NAPUKSA ang pag-arangkada ng DLSU Green Archers matapos dumulas sa kamay ng UE Red Warriors, 74-81, sa kanilang unang pagtutuos sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 12 sa SM MOA Arena.
Nanguna para sa DLSU si Schonny Winston matapos humakot ng 26 na puntos, tatlong assist, at apat na steal sa kabuuan ng 38 minuto ng laro. Umagapay sa kaniya ang rookie playmaker na si Kevin Quiambao bitbit ang 15 puntos, dalawang assist, at isang block.
Sumiklab naman para sa UE si Kyle Paranada matapos pumundar ng 20 puntos, anim na assist, tatlong rebound, at tatlong steal. Kasangga rin niya sa pagpuntos ang kaniyang kapatid na si Nico Paranada nang bumuno ng 18 puntos, dalawang rebound, isang assist, at isang steal.
Sa kabila ng matamlay na simula ng unang kwarter, nagsanib-puwersa para sa DLSU ang pambato ng koponan na sina Winston, Mike Phillips, at Quiambao na humulma ng pinagsamang 14 na puntos. Hindi naman nagpatalo ang tambalang Paranada brothers at bigman stretch Luis Villegas nang pumukol ng apat na tres bilang panabla ng Red Warriors sa talaan, 16-all.
Pagpasok ng ikalawang kwarter, hindi pinalampas ng DLSU ang dikitang ratsada laban sa hanay ng UE kaya ibinalik muli ni DLSU Coach Derrick Pumaren ang kaniyang 2-2-1 zone press kasabay ng pagpasok ni rookie player Earl Abadam. Sunod nito, sinubukang mapausad ni Quiambao ang hanay ng Green Archers sa pamamagitan ng mga jump shot at malikhaing pagpasa kina Winston at Penny Estacio sa paint.
Sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang taktika ng DLSU matapos kayaning mabasa ng maliliksing guwardiya ng UE ang kanilang laro sa pangunguna ni N. Paranada at Jalen Stevens, 36-34.
Umalingawngaw naman si Winston sa pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos magpasiklab ng dalawang mid-range jumper at nagbabagang tres, 43-36. Sumagot man ng tres si Calvin Payawal, agad itong sinundan ng pagpapaulan ng tirada nina Ben Phillips at Winston sa labas ng arko, 49-39.
Gayunpaman, naapula ang pagliyab ng Taft-based squad matapos ang matinding pagbagsak ni CJ Austria sa kort. Bunsod nito, nagawang pababain ng Red Warriors ang kalamangan ng Green Archers sa lima bago matapos ang kwarter, 56-51.
Mahigpit na pagkapit naman ang naging tema pagdating ng ikaapat na kwarter. Bagamat inilabas si Austria, nagparamdam para sa opensa ng Green Archers si Abadam matapos bumida sa kaniyang mid-range jumper at swak na floater, 62-57. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si K. Paranada matapos bumulusok ng pitong puntos para itabla ang talaan, 67-all.
Tila hindi nayanig ang loob ni Raven Cortez sa umaatikabong scoring run ni K. Paranada nang umeksena ang bigman sa kaniyang dalawang swak na floater, 71-70. Patuloy mang kumakapit ang DLSU, sinelyuhan na ng Red Warriors ang kanilang panalo matapos ang kaliwa’t kanang pagpuntos nina K. Paranada, Stevens, at Villegas, 74-81.
Kasalukuyang pantay sa hanay ng talaan ang DLSU at UE na parehong taglay ang 2-2 kartada. Nakatakdang kaharapin ng DLSU ang FEU sa darating na Sabado, Oktubre 15, sa ganap na ika-2 ng hapon sa SM MOA Arena.
Mga Iskor
DLSU 74 – Winston 26, Quiambao 15, Estacio 7, Austria 6, Cortez 6, B. Phillps 5, Abadam 4, M. Phillips 3, Nwankwo 2.
UE 81 – K. Paranada 20, N. Paranada 18, Villegas 16, Stevens 8, Payawal 7, Sawat 5, Alcantara 3, Guevarra 2, Abatayo 2.
Quarterscores: 16-16, 36-34, 56-51, 74-81