Nakasisilaw na liwanag mula sa iskrin. Pumipintig ang puso sa bawat pindot ng mga icon upang makalap ang sari-saring balita mula sa ibang indibidwal sa internet. Matapos ang ilang oras, dadako sa liblib na bahagi ng makamandag na teknolohiyang puno ng kapahamakan. Hindi mamamalayang saksi o biktima na pala ng mga mapang-abusong kaganapan online. Dala ng kamusmusan ng kabataan, madali silang makulong sa tanikalang nilikha ng mga taong ubod ng kasamaan. Gamit ang kanilang daliri at mala-demonyong utak, kakalikutin nila ang lahat ng sulok makahanap lamang ng biktimang mahuhulog sa kanilang patibong.
Sandamakmak na ligaya ang handog ng teknolohiya at social media sa kabataan. Tangan nito ang mga nakaaaliw na sangkap upang malulong ang madla sa alindog ng sistemang nanalaytay sa mga aplikasyon. Subalit, akay-akay rin nito ang panganib na hinungdan ng mga nilalang na nagsasamantala ng kabataan. Upang mapigilan ang peligro, inihandog ng World Hope International mula Nobyembre 8 hanggang 9 ang “Behind the Screen: International Research Conference on Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).” Malalim na tinalakay rito ang mga pananaliksik sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at mga karatig bansa—na may layong hadlangan ang pagbitag at pag-alipusta sa mga musmos.
Pagsawata sa kalupitan at kalapastanganan
Malaon nang nahumaling ang sangkatauhan sa internet at dala ng pagkabagot sa tirahan dulot ng pandemya, nauwi ang karamihan sa lubusang paggamit nito. Tila naging sentro ito ng kanilang pagkatao, kada oras tanaw lamang ng busilig ng kanilang mata ang matitingkad na iskrin. Darating na lamang ang panahong susunggaban na sila ng dagtum na budhi ng mga abusado.
Bilang pagpiglas sa mga mapang-abusong nilalang, ipinaliwanag nina Ma. Vida Teresa Sales, PhD at Russ Daniel Baldoza, RSW, MSSW ang pananaliksik na “The Factors Affecting the Prevalence of Online Sexual Exploitation of Children in Camarines Sur, Philippines.” Hinimay rito ang mga dahilan sa paglaganap ng OSAEC. Ilan dito ang sumusunod: kakulangan ng kamalayan pagdating sa OSAEC, kasalatan sa pagdisiplina ng magulang sa mga bata, maagang pagkalantad sa mga gadyet, hindi nababantayang paggamit ng teknolohiya, at pagkakaroon ng internet. Gayundin, ang maralitang kalagayan ng komunidad sa sosyo-ekonomikong aspekto at limitadong gampanin nito upang protektahan at itaguyod ang karapatan ng kabataan.
Itinuloy naman nina Alberto Marin at Raji Alvarado ang kumperensiya sa pagtatalakay ng “Community Perspectives on Online Sexual Exploitation of Children: A Study Examining Existing Knowledge and Awareness in Select Area in the Philippines.” Nabatid dito ang umiiral na maling kuro-kurong kadalasang mga dayuhan ang nang-aabuso sa kabataan. Katulad din ng naunang pananaliksik, nahinuhang may epekto ang sosyo-ekonomikong kondisyon sapagkat nananatiling pangunahing dahilan ang kahirapan ng OSAEC.
Sa kabilang banda, pinasadahan naman nina Maggie Brennan at Melvin Jabar ang “First findings from a study of the pathways to the facilitation of OSAEC in Philippines.” Katulad ng mga naunang pag-aaral, isinaad na maraming nabiktima ng OSAEC dahil sa kamusmusan at kahirapan dahil sa tinatawag na “the lure of easy money.” Hindi rin binibigyang-pansin ang pang-aalipusta sanhi ng maling akalang “No touch, no harm.”
Maliban sa mga pagsusuring nakasentro sa Pilipinas, pinalalim ang pagtingin sa mga pag-aaral gamit ang ibang pananaliksik mula sa ibang bansa. Tinalakay nina Preeti Maharjan at Anii Raghunvasshi ang “Online Intimate Partner Violence Among Teens and Young People in Nepal.” Sa kabilang banda, inihayag naman ni Ankit ang “Role of Local Self-Governments in the Prevention of Online Sexual Abuse and Exploitation of Children: A Case from Rural Haryana, India.”
Lagitik sa lagim
Ubos-kayang sasagpangin ng sinag mula sa iskrin ang kabangisan ng anino sa layong lipulin ang karilyo sa dilim. Sa kabalighuan, diyalektikong umiiral ang lipos na kamulatan at sagad-sagaring kahibangan sa malawak na saklaw ng social media—kanlungan ng mga nais takasan ang realidad. Gayunpaman, hawla pa rin ang iskrin sa mga batang biktima ng OSAEC lalo na sa kalagitnaan ng krisis pangkalusugan na nagbubukbok sa mental na kalagayan ng mga mamamayan.
Sinipat ni Adesty Dulawan-Ting, RPsy, ng World Hope International ang kalagayan ng kalusugang pangkaisipan ng mga biktima ng OSAEC sa gitna ng pandemya, lalo na sa mga trawmatikong kondisyong kanilang dinanas. Ayon sa estadistika mula sa kaniyang pananaliksik na “Mental Health Profile and Impact of Trauma Interventions Among OSAEC Survivors during the Pandemic,” lumitaw ang malubhang antas ng trawma ng mga batang lalaki at yaong mga biktima ng sekswal na pagsasamantala. Dagdag pa rito, isinasaad sa pananaliksik na mas nakapag-uulat ang mga kabataang kababaihan sa kanilang mga karanasan kompara sa kasalungat nitong kasarian. Bunsod nito, sinikap ni Maria Tarroja, Ph. D., ng Pamantasang De La Salle, ang paglinang ng manwal hinggil sa bahagyang pagpapayo sa mga biktima ng OSAEC sa gitna ng pandemya.
Nirepaso naman nila Mary Angeline Daganzo, PhD at Kimberly Kaye Mata Ms, RPm, RPsy, mula De La Salle University-Social Development Research Center, ang sistema panterapeutikang pangangalaga sa mga biktima. Hinalaw mula sa pagtatasa ng pananaliksik na marapat langkapan ng industriyal na suporta ang pagsisikap sa pagpapayo at pangagalaga sa mga biktima ng OSAEC. Iminungkahi ng pagsusuri na upang magpatuloy ang mga pagsisikap na hatakin ang mga biktima mula sa kuko ng mga anino sa iskrin at sugpuin ang mga anino sa dilim, kinakailangan ng komprehensibong tugon mula sa proseso ng pag-ulat ng kaso, pagsagip sa mga biktima, paglubog sa mga kanlungan, hanggang sa mga pangmatagalang hakbangin. Maliban sa mga ito, may sari-saring pang mga pag-aaral na tinalakay upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at makapagpataw ng nararapat na parusa sa mga abusado.
Peklat ng masalimuot na kahapon
Kakatwang nakatagpo ang iilan ng santuwaryo sa porma ng iskrin—isang birtwal na bilangguan ng mga balukas sa karimlan ng realidad. Sa itinuturing na santuwaryo, umiiral ang nakagigimbal na karuwagan, masansang na kamangmangan, at nakasisindak na dayandang na nagpapanatili sa pag-iral ng sistemang mapandusta. Subalit, kayang kitlin ng isang dagitab ang karilyo ng mga aninong nagsasayaw sa silakbo ng panahon. Sa mesiyang bingi, dinggin itong panalangin ng kimi’t ipagsawalang-bisa ang sumpa sa hustisyang tahimik. Ito ang karilyo ng birtwal at tunay na realidad.
Makabuluhang bigyang-pansin ang mga pananaliksik upang makabuo ng mga mabisang patakaran, polisiya, at programang makatutulong sa kabataan. Daan din ito upang bigyang-kamalayan ang kabataan pati na rin ang kanilang mga magulang ukol sa mapanganib na mundo ng internet. Sa gayon, mabibigyan ng armas ang mga musmos upang iwasan at labanan ang OSAEC.
Sa pagdilim ng ilaw sa iskrin, hindi man matanaw ang mga nang-aabuso ngunit nakaukit na sa puso’t isipan ang sugat na kanilang sinaksak sa kaluluwa ng mga bata. Lumipas man ang taon, mananatili pa rin ang kahindik-hindik nitong epekto sa kanilang pagkatao. Hinding-hindi na ito maglalaho sa kaibuturan ng kanilang sarili. Matakpan man ng balat ang sugat, patuloy na masisilayan pa rin ang bakas na dala ng OSAEC. Kaya nararapat bigyang-liwanag ang realidad upang handa itong harapin ng masa.