SINELYUHAN ng DLSU Lady Spikers ang kanilang ikalawang panalo kontra NCAA defending champion CSB Lady Blazers, 22-25, 25-22, 25-22, 25-19, sa Shakey’s Super League, Oktubre 8 sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagpakitang-gilas ang super rookie na si Angel Canino matapos makapagtala ng pitong attack, dalawang block, at tatlong service ace. Umalalay rin sa pagpuntos si Jolina Dela Cruz matapos makalikom ng sumatotal 17 puntos.
Masaganang panimula ang ipinamalas ng Lady Spikers sa unang set nang makapuntos mula sa sunod-sunod na atake, 4-1. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Lady Blazers bunsod ng kanilang malabundok na depensa sa net, 5-4.
Nagpalitan din ng umaatikabong tirada sina Dela Cruz at Lady Blazer Gayle Pascual upang pagdikitin ang talaan, 11-all. Kasabay nito, sinubukang umarangkada ng Lady Spikers nang mag-apoy ang mga daliri ni Dela Cruz. Gayunpaman, sinabayan ito ng pagratsada ng puntos ni Jade Gentapa, dahilan upang mapitas ng CSB ang panalo sa unang set, 22-25.
Pinaramdam naman ng Lady Spikers ang kanilang bangis pagpasok ng ikalawang set sa pamamagitan ng magandang depensa ni Matet Espina sa likod at naglalagablab na quicks ni Amie Provido, 7-3. Gayunpaman, nahirapang alagaan ng Lady Spikers ang kanilang kalamangan nang bumida sa opensa sina Michelle Gamit at Camill Avila, 20-all. Sa kabila nito, nasungkit ng Lady Spikers ang panalo sa ikalawang set matapos magkamit ng sunod-sunod na error ang CSB, 25-22.
Naging hamon naman sa Lady Spikers ang pagbubukas ng ikatlong set matapos ang mga umaatikabong atake ng Lady Blazers, 1-5. Subalit, unti-unti nilang hinabol ang kalamangan ng CSB matapos maging agresibo ang mga atake nina Dela Cruz at Canino, 8-all. Sa kabila nito, binasag ng mababagsik na atake nina Corinne Apostol at Gentapa ang matatayog na block ng Lady Spikers, 11-all.
Agad namang pumiglas ang Lady Spikers sa dikit na labanan matapos bumida nina Canino, Leila Cruz, at Thea Gagate, 19-16. Sinubukang umarangkada ng CSB sa pangunguna nina Mycah Go at Apostol ngunit sinunggaban ito ng maalab na mga atake nina Dela Cruz at Gagate, 24-21. Sa huli, matagumpay na tinuldukan ni Cruz ang ikatlong set gamit ang kaniyang spike, 25-22.
Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Lady Spikers sa ikaapat na set matapos makapag-ambag si Cruz ng magkasunod na puntos mula sa kaniyang down-the-line hit at service ace, 9-4. Naging bentahe rin ng DLSU sa pagkamit ng puntos ang kanilang mga cut shot, 14-10. Kasabay nito, pinaigting din ng Lady Spikers ang kanilang depensa sa net, dahilan upang tuluyang selyuhan ang panalo sa laro, 25-19.
Bunsod nito, kasalukuyang namamayagpag sa unang puwesto ng Pool D ng torneo ang DLSU, 2-0. Sa kabilang banda, hindi pa napasasakamay ng NCAA champion ang kanilang unang panalo sa torneo, 0-2.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Lady Spikers kontra CSJL sa Shakey’s Super League bukas, Oktubre 9, ika-12:30 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum.