PINATUMBA ng DLSU Lady Spikers ang UST Golden Tigresses sa loob ng apat na set, 22-25, 27-25, 25-16, 25-21, sa Shakey’s Super League, Oktubre 30 sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagpakitang-gilas ang tinaguriang super rookie na si Angel Canino matapos makapagtala ng 19 na atake, dalawang block, at apat na service ace. Kasangga naman niya sa pagpuntos si Jolina Dela Cruz na nakapag-ambag ng 10 puntos.
Nanguna agad sa talaan ng unang set ang Lady Spikers matapos magpalitan ng tirada sina Dela Cruz at Regina Jurado, 8-5. Sa kabila nito, mabilis na nakahabol ang Golden Tigresses nang paigtingin ni Athena Abbu ang kaniyang depensa sa net, 8-10. Sinundan pa ito ng pag-arangkada ng UST sa pagpuntos matapos mailusot sa blockers ng DLSU ang kanilang sunod-sunod na tirada, 11-15.
Gayunpaman, hindi nagpaawat ang Taft mainstays nang paganahin ni Mars Alba si Canino na nagpakawala ng sunod-sunod na puntos mula sa kaniyang crosscourt attack at service ace, 15-17. Bunsod nito, nakadikit sa talaan ang Lady Spikers, ngunit hindi ito naging sapat nang tuldukan ni Xyza Gula ang set sa pamamagitan ng kaniyang umaatikabong crosscourt at off-the-block hit, 22-25.
Naging mas agresibo pa ang opensa ng Golden Tigresses sa ikalawang set nang samantalahin nina Joyce Abueg at Jonna Perdido ang nangangarag na net defense ng Lady Spikers. Hindi naman nagpatinag ang Taft-based squad matapos magliyab ang kanilang opensa sa huling bahagi ng set.
Umeksena pa sa malakas na crosscourt hit si Baby Jyne Soreño upang itabla ang talaan, 23-all. Sa huli, kinapitan ng Lady Spikers ang nakagigimbal na tirada ni Canino nang magpakawala ang super rookie ng isang backrow attack bilang panapos sa ikalawang set, 27-25.
Umarangkada naman agad ang opensa ng Lady Spikers matapos mag-init muli ang mga daliri ni Canino sa pagpasok ng ikatlong set, 11-3. Kasabay nito, nagtala ng sunod-sunod na error ang Golden Tigresses na naging daan upang lumobo pa ang kalamangan ng Taft-based squad.
Sinabayan din ito ng patuloy na pagpuntos nina Jolina Dela Cruz at Canino upang iwanan ang UST sa talaan, 20-12. Gawa ng malasiling opensa ng kababaihan ng DLSU, tuluyang naselyuhan ng koponan ang ikatlong set nang salagin ni Amie Provido ang atake ni Gula sa net, 25-16.
Matatag na floor defense at magandang opensa naman ang naging susi ng Taft-based squad sa kanilang panalo sa huling set. Sa kabila nito, hindi maikakailang nakapagbigay ang koponang Green and White ng libreng puntos sa katunggali nang makapagtala ng limang service error sa kabuuang set.
Matapos ang mabigat na service ace ni Alba, humirit pa ng block point ang tambalang Gagate-Canino nang mapayungan ang tirada ni Jurado, 3-2. Sa kabila ng malalakas na atake ni Jurado, naging armas ni Canino ang kaniyang solidong depensa sa net, 22-20. Sa huli, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si kapitana Alba matapos bumida sa kaniyang strong hit upang makamit ang ikalimang panalo ng DLSU sa torneo, 25-21.
Bunsod nito, nangunguna sa Pool F ang Lady Spikers habang lumapag naman sa ikatlong puwesto ang Golden Tigresses.
Abangan ang susunod na kampanya ng DLSU Lady Spikers kontra AdU Lady Falcons sa Shakey’s Super League sa Sabado, Nobyembre 5 sa ganap na ika-4 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum.