NAKATAKAS ang DLSU Lady Archers sa hagupit ng ADMU Blue Eagles, 75-67, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 9 sa Smart Araneta Coliseum.
Bumandera para sa Lady Archers si Lee Sario matapos tumikada ng 19 na puntos, 11 rebound, tatlong assist, at isang steal. Napasakamay naman ni Sario ang sapat na suporta sa katauhan nina Fina Niantcho at Charmine Torres tangan ang kanilang 25 puntos na nakapaghatid ng panalo para sa DLSU.
Sa kabilang panig, binitbit ni Kacey Dela Rosa ang ADMU matapos umukit ng 21 puntos, 14 na board, at isang steal. Katuwang naman niya sa pagpuntos si Jhazmin Joson na nakapag-ambag ng 14 na puntos, apat na rebound, siyam na assist, at apat na steal.
Masigasig na rumatsada ang Taft-based squad nang makapagtala ng 49 na puntos mula sa bench. Kumolekta rin ang koponan ng 13 puntos mula sa mga turnover ng Katipunan-based squad na nakatulong sa pag-araro nila ng puntos tungo sa tagumpay.
Agad na pinaramdam ng Lady Archers ang kanilang presensya sa pagbubukas ng unang kwarter. Naging dikit man ang talaan, tila umangat ang dugong berde matapos magtala ng pitong puntos na kalamangan sa naturang yugto, 19-12. Dahan-dahan namang kumayod ang Blue Eagles sa ikalawang kwarter matapos habulin ang talaan ng DLSU, 36-33.
Parehong lumarga ng tig-20 puntos ang Lady Archers at Blue Eagles upang idagdag sa kani-kanilang tala sa ikatlong kwarter, 56-53. Matapos nito, pumasok pa rin sa one-possesion ball game ang kalamangan ng DLSU papasok ng huling yugto. Nagpakitang-gilas din ang Lady Archers sa pangunguna ni Sario upang umangat ang kanilang bentahe sa walo at tuluyang umeskapo sa tapatan, 75-67.
Umakyat sa 2-1 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers. Sa kabilang banda, nalasap ng ADMU Blue Eagles ang kanilang ikalawang pagkatalo, dahilan upang bumaba sa 1-2 ang kanilang rekord.
Hindi maikakaila na kaabang-abang at pinipilahan ang laban tuwing magtatapat ang dalawang koponan. Aminado si DLSU Lady Archers Coach Cholo Villanueva na mahalaga ang laban at pagkapanalo ng kanilang koponan. “For us, it’s about pride. Again, we can lose to any team but we don’t want to lose to Ateneo, maybe because I was from an era na that was the thing,” pagbabahagi ni Villanueva.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Lady Archers kontra UE Lady Warriors sa darating na Miyerkules, Oktubre 12 sa ganap na ika-9 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga iskor
DLSU 75 – Sario 19, Niantcho 13, Torres 12, Binaohan 10, Dela Paz 6, Arciga 5, Ahmed 4, Dalisay 3, Espinas 2, Jimenez 1.
UE 67 – Dela Rosa 21, Joson 14, Miranda 9, Eufemiano 8, Calago 7, Nieves 6, Makanjuola 2.
Quarterscores: 19-12, 36-33, 56-53, 75-67.