KINADENA ng defending champions Blacklist International (BLCK) ang puwersa ng Rex Regum Qeon Akira (RRQ), 3-1, sa knockout stage ng M4 World Championships Mobile Legends: Bang Bang kahapon, Enero 8 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Agad niyanig ng RRQ Akira sa unang laban ang mga manonood matapos piliin bilang last pick si Atlas. Gayunpaman, kinontra ito ng tatlong purify ng BLCK na naging susi upang mapigilang makakuha ng magandang set si RRQ Akira Luiizz gamit si Atlas. Sinabayan pa ito ng pag-arangkada ni BLCK OhMyV33nus nang ipamalas ang bagsik ng support role ni Estes nang makapundar ng 13 assist upang makamit ng koponang Pilipino ang unang laban, 1-0.
Pagtuntong sa ikalawang laban, sinalubong ng RRQ Akira ang BLCK ng hard crowd-control na komposisyon upang makontrol ang daloy ng laro. Nakapuslit ng lamang ang RRQ sa kalagitnaan ng laro sa pamamagitan ng pagdiin sa mga objectives at pantayan ang gold ng BLCK.
Hindi naman nagpatinag ang mga atletang Pilipino matapos ipinamalas ang pusong kampeon nang balikatin ni BLCK Hadji ang opensa gamit si Yve. Bukod pa rito, malabayaning nasungkit ni BLCK Wise ang Lord mula sa kamay ng RRQ Akira na nagbigay-daan upang tuldukan ang ikalawang laban, 2-0.
Tila nangibabaw naman ang Brazilian-based squad sa ikatlong laban nang pairalin ang tensyon sa experience lane nina RRQ Kiing at Tekashi. Nagawa nilang mabantayan sina BLCK Oheb at Wise upang makabuo ng nakamamanghang set nang masalanta ng RRQ Akira ang objectives ng BLCK. Kaakibat nito, tuluyang naibulsa ng RRQ Akira ang ikatlong laban, 2-1.
Pagdako ng ikaapat na laban, isinabak muli ng RRQ Akira ang kanilang heavy-dive na komposisyon na kanilang ipinamalas sa pagbubukas ng laban. Tila nawasak ang kanilang estratehiya nang magpakitang-gilas si BLCK Hadji gamit ang kaniyang signature hero na si Pharsa. Sa huli, hindi na hinayaan pa ng BLCK na makabalik ang RRQ Akira matapos masungkit ang dalawang Lord upang selyuhan ang kanilang panalo sa serye, 3-1.
Buhat ng kanilang panalo, ibinahagi ni BLCK coach Bonchan ang kaniyang saloobin sa group stage. Aniya, “there are so many learnings in group stage. When we started in group stage, we were making things complicated. Then, we realized, why don’t we go back to the basics where it all began? Let’s go back to the UBE-strategy.”
Abangan ang muling pagsalang ng koponang Pilipino sa upper bracket semifinals kontra RRQ Hoshi sa darating na Miyerkules, Enero 11 sa ganap na ika-8 ng gabi sa Tennis Indoor Stadium Senayan.