“Mayaman ang Pilipinas, ngunit hindi ang sambayanan.”
Mahigit labing-apat na taong inabuso nang walang kalaban-laban ni Ferdinand Marcos ang Pilipinas sa kaniyang deklarasyon ng Batas Militar. Walang tigil na pagmamalupit, pagpatay, at pagkulong ang naranasan ng mga Pilipino na nagnanais lamang ng pagbabago. Ninakawan ng rehimeng Marcos ang taumbayan; nilustay ang kanilang salapi para sa luho. Bunsod ng kasakiman ng rehimen sa kapangyarihan at pera, tuluyan nitong ibinaon sa malalim na hukay ang Pilipinas.
Pagkaraan ng limang dekada matutunghayang iisa pa rin ang layunin ng mga lumalaban ngayon—ipaglaban ang demokrasya at karapatang pantao ng mga Pilipino. Bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law, inilunsad ng La Salle Students for Human Rights and Democracy ang Singkwenta: A Martial Law Caravan. Sa loob ng pagdaraos, inihandog nila kasama ng AlterMidya, DLSU FAST 2021, at Human Rights Violations Victims’ Memorial Commision, ang Fifty Years Before: A Martial Law Film Viewing, Setyembre 14.
Mababatid na bahagi tayo ngayon ng kasaysayan dahil sa pagbabalik ng pamilyang Marcos at pagbabalatkayo ng kasinungalingan bilang katotohanan. Gayunpaman, hindi tumigil ang pagwawaksi ng mga kasinungalingan. Kasangga ng mga Pilipino ang midya at sining sa pagsisiwalat ng katotohanan gamit ang mga nilikhang maikling pelikula at dokumentaryo.
Sining at kasaysayan
May oras ka pa nga bang umiyak habang unti-unting winawarak ang iyong kinabukasan? Habang inaangkin ang iyong lupang pinagkakakitaan? Habang tinatanggalan ka na ng tirahan?
Sinimulan ang programa sa paglalahad ng perspektibo at karanasan ng mga taga-Mindanao sa ilalim ng Batas Militar sa dokumentaryong “No Time for Crying” ng AsiaVisions. Bagamat kaunti lamang ang bilang ng mamamayan ng Mindanao, ipinaramdam nila ang kahalagahan ng pagsuporta ng simbahan at kapwa sa kanilang laban kontra sa pasismong rehimen.
Isang pamilya naman ang tinutukan ng maikling pelikula ni Hector Calma na “Alingawngaw sa Panahon ng Pagpapasiya.” Ipinakita rito ang pansamantalang paglisan ni Nita na pinagbidahan ni Alessadra de Rossi, isang ilaw ng tahanan, upang protektahan ang kaniyang pamilya mula sa pag-atake ng gobyerno. Isinadula naman ng asawa ni Nita na gagawin niya bilang isang haligi ng tahanan ang lahat, maski nakasasakit ng damdamin para sa ikabubuti ng kaniyang pamilya. Subalit, hindi nagtagal at sapilitang ikinulong at minaltrato si Nita dahil sa progresibo niyang mga pananaw.
Maihahalintulad ang pagmaltrato kay Nita sa pang-aabusong ginawa ng rehimeng Marcos sa Pilipinas. Simbolo naman ng ginampanang karakter ni Karl Medina na si Red, anak ni Nita, ang mga kabataang namulat sa katotohanan at handang lumaban lalo na kung kinabukasan ang nakasalalay. Sa dulo ng pelikula, tumatak naman ang mensaheng magbago man ang lider, hindi uunlad ang bansa kapag patuloy itong nakaangkla sa imperyalismo.
Boses ng kabataan
Matapos ang mga palabas, isinagawa ang isang focused group discussion. Inilatag dito ng mga manonood ang kanilang mga punto, argumento, at reaksyon sa mga ipinalabas. Sa ginawang diskusyon, iisang tema lamang ang kanilang ibinahagi—na makapangyarihan ang simbahan sa pagsulong ng pagbabago sa lipunan. Positibo man ang naging epekto ng simbahan noong dekada sitenta, tinukoy pa rin ng mga kalahok ang negatibo nitong aspeto tulad ng pagiging konserbatibo nito sa progresibong panahon.
Para sa huling bahagi ng diskusyon, natunghayan ding may pagkakataong taliwas ang mga paniniwala sa loob ng isang pamilya. Hindi man magkatulad ang mga paniniwala, isinalaysay ng isang kalahok ang patuloy niyang paninindigan sa kaniyang prinsipyo. Kahit na panreredtag at pang-iinsulto ang kaniyang natatamo, nanaig pa rin ang pagmamahal niya sa kaniyang pamilya. Para sa kaniya, itakwil man siya ng kaniyang pamilya, kasama pa rin sila sa kaniyang laban.
Makikita ang pag-asa sa mga kabataang patuloy na lumalaban para sa kanilang bayan. Masisilayan ang kanilang paninindigan dahil alam ng kanilang puso na kaya nilang baguhin ang baluktot na sistema ng Pilipinas. Tangan nila ang responsibilidad bilang susunod na lider na mag-aakay sa mga Pilipino tungo sa progresibong mundo.
Pagsuka sa pasistang gobyerno
Sa pagtatapos ng programa, mapagtatantong umiiral pa rin ang mga problemang naranasan noon—ang imperyalismo, pasismo, at pagyurak sa karapatang pantao. Mababatid mula sa pagninilay na kaunti pa rin ang kaalaman ng mga Pilipino sa kasaysayan dahil limitado lamang ang napanonood na ganitong uri ng mga pelikula. Sa kabilang banda, hangad din ng programang maging kritikal ang mga Pilipino sa pagkonsumo ng midya upang makita ang katotohanan at mga hindi pa natutunghayang realidad ng buhay.
Tulad ng mga nasa pelikula, hindi mali ang pag-aalsa dahil buhay ng tao at kapakanan ng bansa ang nakataya. Laging tandaan na hindi tayo hawak ng gobyerno bagkus may kapangyarihan tayong patalsikin sila. Subalit, matatamo lamang ito sa pagbubuklod-buklod ng taumbayan upang lumakas ang puwersa laban sa mga mapagsamantala. Payo nga nina Wakee Sevilla at Janelle Dimalanta, mga convenor ng programa, patuloy na isabuhay ang dugong Lasalyano at ang mga layunin nina Ka Pepe Diokno, Brother Felix Perez, at Lorenzo “Ka Tany” Tañada—mga Lasalyanong bayani noong Martial Law.
Sa pagtatapos ng araw, mayroon tayong dapat pagtuunan ng pansin—ang administrasyong Marcos-Duterte. Sa pamumuno ng dalawang pamilyang sakim sa kapangyarihan, maiging maging mapagmatyag sa kanilang mga kilos at desisyon. Huwag nating hayaang nakawang muli ng panahon at pangarap ang mga Pilipino!