Ramdam ang pangamba nang balisang tinawid ang underpass sa Manila City Hall patungong Intramuros. Bumilis ang pulso dahil hindi alam ang bawat pasikot-sikot sa nasabing purok o kung makatatagpo ba rito ng magtataho. Tila ba hinahamon ng mundo at tanging tiyaga lamang ang baon sa mahaba-habang paglalakbay.
Alas dos na ng hapon, hindi pa rin nakahahanap ng magtataho kahit limang estranghero na ang nalapitan. “Saan po rito makakikita ng magtataho?” halos matuyo na ang laway sa paulit-ulit na pagtatanong. Matapos uminom ng dalawang bote ng tubig at isang basong kape, tumungo na sa Manila Cathedral dahil nabalitaang may naglilibot na magtataho roon tuwing alas singko ng hapon.
Kampante ang naging paghihintay sa tapat ng simbahan. Bandang alas kwatro pa lamang noon, kaya ipinahinga muna ang mga binting pagod na sa paglalakad. Subalit, walang magtatahong namataan kahit 15 minuto na ang nakalilipas mula alas singko. Dumidilim na ang kalangitan at hinahabol na rin ang oras, kaya ganoon na lamang ang kaligayahan nang natanaw ang isang magtatahong binabaybay ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Mga aluminyong lalagyang mistulang ginto
Kaniya-kaniyang kayod ang mga tindero at tindera sa mainit na simoy ng hangin. Hindi na rin mabilang ang mga turistang nagpapakuha ng retrato sa harap ng mga naglalakihang sinaunang gusali. Sa ilalim ng makulimlim na kalangitang pumapangibabaw sa mga ito, nakilala namin ang magtatahong si Benigno Balerio Jr., 50 taong gulang, na mas kilala sa tawag na Julio. Bakas sa kaniyang mukha ang pagod habang bitbit ang dalawang aluminyong lalagyang simbolo ng kaniyang kabuhayan. Hingal na hingal naming kinilala si Tatay Julio na matiyagang naghihintay ng mga estudyanteng suki niya.
Alas singko y medya na rin ng hapon nang amin siyang makapanayam. Mula sa pagbubukid sa Tarlac, nagtungo siya sa Maynila 20 taon na ang nakalipas matustusan lamang ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Paliwanag niya, “Sa probinsya mahirap ang buhay, pagkayari ng bukid wala nang trabaho.” Halos nitong Oktubre 12 lamang bumalik si Tatay Julio sa paglalako dahil sa pandemya. Nalayo man sa kaniyang hanapbuhay, tila nakaukit na sa kaniyang isipan ang paglalako dahil pabiro niyang binanggit na nasabik siyang makitang muli ang mga estudyante ng PLM—napanaginipan niya pa nga minsan ang pagtataho.
Tunay na kahanga-hanga ang pagsisikap ni Tatay Julio lalo na mula Lunes hanggang Sabado ang kaniyang walang-humpay na pagkayod. Matutulog siya ng alas nuwebe ng gabi at babangon ng alas kwatro ng umaga. Pagpatak ng alas dos ng hapon, tutungo na siya sa pinag-aangkatan ng mga sangkap. Pagtapos nito, maglalako siya pagdating ng ika-3 ng hapon hanggang ika-8 ng gabi. Labis na nakapapagod kung iisipin, ngunit paliwanag ni Tatay Julio, “Komportable naman kahit mabigat. . . obligado kang tiisin kasi ayan ang hanapbuhay kong alam sa Maynila.”
Bigat na pasanin sa balikat
“Taho po, mainit pa, bente pesos lang,” sigaw namin habang tinutulungan si Tatay Julio na maubos ang kaniyang paninda. Sa bawat grupo ng estudyanteng dumaraan, nagsusumamo ang aming mga puso na sana bumili kahit isa man lang sa kanila. Tuluyan na kasing lumubog ang araw at hindi pa nakakalahati ni Tatay Julio ang laman ng dalawang bakal na baldeng pasan-pasan niya nang pumunta sa Pamantasan. Bunsod nito, hindi rin namin maiwasang mangambang uuwi lamang si Tatay Julio na masakit ang mga kasukasuan at tabla lamang o lugi pa ang kinita sa pagtatapos ng isang mahabang araw.
Pagbabahagi ni Tatay Julio, lubos din siyang naapektuhan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Mula sa dating presyo na 10 piso para sa maliit na baso ng taho, kinailangan niyang itaas ito sa 20 piso upang makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga sangkap. Malungkot na sambit niya, “Nagtitiis na lang parati. Nahihirapan din. Wala ka rin naman magagawa, taas din nang taas. [Hindi] mo naman mapipigil.”
Sariwa pa rin sa alaala ni Tatay Julio ang sakit na dinanas niya nang bumalik siya sa Maynila upang muling magbenta ng taho matapos maantala ng dalawang taon dahil sa pandemya. Maliban sa kinailangan niya muling masanay mamuhay nang mag-isa, nabigla rin ang kaniyang katawan dahil sa pagbibitbit ng tinatayang 40 kilong taho. Pagkukuwento niya, “Nilagnat ako ng 3 araw. . . stainless ‘yan eh.”
Tamis na walang katumbas
Sa munting tirahan sa Blumentritt, naghihintay kay Tatay Julio ang telebisyon at kamang nagsisilbing tanging pahingahan niya sa Kamaynilaan. Matapos ang ilang minutong paglilibang sa mga palabas, dadako na si Tatay Julio sa mundo ng mga panaginip upang muling mag-ipon ng enerhiya para sa panibagong araw ng pagkayod kinabukasan.
Pasado alas sais na ng gabi at unti-unti nang lumitaw ang mga bituin sa kalangitan. May pagkalingang hinimok kami ni Tatay Julio na umuwi na upang hindi na lalong gabihin sa daan. Nais man naming samahan si Tatay Julio, kumikirot na rin ang aming mga binti at kalamnan. Sa kabila nito, nananatiling puno ng galak na nag-aalok si Tatay Julio sa bawat dumaraan. Paglalahad niya, “Nasisiyahan din ako. Para akong natutuwa, kasi hinahanap ko nga [ang mga estudyante] ‘pag nakabakasyon ng dalawang buwan.”
Balatong, arnibal, at maliliit na sago—iyan ang mga karaniwang kasangkapan ng taho. Bukod dito, inaalay rin ni Tatay Julio ang kaniyang pagsusumikap at pagmamahal para sa mga tinatanging suking estudyante ng PLM.