MASILAKBONG UMINDAK ang DLSU Animo Squad matapos magpamalas ng malinis at nakaaantig na pagtatanghal sa entablado ng UAAP Season 85 Cheerdance Competition kahapon, Disyembre 10 sa SM MOA Arena, Pasay City.
Humulma namang muli ng kasaysayan ang mababagsik na NU Pep Squad nang mapasakamay ang kanilang ikapitong titulo bilang kampeon sa huling siyam na nilahukang UAAP season. Bilang dating kampeon, pinatunayan naman ng FEU Cheering Squad sa harap ng 18,029 na tagahangang dumalo sa MOA Arena ang kanilang nagbabagang pagtatanghal matapos ibulsa ang ikalawang puwesto sa torneo. Hindi rin nagpahuli ang mabalasik na UST Salinggawi Dance Troupe nang hiranging second runner-up sa naturang paligsahan.
Dilaab ng diwang Berde at Puti
Magaan sa mata kung maituturing ang naging pagtatanghal ng Animo Squad sa kompetisyon. Tangan ang hangaring makaalpas mula sa 9-year podium drought, buong pusong umindak ang koponang Lasalyano sa mga awitin ng legendary pop icon Janet Jackson. Buhat nito, ipinakitang-gilas ng Animo Squad ang kanilang karisma at husay nang magpamalas ng malilinis na tumbling, stunt, pyramid, at toss sa entablado.
Higit sa lahat, nagsilbing pinakamahalagang sandata ng koponan ang kanilang maaliwalas at sabay-sabay na pagsayaw. Umaatikabong diwa at disiplina ang inialay ng Taft-based squad sa loob ng entablado matapos ibida ang kanilang nakamamanghang mga transisyon sa bawat dance step na kanilang inindak. Katuwang na rito ang kanilang kaaya-ayang rotasyon at sabay-sabay na pagsayaw ng awiting All For You ng batikang mang-aawit na si Janet Jackson.
Nagningning ang natatanging pagtatanghal ng DLSU matapos selyuhan ang kanilang karera sa patimpalak bitbit ang kabuuang 528.5 puntos. Bagamat bigong makaakyat sa tugatog ng podium, lumapag naman sa ikapitong puwesto ang Animo Squad matapos pumiglas sa pagkakatali sa pinakamababang puwesto noong Season 84.
Matatandaan namang umukit ng kabuuang 567.5 puntos ang mga pambatong cheerdancer ng Taft noong Season 84, mataas kompara sa kasalukuyan nilang iskor. Katulad sa mga nakaraang UAAP Season, nananatiling hawak ng Animo Squad ang mabababang puntos sa tumblings, stunts, tosses, at pyramids.
Kapansin-pansin ang mga pangkaraniwang dance step ng koponang Lasalyano sa kompetisyon matapos bigong makapagbigay ng kakaiba at mahihirap na stunt. Bagamat naging malinis ang sayaw ng Animo Squad, nagtala naman sila ng pinakamababang 65 puntos sa tumbling, 54 na puntos sa stunt, 46.5 puntos sa toss, at 56 na puntos sa pyramid.
Sa kabila nito, ikinagagalak ni DLSU Animo Squad Head Coach Ramon Pagaduan IV ang ipinakitang husay at determinasyon ng koponan sa naturang pasiklaban. “The Animo Squad had given me the time and effort every year. . . for a good routine and I love teaching kids like them that’s why I always return,” pagbibigay-diin ng batikang tagapagsanay.
Dugo at pawis naman ang inialay ng Animo Squad para sa pamayanang Lasalyano at mga manonood nang pagtibayin ang kanilang kakayahan at pagsikapang paghandaan ang UAAP Season 85 Cheerdance Competition. “Of course for this team, I’m super proud of this team. We’re very different from who we were four months ago and this one’s for the team, coaches, for Him, loved ones, and for you, DLSU!” pagbabahagi ng DLSU Animo Squad Team Captain Lance Lacsama.
Patibayan ng bagwis sa taluktok ng paligsahan
Makapanindig-balahibong pagtatanghal ang ipinamalas ng powerhouse team NU Pep Squad matapos magsagawa ng kagila-gilalas na dance routine sa entablado gamit ang kantang “Holding Out For A Hero” ni Bonnie Tyler. Umarangkada ang Jhocson-based squad nang humataw sila ng kanilang nakamamanghang toss, stunt, at pyramid. Buhat nito, matagumpay na napasakamay ng NU Pep Squad ang gintong medalya sa kompetisyon matapos makalikom ng kabuuang 723 puntos mula sa mga hurado.
Matapos angkinin ang tropeo, waging ibulsa ng mga taga-Sampaloc ang kanilang ikapitong titulo bilang kampeon sa loob ng siyam na UAAP season. Sa kabila nito, magreretiro na si Ghicka Bernabe bilang head coach ng koponan dahil sa kaniyang nalalapit na kasal. Matatandaang naiuwi ng NU sa ilalim ng pamumuno ni Bernabe ang pitong gintong medalya sa siyam na taong paninilbihan niya bilang head coach.
Hindi naman nagpahuli ang UAAP Season 84 defending champions na FEU Cheering Squad matapos ibandera sa buong MOA Arena ang kanilang Francis Magalona-themed performance. Agaw-eksenang mga stunt ang ibinida ng Morayta-based squad sa kanilang pagtatanghal sa entablado. Gayunpaman, bigong depensahan ng FEU ang kanilang korona matapos lumapag sa ikalawang puwesto tangan ang 719 na puntos.
Muntikan nang makamit ng mga alas ng Morayta ang inaasam na back-to-back championship win ngunit naungusan sila ng NU mula sa maliit na pagitan ng kanilang puntos. Apat na puntos lamang ang kalamangan ng kasalukuyang kampeon nang magkamit ng 723 puntos, habang sumungkit ng 719 puntos ang FEU. Nagsilbing pangil ng NU sa kanilang pagkapanalo ang umaatikabong pagsayaw nila matapos mapasakamay ang 373.5 puntos sa kategoryang dance, kompara sa 366 na puntos ng Morayta-based squad.
Umariba naman ang 8-time champion UST Salinggawi Dance Troupe gamit ang mga top hit na awitin ng Queen of Pop Lady Gaga. Ibinida ng UST ang kanilang mga berde na buhok at makukulay na kagamitan habang isinasagawa ang kanilang nakamamanghang stunts at tosses. Bunsod nito, nasungkit ng España-based squad ang tansong medalya matapos magtala ng 640 puntos sa torneo.
Magkakaibang tema, magkakaibang karisma
Agaw-pansin naman ang sandatahan ng UE Pep Squad matapos ipalasap ang kanilang pagmamahal sa musikang Pilipino nang gawin nilang tema ang P-Pop group na SB19. Bagamat malaki ang pagbabago ng kanilang dance routine kompara noong Season 84, tinuldukan ng Recto-based squad ang kanilang karera sa Season 85 sa ikaapat na puwesto bitbit ang 606.5 puntos ngayong taon.
Humataw naman sa entablado ang host team AdU Pep Squad matapos nilang magpakitang-gilas ng mga sikat na kanta ni Latina Pop Artist Jennifer Lopez. Kaugnay nito, namangha ang madla nang ibida ng San Marcelino-based squad ang kanilang talento sa pagsayaw. Bunga nito, nagawang makaukit ng 595 puntos ang AdU Pep Squad, upang lumapag sa ikalimang puwesto.
Gamit ang inspirasyon mula sa kanta ng Black Eyed Peas, hindi nagpahuli sa pasiklaban ang UP Pep Squad nang ipamalas ang kanilang nakamamanghang mga basket toss at pyramid stunt. Gayunpaman, tila nag-iba ang ihip ng hangin matapos magtala ng nakahihinayang na error ang Diliman-based squad. Bunsod nito, umupo ang UP sa ikaanim na puwesto tangan ang kanilang 575.5 puntos.
Kilala man bilang underdog sa cheerdance scene, nagpasikat naman ang ADMU Blue Eagles matapos pagbidahan ang kanilang temang hango kay Marvel Superhero Black Panther. Gayunpaman, bunsod ng sunod-sunod na error at mga hindi plakadong stunt, tinuldukan ng koponan ang kanilang karera sa kompetisyon bilang eight placer tangan ang 502.5 puntos.
Mga parangal:
NU Pep Squad – Champion
FEU Cheering Squad – First runners-up
UST Salinggawi Dance Troupe – Second runners-up
Iba pang parangal:
Palmolive Best Handa Ang Ganda Award – FEU Cheering Squad
Skechers Most Stylish Award – NU Pep Squad
Biogenic Alcohol Best Pyramid Award – NU Pep Squad
Silka Best Awra Dance Moves Award – NU Pep Squad