PINARANGALAN ang mga senyor na punong patnugot ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na sina Tyrone Jasper Piad at Elijah Felice Rosales sa ika-31 Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP)-Ayala Business Journalism Awards na may temang “Undaunted: Facing the Challenges of the New Normal,” Nobyembre 11 sa ganap na ika-6 ng gabi. Layon nitong kilalanin ang kahusayan ng mga mamamahayag sa larangan ng negosyo at ekonomiya tulad ng capital market, macroeconomy, at trade and industry.
Kasalukuyang naglilingkod si Piad bilang mamamahayag sa Philippine Daily Inquirer, samantalang mamamahayag naman ng The Philippine Star si Rosales.
Nasungkit na mga parangal
Patuloy na nagkakamit ng mga parangal mula sa EJAP si Rosales matapos naman hirangin ngayong taon bilang Finance Reporter of the Year. Matatandaang ginawaran siya ng EJAP noong 2019 bilang Trade Reporter of the Year at nagsilbing tagapagsalita sa isinagawang taunang webinar para sa business journalism na may temang “Beyond the Numbers: Understanding Business Journalism,” Oktubre 29.
Gayunpaman, naniniwala si Rosales na maituturing na bonus na lamang ang pagsungkit niya ng parangal. Giit niya, “Ang tunay na panalo ay ang mabasa ng mga tao. Pinakamahalaga ang gampanin nating ipalaganap ang katotohanan sa edad ng fake news at historical revisionism.”
Samantala, pinarangalan ng EJAP-Ayala Business Journalism Awards sa unang pagkakataon si Piad. Natanggap niya ang titulong Business Reporter of the Year sa larangan ng kalakalan at industriya. Bukod pa rito, naiuwi rin niya ang parangal na Feature Story of the Year sa kaniyang artikulong “Village People’s Zest Won’t Let Covid Stop the Music of Business.” Paglalahad ni Piad, hindi siya makapaniwala sa kaniyang pagkapanalo lalo na dalawang magkasunod na parangal ang kaniyang natanggap.
Lubos ding nagpasalamat si Piad sa Business Mirror sa mga aral na kaniyang natutunan mula rito. Ibinahagi niyang lumipat siya sa Business Mirror noong Marso 2020 matapos maglingkod bilang researcher at editorial assistant sa Manila Times mula 2018 hanggang 2020. Sa kasalukuyan, naglilingkod siya sa Philippine Daily Inquirer bilang business reporter.
Karanasan sa pamamahayag
Hinubog ng APP ang landas ng pamamahayag nina Piad at Rosales matapos maglingkod bilang mga punong patnugot ng Pahayagan.
Isinaad ni Rosales na hindi lamang siya natutong magsulat sa APP kundi nahatak din siyang makisangkot sa maraming suliranin ng bayan. “Tiyak ako buhat ng mga tagumpay at dusa ko sa APP na para ako sa pamamahayag,” paglalahad niya. Ibinahagi niyang nahataw ang lente ng kaniyang kamera at nabombahan ng tubig ng mga kapulisan noong 2014 People’s State of the Nation Address habang nagbabalita.
Naranasan din niyang makipamuhay kasama ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita bilang bahagi ng kanilang inilimbag na artikulo. “Nakitulog kami sa balay ng mga mambubukid na umaasang may pamamahagi ng lupang magaganap sa Luisita. Naging pangamba namin ang pangamba nila, na baka anumang oras salakayin sila ng mga grupong gustong patahimikin ang kanilang paglaban,” pagsasalaysay ni Rosales ukol sa kaniyang naging karanasan kasama ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita.
Naakusahan naman ng pagkiling sa isang politikal na partido ang panunungkulan ni Piad matapos isiwalat ang korapsyon sa University Student Government. Aniya, nasubok ng pangyayaring ito ang kaniyang paninindigan ngunit nakatitiyak siyang naisaalang-alang ang lahat ng anggulo sa isyu. “When we did the story, talagang cinover namin yung all bases. Kinausap namin mga naakusahan, [at] nang-akusa,” paliwanag niya.
Kaugnay nito, napagtanto ni Piad na mas malaki ang kaniyang maitutulong sa lipunan kapag maglilingkod siya bilang mamamahayag kaysa magtrabaho sa isang korporasyon.
Hamon ng pandemya
Binigyang-diin naman ni Piad ang mga suliraning kinaharap niya bilang mamamahayag noong kasagsagan ng pandemya. Aniya, hindi naging madali ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga taong nakapanayam dahil isinasagawa ang karamihan sa mga panayam nang birtuwal lamang. “Yung mga government officials, company officials so mahirap mag-establish ng rapport with them kasi as a journalist dapat ‘yung network mo with sources ng mga tao na iniinterview mo dapat madevelop,” wika niya.
Nawawalan din aniya ng saysay ang ambush interview dahil hindi ganap na nakukuha ang kasagutang kanilang ninanais sa pagsasagawa ng mga birtuwal na panayam. Saad din niyang mas kapani-paniwala ang pakikipagtalastasan sa tao nang personal kaysa sa Zoom lamang. “For me ‘yun ‘yung biggest challenge although syempre ‘yung pro nun is safe ka sa bahay mo. Hindi mo kailangan isipin ‘yung biyahe, tipid ka sa pamasahe,” sambit pa ni Piad.