MASALIMUOT na laro ang natunghayan sa kampanya ng parehong koponan ng DLSU Shuttlers sa UAAP Season 85 Badminton Tournament, Nobyembre 6 sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City. Yumuko ang DLSU Green Shuttlers sa six-time defending champions NU Bulldogs, 1-4. Nablangko naman ang talaan ng DLSU Lady Shuttlers kontra UP Fighting Maroons, 0-5.
Unang tumiklop sa hanay ng DLSU si Bless Libanan matapos hindi makaporma kontra sa pambatong rookie ng NU na si Lanz Zafra sa singles division, 7-21, 12-21. Bitbit ang mapait na panimula, bigong kontrahin ni Green Shuttler Jason Pajarillo ang ragasa ng mga atake ni Mark Velasco kaya agad siyang napayuko, 8-21, 9-21.
Kompletong dominasyon pa rin ang ipinakita ng Bulldogs patungong doubles division. Bigo ang pagtatangkang makapuntos para sa DLSU ng tambalang Joshua Morada at Pete Abellana matapos mapag-iwanan ng national team stalwarts Julius Villabrille at Solomon Padiz Jr., 8-21, 12-21.
Sa kabilang panig, nagpatuloy ang mistulang sumpa sa panig ng Lady Shuttlers nang maghikahos laban sa Katipunan-based squad bitbit ang 0-5 kartada. Pinaunlakan nina Lady Shuttlers Katrina Togado at Ghiselle Bautista ang magkasunod na singles event kaharap ang magigiting na rookies ng Fighting Maroons Anthea Gonzalez at Susmita Ramos.
Nayanig ang tikas ni Togado nang malimitahan ang kaniyang pagpuntos buhat ng solidong opensa ng walang talong si Gonzalez sa loob ng dalawang set, 5-21, 4-21. Sumunod din sa yapak ni Togado ang kampanya ni Bautista matapos mapatid kay Ramos, 13-21, 14-21.
Nagdoble-kayod naman para sa Lady Shuttlers si Mia Manguilimotan matapos makakubra ng isang set laban kay UAAP Season 78 Rookie of the Year Leah Inlayo, 21-11. Nanguna man sa talaan, bigo pa rin si Manguilimotan na selyuhan ang dalawang natitirang set nang makabuwelo pabalik si Inlayo, 13-21, 15-21.
Kasalukuyang salat sa panalo ang DLSU Green Shuttlers katambal ang AdU Soaring Falcons tangan ang 0-4 kartada. Kumakapit naman sa torneo ang Lady Shuttlers bitbit ang 2-2 rekord, kahalili ang NU sa puwesto.
Susubukang makapitas ng unang panalo ang Green Shuttlers laban sa kapwa walang panalo na Soaring Falcons sa darating na Sabado, Nobyembre 12 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Centro Atletico Badminton Center, Quezon City. Magtutuos naman ang Lady Shuttlers at ADMU Blue Eagles sa ika-1 ng hapon sa parehong lugar at petsa.