LUMULUSONG sa bilis ng alon ang talento ni Chloe Isleta sa paglangoy matapos ibulsa ang gintong medalya sa women’s 200-meter backstroke event ng 31st Southeast Asian Games (SEA) 2022. Buhat nito, makasaysayang tinuldukan ng Lady Tanker ang 29 na taong pagkawalay ng Pilipinas sa gintong medalya sa swimming events ng SEA Games. Dagdag pa rito, nagawang masungkit ni Isleta ang dalawang pilak na medalya sa women’s 100-meter backstroke at women’s 4×100-meter medley relay ng torneo.
Bukod sa kaniyang nakamamanghang karera sa 31st SEA Games, hindi rin nagpatinag ang naturang Lady Tanker sa 20th ASEAN University Games 2022 sa Ubon Ratchathani, Thailand. Sa naturang torneo, kagilas-gilas na nakamit ni Isleta ang apat na gintong medalya matapos mapagtagumpayan ang 50-meter backstroke, 100-meter backstroke, 200-meter backstroke, at 200-meter individual medley. Naibulsa rin ng manlalangoy na Pilipino ang tansong medalya sa 50-meter freestyle ng ASEAN University Games.
Nagmistulang sibat sa tulis ang bawat kumpas ni Isleta sa tubig matapos magreyna sa mga sinasalihang internasyonal na torneo sa Timog Silangang Asya. Bunsod nito, napasakamay ng California-born swimmer ang tiket upang sumalang sa FINA World Championships, ngunit hindi siya napabilang sa mga kinatawan ng Pilipinas. Sa kabila nito, maipapamalas naman ni Isleta ang kaniyang mala-torpedo na bilis sa swimming tournament ng University Athletic Association of the Philippines Season 85.
Paglusong sa maalong pagsubok
Bagamat marami nang napatumbang tanyag na pangalan si Isleta, gaya nina Nguyễn Thị Ánh Viên ng Vietnam at Nurul Fajar Fitriyati ng Indonesia sa SEA Games, nanatiling pinakamalaking hamon pa rin niya ang kaniyang lakas ng loob. Bilang isang atleta, mahalaga ang pagkakaroon ng malakas at matikas na pangangatawan, lalo na sa isang manlalangoy sapagkat sinasalamin nito ang oras at pagod na ginugol niya sa pag-eensayo. Gayunpaman, nagsisilbing mas mabigat na hamon para sa ilang manlalangoy ang kanilang mental na kalakasan at kompiyansa sa sarili.
Nakapag-uwi man ng maraming gantimpala, kadalasang kinukwestyon ni Isleta ang kaniyang sariling kakayahan sa paglalangoy. Pagbabahagi niya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “There are a lot of times where I questioned myself like “Should I keep swimming?”—“Will this be worth all the time, money, and sacrifices?”—“Am I enough to be able to achieve these certain goals?”
Mayroon mang mga pag-aalinlangan, naglalaho ang lahat ng ito sa tuwing sumasabak na sa torneo si Isleta. Dagdag pa rito, buong pusong iwinawagayway ng Lady Tanker ang bandila ng Pilipinas at Pamantasang De La Salle sa tuwing nakikipaglaban sa mga sinasalihang patimpalak sa loob man o labas ng bansa. “Any way I am able to race and raise the Philippine flag, I am willing to take that opportunity. My inspiration to compete is to represent DLSU and the Philippines with pride,” pahayag ni Isleta.
Motibasyong hindi naupos
Labis na pinaghandaan ni Isleta ang kaniyang naging karera sa SEA Games na naging daan upang makamit ang gintong medalya sa torneo. Kalakip ang angking talento, nangibabaw sa manlalangoy na Pilipino ang mithiing mairepresenta ang Pilipinas sa internasyonal na entablado. “During my SEA games performance, I was focused on ways I can improve myself and try to represent the country as best as I can,” pagbabahagi ng Lady Tanker sa panayam ng APP.
Umaasa rin ang Lady Tanker na magsisilbing hakbang ang kaniyang pagkapanalo ng gintong medalya sa SEA Games upang magsilbing huwaran sa mga baguhang manlalangoy na magpatuloy na mangarap para sa kani-kanilang karera sa swimming. Aniya, “They are our future for Philippine swimming and I hope the SEA Games victory will be just the beginning for our young and talented grassroots swimmers.”
Sa bawat tagumpay, palaging may mga taong nagbibigay-lakas at nagsisilbing inspirasyon. Kaya naman, malaki ang naging gampanin ng coaching staff ng DLSU sa pagratsada at pagkamit ni Isleta ng tagumpay sa kaniyang mga sinasalihang torneo. Binigyang-diin ng dekalibreng manlalangoy na umaapaw ang suportang ipinakikita sa kaniya ng DLSU coaching staff, lalo na sa tuwing nakararamdam siya ng pag-aalinlangan sa sariling kakayahan. “They have always kept in touch when I was abroad to make sure I was mentally and physically doing well,” giit ni Isleta.
Dagdag pa ni Isleta, malakas ang nabuong samahan ng buong mga miyembro ng DLSU Lady Tankers noong online na set up tuwing nag-eensayo. Ngayong nakabalik na siya sa Pilipinas upang mag-ensayo nang personal, patuloy pa rin niyang nadarama ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng buong koponan.
Mensahe ng inspirasyon at pasasalamat
Sa kabila ng mga natanggap na parangal sa loob at labas ng bansa, hindi nakalilimot si Isleta na hikayatin ang mga iba pang baguhang manlalangoy upang sumunod sa kaniyang yapak. Maipapayo ni Isleta sa mga baguhang atleta na magsumikap sila para sa kanilang umuusbong na karera sa swimming. Marami mang pagdadaanang pagsubok na tila mga daluyong upang hindi magtagumpay sa mga sinasalihang torneo, naniniwala si Isleta na maraming matututuhan ang mga baguhang atleta sa kanilang mga dating pagkakamali, kasama ang mga taong handang umalalay at gumabay sa kanila.
Sa kabilang banda, labis ang pasasalamat ni Isleta sa pamayanang Lasalyano dahil sa natatanggap niyang suporta at pagmamahal mula sa kanila. Taos puso niyang pagbanggit, hindi niya maaabot ang tagumpay na kaniyang tinatamasa kung wala ang mga taong nagbibigay ng motibasyon sa kaniya upang mag-ensayo at paunlarin ang kakayahan sa paglalangoy.
Nagsisilbing mahahalagang susi sa pagkamit ng mga pangarap sa karera ng mga manlalangoy ang pagkakaroon ng disiplina at tiwala sa sarili. Dati man siyang nag-alinlangan sa sariling kakayahan, ipinakita ni Isleta na kaya niyang magsumikap sa pag-eensayo at lumusong mula sa kaniyang mga pangamba matapos mag-uwi ng samu’t saring parangal sa mga sinasalihang torneo. Manipestasyon na sa kahit anong daluyong, basta’t may motibasyon at pagsisikap, makararating pa rin ang lahat sa inaasam na finish line.