INIHANDOG ng De La Salle University (DLSU) ang panibagong kursong AB Sociology at BS Chemistry Major in Food Science bilang pagsalubong sa pamayanang Lasalyano ngayong akademikong taon. Layon ng Pamantasan na bigyan ng karampatang kasanayan ang mga estudyante para sa kanilang papasukang industriya at disiplina.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kina Dr. Robert Roleda, Vice-Chancellor for Academics (VCA) at Dr. Jaime Raul Janairo, Chair ng Chemistry Department, inihayag nila ang kahalagahan ng mga nasabing kurso at naging proseso sa pagpapatupad ng bawat isa.
Proseso ng implementasyon
Inilahad ni Janairo ang mga hakbang na isinagawa ng Chemistry Department sa pagpapatupad ng nasabing kurso. Aniya, idinagdag ng kanilang departamento ang Food Science sa BS Chemistry upang hubugin pa ang kaalaman ng mga Lasalyano tungkol sa mga agham na pumapalibot sa paggawa at pagpapanatili ng pagkain.
Ayon naman kay Roleda, napagdesisyunan umano ng Behavioral Sciences Department na magkaroon ng Sociology sa undergraduate level. Unang inihandog ang naturang disiplina sa lebel ng PhD.
Maliban sa mga dahilan ng pagpapatupad, ibinahagi rin ng mga pinuno ang kaibahan ng naturang degree program sa DLSU mula sa iba pang mga pamantasang may parehong kurso. Saad ni Janairo, mas nakapokus ang food science sa pananaliksik at siyensiya sa likod ng pagmamanupaktura ng mga pagkain. Iba naman ang pinag-aaralan sa food technology, na kadalasang inihahandog ng ibang institusyon.
Binansagan naman ni Roleda na bread-and-butter program ang AB Sociology dahil wala umanong masyadong maiiba sa nilalaman ng itinuturo sa nasabing disiplina kompara sa ibang institusyong mayroon nito. Pagtatantsa ng VCA, mga nasa 90% ang pagkakatulad ng naturang degree program sa ibang pamantasan bilang pagsunod sa pamantayan ng mga unibersidad.
Sa DLSU Laguna Campus lang umano inaalok ang BS Chemistry major in Food Science dahil sapat ang pasilidad at mas malawak ang learning space sa naturang campus. Pagdidiin pa ni Janairo, “Magiging sapat ang [bilang ng] mga propesor na magtuturo ng food science. Ang traditional background ng mga faculty ay may professional experiences na may kinalaman sa Chemistry.”
Paghihikayat sa pamayanang Lasalyano
Sa kasalukuyan, apat lamang na mag-aaral ang kumukuha ng BS Chemistry Major in Food Science. Samantala, hindi pa tiyak ni Roleda ang dami ng mga kumukuha ng AB Sociology. Pananaw naman niya sa naturang degree program, “Sa tingin ko [..] may hatak naman [ang AB Sociology].”
Layon ng pamantasang palakihin pa ang bilang ng mga mag-aaral sa susunod na akademikong taon. Hinihikayat din ng Chemistry Department na isama ang BS Chemistry Major in Food Science sa aplikasyon ng DLSU College Admission Test sa tulong ng Office of Admissions and Scholarships.
Sa pamamagitan ng BS Chemistry Major in Food Science, naniniwala si Janairo na mabibigyan ng maraming oportunidad sa industriya ng pagkain ang mga susunod na Lasalyano. Inaasahan din niya na magkakaroon ang DLSU ng mas maraming mag-aaral sa larangan ng food science.
Saad naman ni Roleda, masusing paghahanda ang isinasagawa ng DLSU upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nabanggit na kurso. Nakikipag-ugnayan din ang Pamantasan sa iba pang institusyong Lasalyano tulad ng De La Salle Araneta University para sa mga degree program na kanilang ipinapatupad.
Dagdag-degree program sa hinaharap
Sa kabilang dako, binigyang-linaw naman ni Roleda na ipinapaalam sa Commission on Higher Education ang pagpapatupad ng mga panibagong degree program. Isasalang umano ang mga ito sa pagsusuri ng Academics Council at ng Board of Trustees ng DLSU.
Batay kay Roleda, humigit-kumulang 30 kurso ang planong buksan ng Pamantasan para sa susunod na mga pang-akademikong taon. Ihahandog umano ang karamihan ng mga ito sa Laguna campus.
Siniguro naman ng VCA na kaakibat ng pagpapaunlad ng Pamantasan ang patuloy na pagdagdag ng mga bagong kurso. Pagtatapos niya, “Ang University naman ay dynamic, so parating may pagbabago iyan. Tinitingnan natin ‘yung environment: sa industry, sa society, kung ano ‘yung mga bagong kailangang i-develop na mga pag-aaral, kaya common lang na nagkakaroon tayo ng mga bagong programa.”