“Pinklawan na 20% at NPA!”
“Mga lutang, campaign logo n’yo parang sex toy!”
Madalas itong linyahan ng ilang tanyag na social media influencer at online troll na bumabatikos kay dating Bise Presidente Leni Robredo at mga taong bumoto sa kaniya nitong nakaraang eleksyon.
Kabilang sa mga tanyag na Marcos apologist si Sangkay Janjan TV o John Anthony Jaboya, isang vlogger na mayroong mahigit isang milyong subscriber sa YouTube. Madalas ko mang nasasaksihan ang kaniyang mga bidyo na nang-re-red-tag ng mga personalidad na kritikal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tulad nina Angel Locsin at Robredo, hindi ako masyadong naaapektuhan nito.
Gayunpaman, bilang isang estudyanteng mamamahayag mula sa Kolehiyo ng Malalayang Sining ng Pamantasang De La Salle, nawawalan ako ng pasensya sa mga influencer na minamaliit ang mga historyador at pilit ibinabago ang kasaysayan.
“History is like a tsismis.”
“I don’t believe that historians should be a profession.”
Ilan ito sa mga katagang tumatak sa akin noong isinapubliko nina Ella Cruz at Darryl Yap, mga influencer na Marcos apologist at kritiko rin ni Robredo, ang kanilang saloobin ukol sa pinagmulan ng kasaysayan. Nakababahala ang mga pahayag na ito mula sa mga bibig ng mga sikat na personalidad na mayroong malaking impluwensiya mula sa kanilang mahigit 700,000 at walong milyong Facebook follower.
Kaugnay nito, umaalimpuyo ang aking inis sa dami ng mga taong nauuto nila, sa puntong mas pinaniniwalaan na sila ng kanilang mga tagahanga kaysa sa mga mananaliksik, mamamahayag, at historyador—o sa madaling salita, mga eksperto.
Parehong ideya lamang ang pilit itinatanim ng mga influencer na sina Jaboya, Cruz, at Yap sa isip ng kanilang mga tagahanga: tsismis lamang ang halos 100,000 biktimang ipinatay, ipinakulong, at ibinugbog noong panahon ng diktadurya bunsod ng kanilang pagtutol sa pamamahala ng dating diktador Ferdinand Marcos. Gayunpaman, puwede nilang maliitin ang kaalaman ng mga eksperto at ang yinurak na karapatang pantao ng mga kritikal na mamamayan—ganito na nga ba talaga kalaki ang mga ulo ng ilang blogger o influencer ngayon?
Matapos batikusin ng mga netizen, ipinaliwanag ni Cruz sa kaniyang Facebook post na hindi niya itinuturing na pawang tsismis lamang ang kasaysayan, taliwas sa pahayag niyang ang kasaysayan “is like” tsismis. Sa panayam naman ni Boy Abunda, isang entertainment host, inihayag ni Cruz na naniniwala siyang umaayon lamang ang kasaysayan sa “kulay [ng mga political party]” kaya hirap siyang paniwalaan ito, tulad ng mga tsismosa o Marites.
Ngunit, sino nga ba ang totoong Marites? Ang mga historyador o ang ilang social media influencer na nang-re-red-tag at nagkakalat ng maling impormasyon?
Para sa’kin, hindi katanggap-tanggap ang pagbibigay-katuwiran sa paniniwalang parang Minarites lamang ang kasaysayan o tsinismis lamang ng mga historyador. Salungat sa paniniwala ng ilang influencer, ang mismong kasaysayan na totoong nangyari noon ay walang halong kulay at hindi basta-bastang ikinuwento lamang ni aling Marites sa social media bilang isang blog.
Hindi lamang pawang pag-aaral ng mga pangyayari sa nakaraan ang kasaysayan. May sinusunod itong proseso at hindi kailanman magbabago. Ayon sa isang historyador na si Dr. Ambeth Ocampo, bagamat nagmula ang kasaysayan sa interpretasyon, bumabase pa rin ito sa ebidensya, pananaliksik, at totoong mga pangyayari sa nakaraan.
Sa pagsilip sa mga tala ng nakaraan, nagsisilbing sibat at kalasag ng mga ordinaryong mamamayan ang kasaysayan. Tangan ang kapangyarihang taglay nito, nasusuri at napag-uusapan ng mga mamamayan ang mga suliranin sa lipunan na kanilang hinarap, patuloy na hinaharap, at haharapin pa ng mga magiging anak at apo nila.