MATAGUMPAY, MABULUSOK, AT MAKASAYSAYAN—ito ang mga katagang naglalarawan sa karera ni Russel Aaron “Eyon” Usi sa Southeast Asian (SEA) Games 2022 para sa larong Mobile Legends: Bang bang (MLBB). Bilang sixth-man mid laner sa SEA Games 2022, tumayong kahalili ni Salic “Hadji” Imam ang punla na si Eyon upang makipagtulungang palakasin ang puwersa ng galaw at pagmando sa mapa ng Team Sibol Philippines.
Kaugnay nito, kinayang makipagsabayan ni Eyon sa palitan ng aksyon at tirada laban sa mga polidong koponan ng rehiyon upang magsilbing tagapagdepensa ng titulo ng Pilipinas sa SEA Games. Buhat ng taglay na talento, waging nasungkit ni Eyon ang kaniyang kauna-unahang gintong medalya sa torneo matapos mapatumba ang katunggaling Indonesia sa best-of-five series ng finals bitbit ang iskor na 3-1.
Kasabay ng pagkakakilanlan sa karangalan, maraming pintuan ng oportunidad ang nagbukas para kay Eyon, gaya na lamang ng katanyagan at puwesto sa industriya ng esports. Habang kinakapanabikan ang susunod na ruta ni Eyon sa eksena ng mga propesyonal na liga sa bansa, huhungkatin ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang matagumpay na landas na binagtas ng rookie standout sa larangan ng esports.
Pagsampa sa larangan
Mistulang kapa man sa dilim ang unang pagsalang sa ligang Sibol MLBB qualifiers, nakitaan agad ng potensyal si Eyon matapos mapasama sa lupon ng Blacklist International na kinabibilangan ng mga dekalibreng manlalaro ng bansa na sina Hadji, Jonmar “OhmyV33NUS” Villaluna, at Danerie James “Wise” Del Rosario. Matapos makasampa sa upper bracket ng torneo, nakamit ng koponan ang kampeonato matapos masalag ang Nexplay Evos sa paghaharap nito sa finals ng Sibol MLBB Qualifiers upang magsilbing kinatawan ng bansa sa SEA Games 2022.
Bagamat mga tanyag kaagad ang naging kalaro, hindi naging alintana para kay Eyon ang pakikisama sa mga batikang manlalaro. Sa halip, mabilis na nakabuwelo ang manlalarong Lasalyano sa sistema ni Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza, head coach ng Blacklist International at nagpasikat sa estratehiyang “UBE” o Ultimate Bonding Experience.
Kaugnay nito, maagap na inalalayan ng coaching staff ng Blacklist International si Eyon nang mapaigting ang kaniyang galaw at atake sa laro upang maitugma ito sa kaniyang koponan. “Chemistry po ‘yung magdadala sa amin sa tulong din ng management ng Sibol,” pagbabahagi ni Eyon sa panayam ng Manila Bulletin ukol sa sistema ng pag-eensayo niya para sa SEA Games 2022.
Kilala bilang manlalarong may main hero na Selena, bangungot para sa mga katunggali ang biglaang pagsulpot ng kabi-kabilang Abyssal Arrow na crowd control skill ni Eyon. Mistulang anino, nahahawig din ang galawan at seleksyon ng mga kampeon ni Eyon sa batikang Blacklist International support at mage user na si OhmyV33NUS.
Buhat nito, nakabuo ang roamer na si Eyon at ang kaniyang mid laner na si Hadji ng matinding koneksyon pagdating sa mga taktika na may kinalaman sa double-mage composition. Napagana ng tambalan ang kanilang matinik na taktika matapos isalang ang kanilang mga hero na sina Cecilion at Selena noong makaharap ang Bloodthirsty King (BTK) sa unang yugto ng Realme Mobile Legend Challenge Cup (RMC) Season 6: Team PH vs. Team US Showmatch.
Pagyakap sa tugagtog ng karera
Sa bagong yugto ng karera ni Eyon, samu’t saring pagbabago ang bumungad sa manlalaro, gaya na lamang ng biglaang pagragasa ng kaniyang mga tagahanga. “I became a supporter of Eyon kasi sobrang galing niya sa paggamit ng iba’t ibang mage heroes sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB). One example is ‘yung paggamit niya ng Selena sa live at naipakita niya na lahat ng mga traps na pwedeng ilagay ay tumatama sa mga kalaban, na nakatutulong sa mga kakampi niya upang mapatay ang kalaban,” ani Lauren Morada, tagahanga ni Eyon, sa panayam ng APP.
Limang sunod-sunod na laro ang pinalagan ng Sibol Philippines noong SEA Games 2022 na kinabibilangan ni Eyon. Tangan ang 5-0 kartada, walang bahid ng pagkatalo ang panapos na imahe ng Sibol matapos pagharian ang mga serye kontra Malaysia, Laos, Myanmar, Singapore, at Indonesia upang mapasakamay ang makinang na gintong medalya.
Nahagip man ng kasikatan dulot ng matamis na tagumpay, hindi naapektuhan ng mga pagbabagong naganap ang pakikitungo ni Eyon sa kaniyang mga tagahanga. “I can vividly remember before the SEA Games na mga 200 people pa lang ang nanonood sa kaniya sa lives niya and sinusubukan niyang sagutin ang mga tanong ng mga nanonood sa kaniya. Up until now na natapos na ang SEA Games, nag-increase man ang mga nanonood sa kaniya, hindi pa rin siya nagbabago at sinusubukan niya pa rin makipag-connect sa mga supporters niya kahit thru comments lang,” wika ni Morada.
Latak ng marka sa entablado
Buhat ng nakaraang RMC Showmatch laban sa banyagang koponan na BTK, nakapagtala si Eyon ng 11 kill, walong death, at 29 na assist sa kabuuan ng best-of-five series. Sa parehong tagpo, nasubok ang tatag at listo ng isip ni Eyon matapos magsilbing mata ng mapa gamit ang malalim na mage champion pool nito upang tumayong shot caller ng Sibol team bilang karelyebo ni OhmyV33NUS.
Sa kabilang banda, hindi biro ang mga numerong naisumite ni Eyon sa napagtagumpayang SEA Games 2022 noong sumabak siya bilang support sa ikalawang yugto ng laban kontra Myanmar. Naglista ang tumayong mid laner ng Sibol ng isang kill at anim na assist, sapat upang masungkit ang isang comeback na pagkapanalo tangan ang 2-0 kartada.
Natapos man ang nakahelerang laban ni Eyon sa MLBB, nagsisimula namang mapansin ang mga naipundar nitong pagpapakilala sa malalaking ligang nilahukan. “Noong natalo nila ang Indonesia at nakamit ang gold medal, I was so happy and proud. Siguro, another reason why I am genuinely happy is because a member of the team who won the gold medal is a Lasallian. This shows that regardless of the field, Lasallians can excel and showcase the talent that they have,” ani Morada na isang ring Lasalyano.
Kasalukuyang nagpupursigi si Eyon bilang isang Facebook video content creator ng MLBB na matutunghayan sa kaniyang sariling page na Eyon. Gayunpaman, hindi rin nahinto para sa manlalaro ang pagsali sa grassroots tournament, gaya na lamang ng ASCEND: Operation Friendly Fire ng Tier One Entertainment sa ilalim ng koponang Team Eyon.
Kahanga-hangang ipinamalas ni Eyon ang hindi matatawarang husay at dedikasyon bilang isang manlalaro para sa bansa. Mula sa kaniyang tahimik na panimula, patuloy na tinatamasa ni Eyon ang mga bagong sibol na tagahanga nito mapaloob o labas man ng liga. Habang wala pang kasiguraduhan ang susunod nitong hakbang sa industriya ng MLBB, isa sa may katiyakan ang pag-arangkada ng kaniyang karera sa komunidad ng esports sa bansa.