BIGONG MAKATUNGTONG sa podium finish ang DLSU Lady Spikers matapos patumbahin ng UP Fighting Maroons, 18-21, 21-12, 6-15, sa UAAP Season 85 Women’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 29 sa Sands SM By the Bay.
Lumawak ang kalamangan ng Fighting Maroons sa unang set matapos magpakawala ng magkasunod na service ace si Euri Eslapor, 9-14. Sa kabilang banda, sinubukan namang padikitin ng tambalang Jolina Dela Cruz at Justine Jazareno ang talaan bunsod ng kanilang pinaigting na opensa, 17-19. Gayunpaman, tinuldukan ng Diliman-based duo ang set, 18-21.
Sanib-puwersang pinagtulungan nina Dela Cruz at Jazareno ang opensa upang makalayo ng iskor sa Fighting Maroons sa pagpasok ng ikalawang set. Matapos humirit ng pamatay na tirada ni Dela Cruz, sinundan niya ito ng dalawang service ace, 9-6. Naging bentahe rin para sa Lady Spikers ang service error ni Alyssa Bertolano upang makuha ang panalo sa ikalawang set, 21-12.
Nagpatuloy ang nagbabagang atake ni Dela Cruz matapos tumikada ng magkasunod na puntos, 2-1. Gayunpaman, kinapitan ng Fighting Maroons ang kanilang mabibigat na service upang padapain ang depensa ng Taft-based duo. Bunsod nito, tuluyan nang rumatsada ng atake si Bertolano upang wakasan ang sagupaan, 6-15.
Buhat ng pagkatalong ito, nagtapos ang kampanya ng Lady Spikers sa ikaapat na puwesto. Nakamit naman ng UP ang tansong medalya sa torneo.