GINAPAS ng progresibong organisasyong multisektoral ang bunga ng masikhay na pag-oorganisa matapos ikasa ang matagumpay na mobilisasyon sa Recto Avenue, Maynila upang idaos ang Buwan ng mga Pesante na nagbibigay-pugay sa mga magsasaka bilang mga gulugod ng ekonomiya ng bansa, Oktubre 21.
Inirehistro ng mga progresibong organisasyon, kasama ng mga magsasaka at manggagawa mula sa National Capital Region, Timog Katagalugan, Ilocos, Lambak ng Cagayan, at Gitnang Luzon ang kanilang matagal nang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Inilantad nila ang patuloy na kapabayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng mga konkretong solusyon upang matugunan ang lumalalang sitwasyon ng mga magsasakang Pilipino dulot ng krisis pangkalusugan. Matatandaang inako ni Marcos Jr. ang posisyon bilang kalihim ng Department of Agriculture sa sandaling manumpa siya sa puwesto nitong Hunyo 30.
Kanin para kanino
Itinampok ng mga magsasaka at grupo ng kabataan ang kanilang mga panawagan para sa reporma sa agrikultura sa pamamagitan ng mga artistikong plakard at pagtatanghal. Nagmartsa ang organisadong pwersa sa Recto Avenue patungo sa Mendiola upang iabante ang kanilang mga panawagan sa agarang madla. Bagamat binarikadahan ng puwersa ng estado, nagpatuloy sa programa ang masa upang ibunyag ang mapaniil na katangian ng estado sa mga pesante.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Solomon John Escopete, 37 taong gulang, isang organisador ng pamayanang magsasaka sa Jones, Isabela, ibinahagi niya ang dahas na kaniyang sinapit sa kamay ng 86th Infantry Battalion Philippine Army. Arbitraryong hinuli si Escopete at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso matapos taniman ng baril at granada ang bahay ng magsasaka na kaniyang tinitirhan.
“Legal na organisasyon ng mamamayan ang BAYAN MUNA para mailapag ang boses ng mamamayan sa Kongreso mismo para magkaroon ng batas na dikit sa sikmura ng mamamayan. Ayon ang ayaw ng mga naghaharing-uri, ang maiangat natin ang problema ng mamamayan at makalikha tayo ng mga batas na pumapabor o kumikiling sa ordinaryong mamamayan tulad ng pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa,” giit ni Escopete.
Pangunahing layunin ng paghuli sa mga aktibista at organisador sa pamayanan ang takutin ang mga magsasaka nang mapuksa ang kanilang lakas ng loob sa pagkilos. Gayunpaman, hanggang sumisidhi ang krisis pang-ekonomiya at umiiral ang kultura ng karahasan, tiyak ang mulat na pagtangan ng mga mambubukid sa pagkilos na magpapabago ng kanilang kalagayan.
Peste sa pesante
Isinalaysay ng mga magsasaka ang kanilang pagdarahop sa ilalim ng mga buktot na pangako ng estado at mga pahirap na neoliberal na patakarang ipinalalaganap nito. Ayon sa panayam ng APP kay Renato Gameng, 50 taong gulang, isang magsasaka mula Isabela at kasapi ng “Danggayan iti Manalon iti Isabela”, mayroong umiiral na kakulangan sa programang pangmagsasaka sapagkat panrered-tag sa mga progresibong organisasyon na nagsusulong ng kaginhawaan at kapakanan ng mamamayang Pilipino ang pangunahing inaatupag ng rehimen.
Giit ni Gameng, ”Dahil kami ay mahihirap na magsasaka ‘yung Rice Tariffication Law ay gusto sana namin irepaso ng bagong rehimen ngayon dahil ‘yung batas na rice tariffication ay kontra talaga sa mga magsasaka. Ito ang kumokontrol sa presyo ng palay. ‘Yung gastusin naman ng mga magsasaka napakataas ng presyo katulad ng binhi, gasolina, abono, pestisidyo at iba pa. . . Siyempre, lahat tumataas at lahat ay gastos ng magsasaka at napakababa naman ng presyo ng palay.” Binigyang-diin din ni Gameng na 50 taon na simula nang ipinanukala ang Presidential Decree 27 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na layuning ipamahagi ang mga lupa sa magsasaka, ngunit wala pa ring tunay na repormang agraryo at sariling lupa ang mga magsasaka hanggang ngayon.
Sa kabilang banda, idinemonstra naman ng mga kabataang Lasalyano ang kanilang politikal na kamulatan sa pamamagitan ng paghanay sa puwersa ng mga magsasaka sa naganap na mobilisasyon. Sa panayam ng APP kay Maggie Habulan, kasapi ng DIWA Vito Cruz, pinagtibay niya na nagsisilbing pampamulat ang simpleng pakikianib sa mga mobilisasyon. Dinagdag din niya na isa rin itong tuntungan ng mga kabataang estudyante sa pagpapamulat at pag-oorganisa sa kani-kanilang mga komunidad.
“Bilang mga estudyante rin, hindi dapat nakukulong lamang ang ating mga natututuhan sa apat na sulok ng silid-aralan kaya, sa mga kaganapan katulad nito. Dito talaga natin makikita at maiintindihan ang kalagayan at mga kailangan ng mga magsasaka,” maalab na sambit ni Habulan.
Nakapagpapasigla sa larangan ng pakikibaka ang mga kabataang buo ang kaloobang inilalaan ang kanilang lakas at panahon upang aralin ang lipunan at pagsilbihan ang mga mamamayan. Bilang tagapagmana sa ekonomiya ng isang bansang agrikultural, mahalagang kumuha sila ng espasyo sa kritikal na diskursong magdidikta sa kanilang kinabukasan.
Itinuturing na gulugod ng ekonomiya ng bansa ang mga magsasaka ngunit pinakukuba sila sa kabukiran upang gawing bundat ang mga busog na. May rurok din ang lalamunan–ang pagdurusa at paniniil na kaya nilang sikmurain. Nararapat lamang na maging pangunahing layunin ng masang magsasaka ang pagpuksa sa mga peste sa palayan na pumipinsala sa pag-abante ng uring pesante. Batid ng puwersa ng mga mambubukid na nakalubog ang mga paa nila sa putik ng pandudusta. Gayunpaman, sa matalim nilang tabak at matalas na kamalayan sa politika, tiyak na aanihin nila ang ginintuang palay nang walang pag-iimbot at puspusang pakikibaka.