HALOS DALAWANG TAON na ang nakalipas nang buksan ang kauna-unahang esports scholarship program sa Pilipinas para sa mga estudyanteng manlalarong naghahangad na umusbong ang kani-kanilang karera sa naturang larangan. Bilang pagpapahalaga sa sikap at pangarap ng mga kalahok, pinangunahan ng AcadArena at Globe ang programang Globe-AcadArena Merit Esports Scholarship (GAMES) Fund. Layunin nitong bigyan ng pagkilala at scholarship ang mga akreditadong pamantasan sa loob ng Alliance program ng AcadArena.
Bilang isa sa mga miyembro ng Alliance program, nagkaroon ng oportunidad ang mga estudyanteng manlalaro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na makalahok sa paligsahan ng mga pangkolehiyong torneo ng AcadArena. Isa sa mga bagong naitatag na collegiate esports league sa organisasyon ang Alliance Games (AllG) Season 1 na nag-umpisa noong Abril 23.
Matagumpay ang naging karera ng pambatong koponan ng DLSU na Viridis Arcus (VA) sa AllG. Buhat ng kanilang kahanga-hangang diskarte at determinasyon, napasakamay ng mga miyembro ng koponang Valorant at Call of Duty: Mobile (CODM) ng VA ang gintong medalya sa torneo.
Daloy ng AllG
Nagbukas ang AllG sa 57 pangkolehiyong koponan mula sa buong Pilipinas. Buhat nito, naglaban-laban ang mga kalahok na koponan upang makamit ang Php500,000 at scholarship na papremyo ng torneo na isa sa mga nagsilbing motibasyon nila upang magwagi sa sinalihang gaming event na tampok ang mga larong Valorant, Mobile Legends: Bang Bang, CODM, League of Legends, at League of Legends: Wild Rift.
Kaakibat nito, nagpasiklaban ang mga kalahok na koponan para sa yugtong group stage upang makaabante sa playoffs ng AllG. Matapos ang proseso ng eliminasyon, walong koponan lamang mula sa bawat gaming event ang nakatapak sa playoffs ng torneo.
Buhat ng kanilang agresibong laro, waging mapabilang ang VA sa playoffs ng AllG Valorant at AllG CODM. Sa katunayan, nakamit pa ng defending AcadArena champions na VA CODM team ang kauna-unahang puwesto sa finals ng torneo. Kaugnay nito, waging napasakamay ng koponan ang puwesto sa finals bitbit ang walang talo na rekord mula sa qualifiers.
Sinundan naman ito ng koponang Valorant ng VA matapos mapabilang sa listahan ng unang apat na koponan na sasalang sa AllG playoffs. Matapos mamayagpag sa playoffs, waging makasampa sa finals ang VA dala ang kanilang hangaring masungkit ang ikaapat na sunod-sunod na kampeonato sa AcadArena.
Tagumpay ng koponang Lasalyano
Pagdako ng grand finals, sumabak ang bawat finalist mula sa limang gaming event sa kauna-unahang Local Area Network (LAN) gaming tournament ng AcadArena na CONQuest Festival 2022. Buhat nito, nirepresenta at ipinaglaban ng VA ang bandera ng DLSU sa harap ng mga tagahanga at tanyag na gaming creators sa buong mundo sa SMX Convention Center.
Bunsod ng kanilang ipinamalas na husay sa paglalaro, napagtagumpayan ng VA CODM team ang kanilang laban kontra FIT Dasig sa AllG finals. Sa katunayan, nakamamanghang ibinulsa ng koponan ang kanilang 9-peat na kampeonato matapos masungkit ang tatlong sunod-sunod na panalo sa finals ng torneo.
Nagwagi rin ang VA Valorant team kontra archrivals na Ateneo LG Terra sa AllG finals. Bagamat yumuko sa mapa ng Haven bitbit ang iskor na 11-13, nagpunyagi naman ang koponan sa mapa ng Bind, 13-5; Split, 13-9; at Breeze, 13-11. Bunsod nito, napasakamay ng VA ang kanilang four-peat championship win sa AcadArena.
Tunay na tatatak sa kasaysayan ng collegiate esports ang ipinakitang talento ng VA sa AllG Valorant at AllG CODM bilang mga buena manong kampeon nito. Makasaysayan din ang mga oportunidad na ipinamamahagi ng AcadArena para sa mga estudyanteng manlalaro bunsod ng GAMES Fund at mga torneong nagmula sa naturang organisasyon. Sa mga nabanggit, asahang uusbong pa ang collegiate esports sa bansa, lalo na’t unti-unti nang niyayakap ng AcadArena ang sistema ng paglalaro sa LAN tournaments.