Halos tatlong taong naantala ang normal na pamumuhay nang dahil sa pandemya, at ang mga manggagawa ang pinakanaapektuhan nito. Mayroong sa bahay ipinagpatuloy ang pagkayod at mayroon namang tuluyang nawalan ng kabuhayan. Marami ring oportunidad ang bumukas habang dahan-dahang umaangkop ang mga Pilipino sa pagbabago lalo na sa teknolohikal na aspekto. Gayunpaman, sa pagdating ng “new normal,” hindi ginhawa ang bumungad sa mga manggagawa.
Hindi ko ikinagulat ang pagsalubong ng lumalalang takbo ng ekonomiya, pagbaba ng kalidad ng edukasyon, at patuloy na pagsupil sa karapatan ng mamamahayag sa bansa dahil sa gobyernong pinili umano ng karamihan sa mga Pilipino. Nararamdaman ba ninyo ang pagkalinga at aksyon ng kasalukuyang administrasyon?
Kumusta na ang mga manggagawang bumalik sa dati ang takbo ng hanapbuhay? Tulad ng dati, mababa pa rin ang kinikita ng minimum-wage earners para sa dobleng pag-angat presyo ng mga bilihin. Ngayong halos bumalik na ang lahat sa opisina, pinagtitiyagaan pa rin ang halos linggo-linggong aberya sa pampublikong transportasyon at malalang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa bansa.
Pinangangambahan din ngayon ang kahihinatnan ng Pinoy seafarers dahil sa naiulat na kakulangan sa pagpapabuti ng kanilang pagsasanay. Kung hindi pa rin sila makatatanggap ng kinakailangang suporta mula sa gobyerno, masasayang ang kanilang potensyal at kwalipikasyon. Sa kabila nito, umaasa pa rin akong tututukan ng gobyerno ang pagpapabuti sa training standards ng seafarers na tiniyak din ni Albay Representative Joey Salceda. Sana nga mapanindigan nila ito dahil malaking bagay ang Pinoy seafarers sa ating ekonomiya at higit silang inaasahan ng kanilang mga pamilya.
Sa kabilang dako, nakabuti naman ang work from home (WFH) setup na ipinatupad ng ilang kompanya noong kasagsagan ng pandemya. Nagkaroon ng work-life balance, nakatipid sa oras at pamasahe sa pagpunta at pag-uwi galing sa opisina na nakabuti rin sa kalikasan, at mas umangat ang pagiging produktibo sa gawaing pang-opisina. Gayunpaman, hindi akma sa lahat ng trabaho ang WFH kaya marami na ang nagsibalikan sa kanilang mga opisina. Kung gayon, higit na dapat tutukan at aksyunan ang kakulangan sa sweldo at hinaharap na suliranin ng mga manggagawa araw-araw.
Nakalulungkot na sa kasalukuyan, mga pansamantalang solusyon ang itinatapal ng gobyerno sa lumalawak na butas ng problemang kinahaharap ng mga manggagawa. ‘Yung libreng sakay sa carousel? Hindi nito nasosolusyunan ang trapiko at maayos na sistema ng transportasyon sa bansa. Bukod dito, hanggang ngayong taon lang din magtatagal ang inisyatibang ito. Ano kaya ang susunod?
Hanggang walang konkretong plano at walang pangmatagalang solusyon ang gobyerno sa ating mga suliranin bilang manggagawa, huwag tayong tumigil sa pangangalampag at patuloy na ipahayag ang ating mga saloobin. Baka sakaling may pumansin at makarinig.