BIGONG MAKAKUBRA ng panalo ang DLSU Green Spikers sa ADMU Blue Eagles sa dalawang set, 15-21, 16-21, sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 26 sa Sands SM By the Bay. Natalisod din ang Taft-based squad sa puwersa ng FEU Tamaraws, 20-22, 12-21 sa parehong araw at lugar.
Maagang nag-init sina Blue Eagle Jian Salarzon at Amil Pacinio nang agarang maungusan sina Noel Kampton at Vince Maglinao sa unang set, 15-21. Pilit na ibinangon ng Taft-based squad ang kanilang kampanya ngunit, nanaig ang kumpiyansa ng Katipunan-based squad hanggang dulo ng laban, 16-21.
Sa pagdako ng ikalawang laro, tila hirap pa ring makausad ang DLSU matapos mapuruhan nina Tamaraw Vincent Nadera at Martin Bugaoan ang tambalang Kampton at Maglinao, 20-22. Hindi na nagawa pang makahabol ng kalalakihan ng Taft at tuluyang dumapa sa puwersa ng FEU, 12-21.
Bunsod nito, bigong makapagtudlang muli ng panalo ang Green Spikers tangan ang 1-5 panalo-talo kartada. Sa kabilang banda, umangat sa 4-1 ang rekord ng ADMU Blue Eagles habang naitala naman ng FEU Tamaraws ang 3-2 na rekord.
Subaybayan ang susunod na laban ng Green Spikers kontra UST Tiger Spikers bukas, Nobyembre 27, sa ganap na ika-8 ng umaga sa Sands SM By the Bay.