Pampalakasan o pinagkakakitaan?

Hindi maitatanggi ng karamihan ang pagsaludo ng mga Pilipino sa nakaaantig na pagsisikap ng mga atleta at pagkahumaling sa pampalakasan. Sa inyong paglakad sa masisikip na eskinita, matatanaw ang pinagtagpi-tagping materyales na nagsisilbing basketball ring, mga nagbubuklod na manlalarong hinahanda ang kanilang pusta, at mga manonood na hindi magkamayaw sa pagtili. Siguradong naranasan din ng lahat o karamihan sa atin ang pagdampi ng bola sa ating mga palad, paghampas gamit ang raketa, o paggalaw ng mga piyesa. Subalit, bakit ang kinokonsiderang plataporma para sa tagisan ng galing at diskarte ang siyang naglilimita sa pagpapasiklab ng iilan. Bakit piling larangan lamang ang nabibigyan ng sapat na suporta at pondo? 

Sa nakalipas na dekada, nasaksihan ang pag-usbong at pagkilala sa mga atleta mula sa iba’t ibang larangan sa lokal at internasyonal na torneo. Kapansin-pansin din ang paglobo ng bilang ng mga manonood na sumusubaybay sa nasabing industriya. Sa kabilang banda, mistulang nasasapawan ng katanyagan ang tamang pagtrato sa mga atleta ng ibang larangan. Mahirap maging kinatawan ng Pilipinas sa mga kompetisyon pero mas mahirap ang lumaban para sa bayan na salat ang pagpapahalaga sa atleta. Sa aking ilang taong pagsabak sa mga liga, masasabi ko na hindi buo ang pagtanggap at labis ang pangbabarat ng mga organisasyon sa mga nag-aasam magpakitang-gilas. Mas nakalulungkot pa malaman ang desisyon ng mga paaralan na hindi pondohan at tuluyang buwagin ang koponan upang bigyang-daan ang maluhong pagpondo sa mga espesipikong larangang patok sa panlasa ng manonood.
 

Sinasalamin ng aking karanasan ang tahasang pagsasawalang-bahala sa pinakamababang lebel ng ating lipunan sa iba’t ibang larangan ng pampalakasan—mga talentong hindi natatampok dulot ng pagbibigay-priyoridad sa pera—mga atletang hindi nabibigyan ng pagkilala sa kanilang inalay na oras, at pagod sa pagpapaigting ng kanilang abilidad—mga organisasyong alipin ng mga kapitalista. 

Hindi masamang pondohan ng mga korporasyon ang mga nakasanayang larangan na tinatangkilik ng masa. Ngunit, tanda ang karanasan ng mga atletang tulad ni Wesley So, manlalaro ng Chess, at EJ Obiena, Filipino pole vaulter, ang kapalpakan ng kasalukuyang sistema ng pampalakasan sa bansa. Hihintayin pa ba nating mangibang bansa ang iba pang atletang Pilipino dahil sa panggigipit at pang-aalipusta ng mga nasa puwesto? Hahayaan na lamang ba nating patuloy na manalaytay sa ating lipunan ang kinasanayang pag-iwan sa mga atletang sinusubukang pandayin ang kanilang pangalan sa mga larangang madalang ipalabas sa midya? 

Batid ng sinomang atletang na hindi biro ang mga kinahaharap at haharaping hamon sa kanilang paglalakbay. Hindi man lubos ang pagpuna at papuring natatanggap nila, nananatili silang pursigido sa pagpapahusay sa kanilang larangan dahil pare-parehas lamang silang mga atleta. Mga atletang patuloy na sumisigaw upang kilalanin ang kanilang sakripisyo. Sa huli, naninindigan ako sa pantay na pagtingin sa anomang larangan sa nasabing industriya at paglikha ng platapormang sesentro sa paghubog ng mga susunod na kampeon at hindi kasangkapan para pagkakitaan.