Tungo sa maunlad na ekonomiya: Pagpapabuti sa produksyon ng pagkain, tampok sa mga proyekto para sa Hult Prize 2021


IBINIDA ang mga produktong Lasalyano sa Hult Prize OnCampus competition sa pangangasiwa ng Lasallian Social Enterprise for Economic Development (LSEED), Disyembre 11. Sentro ng kompetisyon ang pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa produksyon ng pagkain at pagtugon sa mga suliranin sa sektor ng agrikultura. 

Mula sa proyektong iminungkahi ng limang grupong Abante, Adlaw, Agriforce PH, Farmers’ Market Exchange (FMX), at Tahanan, pumili ang mga hurado ng tatlong grupong kakatawan sa Pamantasan sa Hult Prize Regional Finals na pangungunahan ng organisasyong United Nations. 

Talakayan ng mga hurado

Bilang panimula sa talakayan, ipinaliwanag ni Adrian Holgado, campus director ng Hult Prize, ang tungkulin ng kabataan sa pagsisimula ng pagbabago sa larangan ng ekonomiya at negosyo gamit ang angkin nilang talento. Binalikan din niya ang mga sesyon ng Hult ExChange na isinagawa upang mahubog ang kakayahan ng mga Lasalyano sa paglikha ng mga natatanging proyektong pang-ekonomiya. “For our competitors today. . . this is [the] start of a greater impact,” wika ni Holgado ukol sa pagbuo ng mga kalahok ng mga inisyatibang makatutulong sa mga manggagawang Pilipino. 

Kabilang sa hanay ng mga hurado sina Ariestelo Asilo, chief operating officer ng Varacco Inc. (Circa 1740); Bonnie Factor, chief executive officer at founder ng Leading With Success; Kristine Dara Ever Juan, coordinator sa PLDT Innolab; Laurence Lumagbas, management consultant, founder, at organizer ng Circular Economy Club; Marie Cavosora, founder ng Calabao Dairyland Inc; Zunally Rapada, faculty member ng School of Economics; at Norby Salonga, tagapamahala ng LSEED.

Unang tinalakay sa diskusyon ang mga isyung kinahaharap sa industriya ng pagkain sa bansa. Itinaas ng mga hurado ang kahalagahan ng pakikisangkot ng mga kabataan sa naturang usapin kaugnay ng pagkabihasa ng kasalukuyang henerasyon sa makabagong teknolohiya. Ibinahagi rin ng lupon ang kanilang inaasahan mula sa mga kalahok.

Pinahalagahan ni Cavosora ang taglay na pagkamalikhain ng mga kabataan ngayon. “You have this freedom to create. . . there’s just a great need for creativity,” pagsasaad niyang mahalagang sangkap ito para makapagpundar ng solusyong angkop sa mga isyung pang-ekonomiya. 

Binanggit naman ni Salonga ang lumalalang isyu ng food insecurity sa bansa. “No sustainable access to food. . . that’s a perspective I want the contenders to be reminded about,” pagpapahayag niya. Dapat umanong isaalang-alang ang suliraning ito sa pagbuo ng mga makabagong produkto.

Ipinaalala rin sa mga kalahok ang pagsasaalang-alang sa kultura ng mga Pilipino sa kanilang mga proyekto. “We have to be able to factor in the culture of the Filipinos,” pagpapabatid ni Cavosora sa kahalagahan ng lokal na kultura lalo’t saklaw nito ang mga magsasaka at manggagawang Pilipino sa iba’t ibang rehiyon. 

Pagtatanghal ng mga kalahok

Binigyan ng pitong minuto ang bawat grupo upang ibahagi ang kanilang proyekto sa mga manonood at apat na minuto naman upang sagutin ang katanungan ng mga hurado.

Unang nagpakilala ng proyekto ang grupong Abante na binubuo nina Fernando Magallanes Jr., Francis John Magallanes, at Ralph Steven Saavedra. Ibinida nila ang Green Bins o G-Bins, isang compact anaerobic digester bin, na layong baguhin ang huling yugto ng food supply chain. Dagdag pa rito, layunin ng grupo na lutasin ang suliranin ukol sa Sustainable Development Goal (SDG) 13: Climate Action.

Paglalahad ng grupo, “G-Bins are easy-to-use, multi-functional, and compact. We can ensure you can have sustainable means of getting alternative LPG.” Hangad ng proyektong ito na maabot ang 2.9 milyong pamilya sa Kalakhang Maynila, lalo na ang mga kabilang sa middle-income households. Nasa huling yugto na ang grupo sa pagdidisenyo ng prototype at pagbuo ng blueprint sa kasalukuyan.

Sumunod na nagpakilala ang grupong FMX na binubuo nina Kevin Chuang, Francesca Go, Yvonne Singco, at Jersie Mataragnon, dala ang kanilang handog na aplikasyon. Layunin ng grupo na matulungan ang mga magsasaka sa pagsabay sa makabagong teknolohiya upang maisakatuparan ang prosesong farm-to-table. Dagdag pa rito, nais nilang malutas ang SDG 2: Zero Hunger, SDG 3: Good Health and Well-being, SDG 8: Decent Work and Economic Growth, SDG 9: Industry, Innovation and Infrastructure, at SDG 11: Sustainable Cities and Communities.

Itinampok naman ng grupong Adlaw ang isang food cart na tinatawag nilang Kagat Adlaw Cart. Binubuo ito nina Summer Avila, Emil Concepcion, Ailh Diosana, at Jess Ranieses. Lumikha sila ng isang microfranchising business model na layong makamit ang food security sa pamamagitan ng malawakang pagtanggap sa street food bilang isang alternatibo at pagpapaunlad sa kalagayan ng street food vendors sa tulong ng licensing at training.

Nais ng grupong Adlaw na maitaguyod ang pagbabawas sa dami ng basura, pagpapalawak sa abot ng sektor ng agrikultura, at pagbibigay ng kabuhayan sa mahihirap na sektor. Inaasahang maisasakatuparan ito sa tulong ng local government units, training centers, food technologists, nutritionists, cooperatives, at non-government organizations. 

Nakatuon naman ang grupong Agriforce PH sa pangangalaga sa mga magsasaka at kanilang mga pananim sa pamamagitan ng kanilang mga produktong Provine at Protent. Binanggit nina Nathan Nugraha, Jazmen Rascyl Bersano, Francis Louise Vida, at Jeff Clinton Lim na mainam ito sa pagpaparami ng mga palay. Inaasahan din nilang maiibsan nito ang pagkalugi ng mga magsasaka sa bansa.

Hangad naman ng grupong Tahanan na paunlarin ang produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng nabuong hyperlocal food system sa mga karatig na komunidad. Naniniwala sina Shayne Alvarez, Loi Doma, at Chip Maalihan na mapasisigla ng kanilang proyekto ang kasanayan sa urban gardening ng bawat tahanan. Binigyang-diin din ng grupo na hindi pangmatagalan ang kasalukuyang food system kaya nangangailangan ito ng pagbabago.

Ibinahagi ni Maalihan na gagamit ang grupo ng motion censor security system upang matiyak ang proteksyon ng mga ani sa pampublikong lugar. Aniya, “It can easily trigger if people will go out of line in these public spaces, like the one in the malls.”

Nanaig na mga proyekto

Bunga ng masusing pagpili ng mga hurado, kinilala ang mga grupong nagwagi bilang kinatawan ng Pamantasan sa Hult Prize Regional Finals. Kabilang na rito ang grupong Adlaw na itinanghal na kampeon, grupong Abante sa ikalawang puwesto, at ang grupong Tahanan sa ikatlong puwesto. Gayunpaman, tiniyak ni Salonga na patuloy rin nilang gagabayan ang grupong FMX at grupong Agriforce PH.

Sa huling bahagi ng kompetisyon, tiniyak ni Lance Spencer Yu, operations manager ng Hult Prize, na hindi titigil ang organisasyong Hult Prize sa paghihikayat sa mga Lasalyano na makapagbigay-kontribusyon sa larangan ng social entrepreneurship. Pagdidiin niya, “Remember that Hult Prize is all about awakening that in you. . . you’ll be leading a new generation that will change the world.” 

Ipinaalala muli ni Yu ang mga hamon sa industriya ng pagkain na higit pang nararanasan ng mga tao bunga ng pandemya. Kaugnay nito, hinimok niya ang mga kalahok na mas pagbutihin pa ang kanilang mga proyekto upang makatulong ito sa paglutas sa mga problemang kasalukuyang nararanasan sa bansa.

Inudyok din ni Yu ang mga kalahok na patuloy na makisangkot sa pagtugon sa mga suliranin sa  produksyon ng pagkain. Umaasa siyang mas napayabong ng kompetisyon ang talento at kakayahan ng mga Lasalyano upang ganap na mapagtagumpayan ng bansa at ng buong mundo ang mga hamon sa ekonomiya. “Make it real, make it happen. Thank you changemakers!” pagtatapos niya.