NAKALUSOT sa butas ng karayom ang DLSU Lady Archers kontra ADMU Blue Eagles, 56-55, sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Nobyembre 6 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Nagningning para sa koponang Green at White si Lee Sario nang makapagtala ng 16 na puntos, 11 rebound, at tatlong steal. Kaagapay ni Sario sa pagpuntos sina Charmaine Torres at Joehanna Arciga matapos umukit ng tig-11 puntos.
Bumida naman para sa Blue Eagles si Kacey Dela Rosa matapos tumikada ng 13 puntos, 18 rebound, limang block, at isang steal. Umalalay naman kay Dela Rosa sina Sarah Makanjuola at Jhazmin Joson na may pinagsamang 23 puntos.
Dala-dala ang gilas at liksi matapos ang kanilang panalo kontra FEU Tamaraws, agad na nagpamalas ng bagsik ang Lady Archers sa unang kwarter. Gayunpaman, naging dikit ang talaan matapos ang mainit na sagutan ng puntos ng dalawang koponan,18-17.
Tila lalong ginanahan ang Taft-based squad sa ikalawang kwarter matapos lamangan ang Blue Eagles. Patuloy mang sinubukang dumikit ng Katipunan-based squad sa tala ng Lady Archers, puspusang kumayod ang DLSU upang tapusin ang kwarter tangan ang limang puntos na bentahe, 36-31.
Nanumbalik ang bagsik ng Blue Eagles sa pagtapak sa entablado matapos ang halftime. Bagamat lamang ang Lady Archers, bakas ang pag-alagwa ng Blue Eagles sa ikatlong kwarter bunsod ng mas masaganang pagpitas ng puntos kontra sa kanilang karibal, 46-42.
Naging makapigil-hininga ang eksena sa huling 40 segundo ng laban nang pahirapan ng batikang Jhazmin Joson ang pagkayod ng limang puntos ng DLSU, 51-55. Gayunpaman, tila nagkaroon ng mirakulo nang tumikada ng tres si Sario, 54-55. Sa nalalabing 11.9 na segundo ng laban, nakapuslit ng dos si Fina Niantcho mula kay Torres upang ihatid ang panalo sa DLSU, 56-55.
Bunsod ng sunod-sunod na panalo ng Lady Archers, umakyat sa 8-2 ang panalo-talo kartada ng koponan. Sa ngayon, tabla pa rin sa ikalawang puwesto ang Lady Archers at Growling Tigers. Kasalukuyan namang nasa ikaapat na puwesto ang Blue Eagles tangan ang 5-5 na rekord.
Abangan ang susunod na laban ng Lady Archers kontra AdU Lady Falcons sa darating na Linggo, Nobyembre 13 sa ganap na ika-9 ng umaga sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga iskor:
DLSU 56 – Sario 16, Torres 11, Arciga 11, De La Paz 8, Niantcho 6, Jimenez 2, Binaohan 1, Camba 1.
ADMU 55 – Dela Rosa 13, Makanjuola 12, Joson 11, Nieves 8, Cruza 3, Calago 3, Miranda 3, Villacruz 2.
Quarterscores: 18-17, 36-31, 46-42, 56-55