Mayroong isang linggo nitong noong nakaraang termino, habang nasa klase ako sa isang general education na subject, napansin ng aming propesor na may ilan kaming mga kaklase na lumiban. Sa sumunod na sesyon ng klase, tinanong ng aming propesor ang mga lumiban sa klase sa kanilang mga rason bakit wala sila noong nakaraang sesyon. Pagpapaliwanag ng isa, nakaramdam siya ng sintomas ng COVID-19 dahil nagpositibo ang isa sa miyembro ng kaniyang pamilya sa naturang sakit. Bukod dito, kinailangan aniyang alagaan ang kaniyang kapamilyang tinamaan ng virus.
Nakalulungkot kung pakinggan ang kuwento ng aking kaklase ngunit napalitan ng galit ang aking nadama nang banggitin ng aming propesor ang mga salitang, “Ay, pakitaan mo ako ng RT-PCR [test result]. Ang daling magdahilan na may sakit, kaya lumiban sa klase, kesyo ganon, kesyo ganyan.” Pagkatapos sambitin ng propesor ang mga salita, sinubukan pang magpaliwanag ng aking kaklase sa pag-asang maiintindihan siya ng aming propesor. Aniya, bagamat sintomas lamang ang naramdaman, hindi maikakailang nakaaapekto pa rin sa pisikal at mental na kapasidad ng isang tao ang mga sintomas ng COVID-19. Dagdag pa rito, antigen test lamang aniya ang kaniyang isinagawa dahil mahal at magastos ang magpasagawa ng RT-PCR test.
Ayon sa Help Desk Announcement ng Pamantasan noong Setyembre 7 ukol sa alituntunin sa paghiling ng approved absence para sa unang termino ng akademikong taong 2022-2023, nakasaad na “For those infected by COVID-19, please attach COVID-19 test results or medical certificate.” Bagamat hindi isinaad ang espesipikong uri ng COVID-19 test na kailangang ilakip, RT-PCR test ang hinahanap ng karamihan sa mga propesor dahil sa pagiging balido nito—maaaring false positive ang lumabas kapag antigen test ang gagawin. Bukod dito, upang maging aprobado ang pagliban sa klase ng isang Lasalyano, kinakailangang magpakita ng medical certificate ng estudyante. Medical certificate na kailangan ipresenta upang ma-validate ng klinik ng Pamantasan. Isa rin ito sa nagpabigat pa ng naramdaman ng aking kaklase dahil hindi siya nakapagpakonsulta sa doktor noong nakaramdam ng sintomas ng COVID-19. Aniya, minabuti niyang mag-self-isolate na lamang at uminom ng vitamins. Maaaring masabing oo, nagkulang ang aking kaklase sa bahaging iyon ngunit masisisi ba natin siya? Masisisi ba natin ang isang estudyanteng inunang alagaan ang kaniyang kapamilya kaysa ilakad ang mga dokumentong kailangan niya upang maging aprubado lamang ang kaniyang pagliban sa klase?
Pagkatapos kong pakinggan ang naging sagutan ng aking propesor at kaklase, sinubukan kong magtanong-tanong sa ilan pang Lasalyanong kinailangang humingi ng approved absence. Bagamat halos pareho sila ng naging karanasan ng aking kaklase dahil hindi rin nakapagsumite ng medical certificate, hindi aniya siya nakakuha ng make-up exam dahil hindi aprubado ang kaniyang pagliban sa klase. Bunsod nito, zero ang iskor niya sa aktibidad na hindi niya nagawa noong wala siya sa klase. Gayunpaman, ani ng dalawa kong nakausap na dumaan sa pagproseso ng mga dokumento upang maging balido ang pagliban sa klase, hindi pare-parehas na alituntunin ang ipinatutupad ng mga propesor—may mga propesor na tumatanggap ng home antigen test result ngunit may mga propesor ding mas strikto—major man na klase o hindi.
Oo, dalawang estudyanteng Lasalyano lamang ang nakausap ko ukol dito ngunit sa panunumbalik ng face-to-face na klase sa Pamantasan, hindi mawala sa aking isipang may posibilidad na mas marami pa rito ang nakaranas ng problemang hinarap ng aking mga napagtanungan.
Kung tutuusin, mabigat na ang pinagdaraanan ng mga estudyante sa kanilang mga pang-akademyang gawain, mas pinabigat pa ng umiiral na atrasadong sistema.
Kaya naman, bagamat may alituntunin nang sinusunod, nananawagan ako sa administrasyon ng Pamantasan na gawing mas malinaw ang sistema ng pagkuha ng approved excused absence. Magkaroon ng isang sistemang makamasa at sistemang nagkakaisa. Bukod pa rito, nananawagan din ako sa University Student Government na patuloy na maging boses ng mga estudyante upang sa gayon, mas mapaabot ang mga karanasan, hinaing, at suliraning dapat solusyonan.
Dagdag pa rito, sa muling pagbabalik ng mga Lasalyano sa kampus, may mga estudyanteng naninirahan sa mga dormitoryo—mga malayo sa kanilang mga pamilya—mga namumuhay mag-isa—nawa’y magkaroon ng sistemang aakay sa kanila sa pagkakataong tamaan sila ng virus. Mas paigtingin pa ang pamamahagi ng care kit. Gawing mas ramdam ang klinik at ang iba pang opisina dahil sino-sino pa ba ang magtutulungan dito kundi tayong mga Lasalyano?
Sa panunumbalik ng face-to-face na klase, hindi maiiwasan ang paglitaw ng mga panibagong danas at suliranin. Mabigat para sa lahat ang umayong muli sa daloy ng nakasanayang buhay, idagdag mo pa ang mga pasaning dulot ng suliraning pang-ekonomiya ng bansa. Huwag na tayong dumagdag pa, DLSU. Huwag nating hayaang sabihin ng mga estudyante na “Mabigat na nga ang pasanin, mas pinahirapan pa.”