ng militarisasyon sa paaralan. Ito ang nag-udyok sa mga aktibista, katulad niya, na lumahok sa mga kilusang protesta upang tutulan ang pagkakaloob sa kapulisan ng kapangyarihan na manguna sa sektor ng edukasyon.
“Ang nangunguna sa pagpapalayas ng mga katutubo sa kanilang mga komunidad at nangunguna sa pagpaslang sa hanay ng mga katutubo ay ang mismong mga militar at kapulisan. Ang nagpapasara sa mga paaralang Lumad, katulad ng Aeta Learning Center sa Tarlac, ay walang iba kundi ang militar upang hindi matuloy ang pagpapatayo ng mga katutubong paaralan,” giit ni Falyao.
Ibinahagi rin niya ang estado ng 265 paaralan ng mga Lumad at dalawang Aeta Learning Center sa Zambales Mountain Ranges na hindi matapos-tapos na maipatayo dahil mas binibigyan ng kahalagahan ang militarisasyon. Naniniwala siyang mas mainam na ilaan ang pondo ng MROTC sa mas mahahalagang pangangailangan. Nakapagtataka para sa kabataan, katulad ni Falyao, bakit hindi mapaglaanan ng bilyon-bilyong pondo ang mga pasilidad at paaralan sa kanayunan.
Idiniin din ni Falyao na tutol ang sektor ng kabataan sa pagbabalik ng naturang programa sapagkat hindi nito tunay na layunin ang linangin ang patriyotismo. Aniya, dadami lamang ang mga estudyante at kabataan na “utak berdugo, utak pasista, at utak terorista” sakaling pamunuan ng kapulisan ang edukasyon. Bagamat hindi tumugon ang administrasyon sa mga hinaing ng kabataan, nagpatuloy pa rin ang taas-kamaong pakikibaka ng mga organisadong puwersa para malutas na sa wakas ang lumalalang krisis pang-edukasyon sa bansa.
Samakatuwid, nakiisa rin ang kabataang Lasalyano sa pagtutol sa MROTC. Ipinahayag ni Matt* sa APP ang kahalagahan ng patuloy na paglahok ng mga Lasalyano sa pagtindig sa karapatan ng bawat mamamayang Pilipino. Isa sa mga pangunahing layunin ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang tugunan ang krisis sa edukasyon. Mapapakinabangan ng mga Lasalyano ang pakikihanay sa puwersa ng kabataan dahil iisa lamang ang kanilang mithiin.
“Our school [DLSU] was built to provide basic necessities like education. This is also aligned with the current topic, which is to improve the education system instead of instilling blind obedience towards the state. Importante na mai-actualize natin ang value ng communion in mission by means of joining mobilization,” marubdob na saad ni Matt.
Bukod pa rito, nakiisa rin sa pakikibaka ang hanay ng mga estudyanteng Katoliko mula sa Student Christian Movement of the Philippines (SCMP). Kinapayam ng APP si Kej Andres, kasapi ng SCMP, at kaniyang iginiit na taliwas sa mga prinsipyo ng Katolikong mga paaralan ang pagpapatupad ng MROTC at pagbibigay ng impluwensiya sa kapulisan sa sektor ng edukasyon. Aniya, ito ang nag-udyok sa mga Katolikong katulad ni Andres na makiisa sa pagsalangsang ng panukalang ito.
Tiyak na matatanaw ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa panahon ng matinding pang-aapi at kawalan ng katarungan—anoman ang katayuan o kinabibilangang sektor, kolektibo ang pagpiglas bilang pagsasaalang-alang sa demokrasya. Hindi kailanman magiging duwag ang kabataan upang tumindig para sa karapatan ng mga estudyanteng Pilipino sa pagsusulong ng abot-kamay, inklusibo, at ligtas na edukasyon sa bansa.
*hindi tunay na pangalan