YUMUKO ang DLSU Green Archers sa bangis ng NU Bulldogs, 76-80, sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 19 sa SM MOA Arena.
Kapit-bisig na pinanguhan nina Gilas standout Kevin Quiambao at Motor Mike Phillips ang Taft-based squad matapos magtala ng pinagsamang 30 puntos, 12 rebound, limang assist, apat na steal, at apat na block. Hindi naman nagpahuli ang batikang guwardiya Evan Nelle matapos pumundar ng 14 na puntos, 10 assist, dalawang steal, at isang block.
Sa kabilang panig, bumandera para sa NU Bulldogs si Steve Enriquez matapos tumipa ng 16 na puntos, tatlong board, tatlong assist, at isang steal. Sumuporta naman kay Enriquez si Jhon Lloyd Clemente matapos umukit ng 16 na puntos, 10 rebound, isang assist, at dalawang steal.
Masiklab na sagutan ng puntos ang hatid nina Earl Abadam at John Lloyd Clemente sa unang minuto ng panimulang kwarter, 5-6. Nagtala naman ng 4-0 run ang Green Archers mula sa pagbitaw ni Schonny Winston ng nakamamanghang fadeaway at pagsiklab ni M. Phillips sa kaniyang power jam mula sa pasa ni Nelle, 9-6.
Tila nag-iba naman ang ihip ng hangin nang patuloy na ginambala ng Bulldogs ang depensa ng Taft-based squad mula sa pagtira ni Enriquez ng tres, 12-19. Sa nalalabing isang minuto ng kwarter, nakapukol ng puntos si Bright Nwankwo mula sa swabeng pasa ni Quiambao, 17-21. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pananalasa ni Jolo Manansala matapos niyang humarurot ng fastbreak layup, 17-23.
Nagtuloy-tuloy ang momentum ng Green-and-White squad sa ikalawang kwarter nang uminit ang mga galamay ni Penny Estacio sa three-point line, 22-23. Tila nahimasmasan naman ang kalalakihan ng NU nang palobohin nina Malonzo at Baclaan ang kanilang talaan, 29-33.
Nagparamdam muli ng hagupit si Nelle sa halfway mark ng kwarter matapos tumipa ng puntos sa loob ng arko, 37-all. Sinundan naman ito ng isa pang easy basket ni M. Phillips ngunit agad itong sinagot ni Enriquez mula sa kaniyang fastbreak shot, 39-all. Sa pagtatapos ng kwarter, tumikada pa ng isang free throw si Raven Cortez, 41-40.
Bumungad naman sa ikatlong kwarter ang pag-arangkada ng Bulldogs scoring machine na si Clemente matapos ang kaniyang kaliwa’t kanang tirada, 51-45. Hindi naman nagpatinag si Ben Phillips matapos kumana ng isang free throw na sinundan pa ng malahalimaw na pag-araro ni M. Phillips sa loob, 54-45.
Gayunpaman, tila lumabas ang gigil ng NU matapos pumundar ng umaatikabong 4-0 run, 54-49. Nagpasiklab din si Jake Figueroa para sa NU nang ipamalas ang kaniyang nakamamanghang jumper, 56-55. Kasunod nito, inagaw na ni Patrick Yu ang kalamangan sa DLSU matapos kumaripas sa paint, 56-57. Hindi naman nagpatinag si Joaqui Manuel at Quiambao matapos magpakawala ng kaliwa’t kanang tirada bago matapos ang ikatlong kwarter, 63-61.
Sa pagpasok ng ikaapat na kwarter, agad na nagpakawala si Enriquez ng tirada sa labas ng arko, 63-64. Nagpatuloy sa pamamayagpag ang Bulldogs matapos gumuhit ng umaatikabong clutch 6-0 run sa kalagitnaan ng huling serye, 69-77. Tila sumasara man ang sinag para sa DLSU, tumikada naman ng clutch three-pointer si Quiambao, 76-79. Gayunpaman, kinapos na sa paghahabol ang DLSU at tuluyan nang sinelyuhan ni Clemente ang panalo para sa NU, 76-80.
Kaakibat nito, nalaglag sa 3-3 ang panalo-talo kartada ng Green Archers, habang nananatiling nasa top-seed ang NU Bulldogs tangan ang 5-1 rekord.
Subaybayan ang susunod na laban ng Green Archers kontra AdU Soaring Falcons sa darating na Sabado, Oktubre 22, ika-4:30 ng hapon sa Ynares Center Antipolo.
Mga Iskor
NU 80 – Clemente 16, Enriquez 16, John 15, Figueroa 12, Malonzo 6, Baclaan 5, Yu 4, Galinato 2, Manansala 2, Mahinay 2.
La Salle 76 – Quiambao 15, M. Phillips 15, Nelle 14, Winston 12, Abadam 7, Nwankwo 4, Manuel 3, Estacio 3, Cortez 2, B. Phillips 1.
Quarterscores: 23-17, 40-41, 61-63, 80-76.