“Para kanino ka bumabangon?”
Bago sumilip ang araw, marami na ang bumabangon mula sa pagtulog upang makipagsapalaran sa buhay. Sari-saring hanapbuhay ang susubukan nilang pasukin masustentuhan lamang ang sarili at pamilya. Kaniya-kaniyang diskarte rin ang kanilang gagawin upang maibsan at mapunan ang kumakalam na sikmura. Kadalasang sa loob sila ng opisina matatanaw ngunit matatagpuan din silang kumakayod sa iba’t ibang sulok ng lansangan.
Sa kanto, eskinita, o malawak na kalsada matatagpuan ang anino nilang may tulak-tulak na kariton. Malamig pa lamang ang simoy ng hangin ngunit nagsisimula nang umarangkada ang mga binti at paa ng mga naglalako ng kakanin. Tila sumisilip na mata ng araw ang kanilang walang kapantay na kasipagan; nagluluningning ang kanilang pagtitiyaga mula umaga hanggang gabi. Gayunpaman, habang binabaybay ang kahabaan ng daan, kasabay rin ng mga hakbang ang nakasusulasok na usok mula sa tambutso ng mga sasakyan.
Habang sumusuong sa maingay at maalikabok na kalsada, halo-halo ang nararamdaman ng isang maglalako—kaba at tuliro dulot ng walang kasiguraduhang daloy ng araw. Sa likod nito, may iniinda rin silang problema: ang pagtaas ng presyo ng mga sangkap, matumal na benta ng mga paninda, at pangangailangan ng pamilyang binubuhay. Bumalik man sa dating gawi dahil sa pagluwag ng restriksiyon laban sa COVID-19, hindi pa rin mawari ang nais iguhit ng tadhana. Unti-unti na nga bang makikita ang liwanag o lalo bang mapupuno ng usok ang kapaligiran ng isang maglalako ng kakanin?
Lansangang kaagapay sa hanapbuhay
Payapang naglalako si Lionel dela Cruz nang makapanayam siya ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) malapit sa Pamantasang De La Salle. Sampung taon na siyang sumasabak maglako sa gitna ng sagsag-kumahog na mga lansangan ng Maynila upang masustentuhan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya at sarili.
Alas singko pa lamang ng umaga, nagsisimula na si dela Cruz maglako ng samu’t saring kakaning madalas na pang-agahan ng masang Pilipino. Nakasanayan na rin niya ang araw-araw na paglalakbay mula sa kalye ng Sta. Ana patungong San Andres hanggang umabot siya sa Buendia. Sa loob ng isang oras o higit pang paglalakad, kaniyang sinusulit ang bawat oportunidad na salubungin ang mga taong dadayuhin ang kaniyang paninda.
Mahalagang bahagi ang lansangan sa trabaho ni dela Cruz kaya naging mabigat na dagok sa kaniyang trabaho ang paghinto ng buhay sa kalye. “Mahirap maglako, Ma’am, kasi ang tao hindi gaanong nakakalabas. Kahit saan ako makakarating kahit hindi ko [alam saan pupunta] maubos lang ang paninda ko,” pagbabahagi niya. Sa kabutihang palad, naging buntong-hininga para sa kaniya ang pagluwag ng mga lockdown at ang pagbabalik ng mga tao sa kalye. Tulad ng ibang mga naglalako, nakita niya ito bilang pagkakataon upang maging sagana sa kita ang kaniyang natatanging produkto.
Sa halagang Php2,000 puhunan, madalas na sapat lamang ang kaniyang kita para sa kaniyang mga bilihin at pangangailangan. Subalit, umusbong naman ang problema ukol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa unti-unting pagbabalik sa dating nakagawian. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority para sa buwan ng Oktubre, may headline inflation ang Pilipinas na 7.7%. Masidhing pagdurusa ang implikasyon ng pagtaas na ito para sa mga pangkaraniwang Pilipino sapagkat mararamdaman nila ang paghina ng halaga ng piso sa gitna ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Sa gayon, para sa mga katulad ni dela Cruz, tuloy pa rin ang kanilang pakikipagsagupaan sa tumataas na halaga ng mga gastusin. Masakit man para sa kaniya, wala siyang magawa bukod sa itaas din ang presyo ng kaniyang mga paninda. Aniya, “. . . bente na. . . dati kinse [lang ‘yung kutsinta].”
Danas ng isang maglalako
Habang tulak-tulak ang kariton, bitbit din niya ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Subalit, kalakip ng makukulay na kakanin at pangarap ang matatalim na pintas mula sa kaniyang mga mamimili. Masasakit man ang salitang natamo, tinanggap niya ito upang may maipadalang pera sa pamilyang nasa probinsiya. “Ang unfair. Maliliit daw [‘yung hati ng kakanin]. Sabi ko, ‘di naman po ako ang gumagawa niyan. [Binigay] lang sa akin. . . kaya hinahayaan ko na lang [kung bibili sila o hindi],” ani dela Cruz. Sa kabutihang palad, maliban sa pagpuna sa kaniyang paninda, hindi naman siya nakatanggap ng anomang pagmamaliit tungkol sa kaniyang trabaho.
Karaniwan ding nararanasan ni dela Cruz ang pagtagaktak ng pawis sa mukha na sinlagkit ng mga kakanin. Gayunpaman, walang palya pa rin niyang itinutulak ang kariton sa kahabaan ng Taft hanggang maubos ang kaniyang mga paninda. Bagamat babad sa init at lamig, tuwa at ginhawa naman ang kaniyang nararamdaman tuwing may bumibili ng kaniyang nilalako. Aniya, “Maganda po sa pakiramdam [ang paglalako]. . . [kapag] kumakain sila. Nakukumbinsi sila [bumili ng mga paninda ko].”
Sa tagal ng kaniyang paglalako, iba-ibang pangyayari na rin ang kaniyang nasaksikan. Sandamakmak na engkuwentro sa buhay man ang sumagi sa isipan, hindi niya pa rin malimutan ang nagawang panlilinlang ng mga nagpapanggap na mamimili. “Nabudol-budol ako. Nawala ako sa sarili, ‘yung paninda ko naubos lahat. Tapos ‘yung pera, napeke [naman]. Kaya kapag may isang libo, tinitingnan ko muna,” malungkot na paglalahad niya. Sa kabila ng masamang karanasan, may mga nakatatabang pusong alaala rin siya sa kaniyang trabaho. Katulad na lamang ng pagpakyaw sa paninda ng isang mamimili na nagdulot ng hindi maipintang ligaya sa kaniyang mukha.
Sangkap ang kaniyang halo-halong karanasan para marating ang makulay na mundong ginagalawan. Sa isang dekadang paglalako, natagpuan niya ang butihing maybahay na bumuo ng kaniyang buhay. “Nagsimula ako [sa paglalako] binata pa niyan. Diyan ako nakapag-asawa,” taos-puso niyang paglalahad. Maliban dito, masaya rin niyang ipinagmalaki ang napundar na bahay bunga ng pagtitinda.
Kariton patungo sa isang mariwasang kinabukasan
Sampung taong pangarap ang matibay na puhunan ng motibasyon ni dela Cruz—ang pangarap na magpatayo ng isang tahanan at magbigay ng maaliwalas na kinabukasan para sa kaniyang pamilya. Binibigyan siya nito ng ganang gumising nang maaga, ibabad ang sarili sa tirik na araw, at gamitin ang likas na enerhiya upang maglako. Sa likod ng kaniyang pagtitiyagang magtulak at maglakad, makikitang higit pa rin niyang pinahahalagahan ang sariling paninindigan at pagkiling sa wastong mga kilos. Isang mabuting payo ni dela Cruz para sa mga nagbabalak maglako, “Para sa maghahanapbuhay ng ganyan, [ilagay] lang sa tama. Ang kinikita [dapat] ilagay sa tama, na may mapupuntahan.”
Puto, biko, palitaw, kutsinta, at sapin-sapin—mga sari-saring kakaning matatanaw sa kanilang kariton. Hatid ng mga bilog at kuwadradong agaw-pansing mga kakanin ang ligaya sa bawat madadaanang mamimili. Sa oras ng kagutuman, dala ng mga ito ang panandaliang kabusugan pati na rin ang pag-asang makaahon sa hirap ng mga maglalako. Bunsod nito, mahalaga ang pagtangkilik sa mga produktong kanilang nilalako pati na rin ang paggalang sa kanilang tinatahak na hanapbuhay. Sa gayon, mailalapit natin sila sa kanilang mga pangarap na matagal nang minimithi ng puso at isipan.