BIGONG MASUNGKIT ng DLSU Green Spikers ang kanilang unang panalo matapos maungusan ng AdU Soaring Falcons, 14-21, 22-20, 12-15, sa dikit na laban nila sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 20. Hindi rin umubra ang Taft-based squad sa solidong puwersa ng NU Bulldogs, 12-21, 12-21, sa parehong lugar at araw.
Dikdikan ang naging laban sa pagitan ng Green Spikers at Soaring Falcons sapagkat hirap pa rin ang koponan makapag-uwi ng panalo. Buhat nito, agad na rumatsada ang San Marcelino-based squad duo Francis Casas at Evander Novillo sa opensa, 14-21. Bagamat hindi nagpatinag sina Noel Kampton at Vince Maglinao, 22-20, nangibabaw pa rin ang kagustuhang manalo ng Soaring Falcons, 12-15.
Sa pagpasok ng ikalawang laro, hindi pa rin makapuslit ng panalo ang Taft-based squad matapos mapuruhan ng Bulldogs. Nagawang mailigpit ng Bulldogs duo James Buytrago at Pol Salvador ang tambalan nina Kampton at Maglinao sa loob ng dalawang set, 12-21, 12-21.
Buhat ng dalawang mapait na pagkatalo ng Green Spikers, lumapag ang kalalakihan ng DLSU sa ikapitong puwesto tangan ang 0-3 panalo-talo kartada. Sa kabilang banda, umangat sa ikaanim na puwesto ang Soaring Falcons bitbit ang 1-2 rekord.
Nananatiling malinis naman ang talaan ng NU matapos umangat sa unang puwesto ng torneo tangan ang 3-0 panalo-talo kartada.
Susubukan ng Green Spikers na masungkit ang kanilang unang panalo kontra UE Red Warriors sa darating na Miyerkules, Nobyembre 23 ika-12:40 ng hapon sa Mall of Asia Beach Volleyball Sandcourt.