MADALAS na naiuugnay sa kalalakihan ang larong basketball bunsod ng perspektiba ng lipunan na dapat matipuno at malaki ang pangangatawan ng isang basketbolista. Subalit, pinatutunayan ng mga babaeng atleta na kaya rin nilang magpakitang-gilas sa larong ito. Kabilang sa mga tanyag na koponan sa larangan ng women’s basketball ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers nang makamit nila ang four-peat na kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) noong 1999 hanggang 2002.
Hindi binigo ng kababaihan ng Taft ang kanilang mga tagahanga mula sa pangkolehiyong torneo hanggang sa internasyonal na entablado. Bitbit ang karanasan at talento, namumukadkad ang karera nina Lady Archers Camille Claro, Khate Castillo, Snow Peñaranda, AJ Gloriani, Camille Ramos, at Nicky Garcia sa Women’s National Basketball League.
Dagdag pa rito, naging kinatawan ng bansa si Castillo para sa mga internasyonal na torneong nilalahukan ng Pilipinas, tulad ng 31st Southeast Asia Games at FIBA 3×3 Asia Cup 2022. Bunsod nito, napatutunayan ng mga babaeng basketbolistang Pilipino na hindi lamang ang mga lalaki ang may kakayahang makipagbakbakan sa entablado ng mga internasyonal na torneo sa larangan ng basketball.
Pagbalik-tanaw sa karera ng Lady Archers
Makasaysayang kampeonato ang nakamit ng DLSU Lady Archers noong UAAP Season 76 matapos ang 11 taong pagkabigo na mapasakamay ito. Kaakibat nito, nasungkit ng DLSU Lady Archers ang kanilang ikalimang kampeonato sa UAAP women’s basketball. Dulot ng kanilang husay sa paglalaro, natanggap ni Trisha Piatos ang parangal na Finals Most Valuable Player habang naging bahagi naman si Aracelie Abaca sa Mythical Five ng torneo.
Mula sa pagkapanalo, sinalubong ng koponan ang UAAP Season 77 bitbit ang hangaring depensahan ang kanilang titulo bilang kampeon. Buhat ng kanilang determinasyon, lumapag sa ikalawang puwesto ang Lady Archers sa elimination round na nagbigay-daan sa kanila para umusad sa semifinals. Bagamat napigilan sila ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws na makatungtong sa finals ng Season 77, naiuwi nila ang tansong medalya.
Patuloy namang nag-alab ang hangarin ng Lady Archers na makatapak sa podium ng UAAP Season 78 matapos bumida sa elimination round. Bagamat kinapos ang kababaihan ng Taft na masungkit ang puwesto sa finals, hindi naman ito naging hadlang sa pagkinang ni Abaca matapos mapabilang muli sa Mythical Five. Dagdag pa rito, waging maibulsa ng Lady Archers ang tansong medalya ng torneo.
Ipinamalas naman ng mga alas ng Taft ang kanilang bagsik matapos subukang harangin ang sunod-sunod na kampeonato ng National University Lady Bulldogs. Matapos ang makapigil-hiningang sagupaan sa finals ng UAAP Season 79, nasungkit ng Lady Archers ang pilak na medalya. Bukod pa rito, iwinagayway rin ni Peñaranda ang talento ng kababaihan ng Taft matapos mapabilang sa Mythical Five ng torneo.
Pagbida ng kahusayan
Kasabay ng pagbukas ng UAAP Season 77 ang umpisa ng umaatikabong karera ni Castillo, dating guard ng Lady Archers. Maliban sa kaniyang matatag na depensa, maaasahan din ang kaniyang malaking kontribusyon sa pagpapasigla ng takbo ng opensa ng koponan. Mula rito, nakuha ng Lady Archers ang ikatlong puwesto sa UAAP Season 77 at 78.
Maliban sa pagpanday ng kasanayan ni Castillo, karanasan ang kaniyang naging bentahe’t sandata papasok ng UAAP Season 80. Kahanga-hanga ang naging paglalaro niya sa UAAP dahil sa kaniyang career-high performance kontra Adamson University. Ipinamalas niya ang kaniyang diskarte sa opensa nang mailusot ang tatlong magkakasunod-sunod na tres sa loob lamang ng 45 segundo sa huling kwarter.
Sa husay na ipinamalas ni Castillo sa kaniyang karera sa UAAP, nagtuloy-tuloy ang kinang ng kaniyang tagumpay nang mapabilang sa 31st Southeast Asian Games Basketball na ginanap sa Vietnam noong Mayo. Matapos ibida ang kaniyang matikas na laro, hindi naging madaling bantayan para sa naging katunggali ang kaniyang tirada nang makapaglista siya ng pitong three-point shots sa kabuuang laro.
Sunod-sunod ang oportunidad na sumalubong sa karera ni Castillo bilang manlalaro. Sumalang agad siya sa pag-eensayo para sa FIBA 3×3 Asia Cup upang higit pang mahasa ang kaniyang kakayahan sa paglalaro. Ginanap ang kompetisyon sa Singapore nitong Hulyo at lumaban siya bilang kinatawan ng Pilipinas.
Kababaihan sa basketball
Tanyag ang basketball bilang isang isport na pinangungunahan ng kalalakihan. Sa isang Facebook live na ginanap noong Setyembre 2021, kinapanayam ng isang blogger na kilala bilang si WoMoneyty ang Lady Archers na sina Marga Jimenez, Joe Arciga, at Lee Sario ukol sa kanilang mga personal na karanasan pagdating sa gender stereotypes sa larangan ng basketball.
Sinabi nila Jimenez at Arciga na bilang manlalaro, nakatatanggap sila ng mga negatibong komento. Ilan na lamang sa mga ito ang “Kapag naglaro ka ng basketball, magiging tomboy ka” o kaya “Marunong ka bang maglaro? ‘Di ba hindi naman [pambabae] ‘yan.”
Hindi man maiiwasan ang estereotipikong pagtingin sa larangan ng basketball, hindi nito napigilan ang Lady Archers na habulin ang kanilang mga pangarap sa kanilang karera. Bunsod ng kabi-kabilang torneo na pinagbibidahan ng Lady Archers, dumarami ang kanilang oportunidad para patunayang hindi lamang para sa kalalakihan ang isports na ito—dahil gaya ng kalalakihan, kaya rin ng kababaihang makipagsabayan.