NANUMPA ang Board of Trustees ng Philippine Association of Practitioners of Student Affairs and Services, Inc. (PAPSAS) sa Hotel Benilde Maison De La Salle sa pangangasiwa ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Hon. Aldrin Darilag, Enero 13.
Matatandaang isinagawa ang eleksyon para sa ehekutibong lupon at direktor sa ika-27 PAPSAS National Convention and Training Workshop sa Chali Beach Resort and Conference Center noong Nobyembre 17 hanggang 19. Opisyal naman silang iniluklok sa kanilang mga puwesto noong Enero 4.
Ibinahagi ni Darilag na kabilang sa mga hamon sa paghahatid ng serbisyong pangmag-aaral ang isyu sa pangkaisipang kalusugan, kahandaan sa pag-aaral, kapakanan, at kalinangan ng mga estudyante. Kaugnay nito, binigyang-diin niyang mayroon pang kakulangan sa mga ipinatutupad na serbisyo online at offline para sa kapakanan at kalinangan ng mga estudyante.
Gayunpaman, nasisigurong napapangalagaan ang kapakanan ng mga estudyante sa kabila ng mga kinahaharap na hamon dahil isinusulong ni Darilag ang konsepto ng “Maslow before Bloom” sa kaniyang panunungkulan. “In [the] education circle, there must be an utmost assurance that our students will be safe and will meet their basic needs before flexible learning commences,” wika niya.
Tinutugunan din ng CHED ang mga pangangailangan ng mga estudyante at guro sa panahon ng krisis upang masigurong natatamo ng ahensya ang layong holistikong pag-aaral. Ayon kay Darilag, napabuti ang paraan ng pagharap sa mga isyu sa serbisyong pangmag-aaral dahil sa naging pagsisikap ng CHED Office for the Student Development and Services (OSDS), Technical Working Group on Student Affairs and Services, at PAPSAS.
Ipinabatid naman ni Darilag na isang inisyatiba ng CHED ang implementasyon ng CHED Memorandum Order No. 8, series of 2021 o gabay ukol sa paghahatid ng gawain at serbisyong pangmag-aaral sa kasagsagan ng pandemya. Ilan sa nilalaman nito ang pangangalaga sa kalagayang-kaisipan ng mga estudyante, pagbibigay-gabay sa implementasyon ng flexible learning, paggamit ng mga online at offline na plataporma sa pagpapakalat ng impormasyon, at pakikipag-ugnayan sa mga higher education institution.
Sa pagtatapos ng talumpati ni Darilag, inilahad niya ang isa sa kaniyang pangunahing aral sa buhay. Paniniwala niya, “Creating a culture of service with intellectual integrity, creativity, and innovation invigorates the community in providing relevant and responsive programs and capability-building projects that bring about growth and self-reliance to transformational learning environments.”