NASUWAG ang De La Salle University (DLSU) Green Archers ng mga sungay ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 67-71, sa Filoil EcoOil 15th Preseason Cup, Agosto 25, sa Filoil EcoOil Centre, San Juan City.
Nanguna para sa koponang Green and White si CJ Austria matapos pumuslit ng 11 puntos, pitong board, apat na assist, apat na block, at isang steal. Hindi rin nagpahuli ang bigman na si Mike Phillips matapos magtala ng sampung puntos, anim na rebound, limang block, at isang steal.
Umarangkada naman para sa Morayta-based squad si Tchuente Kamdem matapos maglagablab ng 19 na puntos, walong board, tatlong assist, at tatlong block. Kasamang umarangkada para sa Tamaraws ang kanilang kapitan na si LJ Gonzales nang sumungkit 13 puntos, siyam na board, siyam na assist, isang steal, at isang block.
Naging mahigpit ang depensa ng koponan sa pagbubukas ng unang kwarter. Lumipas ang mahigit isang minuto, nabuksan ang talaan sa pamamagitan ng dos ni Ben Phillips. Nakapag-ambag din ng unang puntos para sa Tamaraws si Kamdem, 4-5.
Nagpamalas din ng layup si Xyrus Torres at jumper si Kevin Quiambao. Sa pagpatak ng huling apat na minuto ng laban, pumukol ng dos si Bright Nwankwo mula sa assist ni Quiambao, 8-7. Ipinagpatuloy ng Green Archers ang kanilang momentum nang magpasikat ng signature jumper si Quiambao at fastbreak layup si Austria, 12-7.
Sa nalalabing dalawang minuto ng laban, nagsagutan ng dos ang magkatunggaling koponan. Bagamat dikdikan ang depensa ng parehong koponan, matagumpay na nailusot ni Nwankwo ang kaniyang dunk, 16-9.
Umarangkada sa two-point line si Joaqui Manuel matapos magpamalas ng fadeaway sa pagbubukas ng ikalawang kwarter. Umukit naman ng tres ang FEU bilang tugon dito, 18-12. Nagsanib-puwersa naman sina Evan Nelle at Austria matapos pumukol ng pinagsamang apat na puntos, 22-17.
Agad namang bumida si Raven Cortez matapos makapagtala ng dos. Pagdako ng two-minute mark, pumukol ng dos ang Tamaraws. Nang magdikit ang kanilang talaan, umani ng pinagsamang limang puntos si Schonny Winston mula sa kaniyang jumper at tres. Hindi naman nagpahuli ang Tamaraws nang sumindak ng tres sa pagsasara ng ikalawang kwarter, 31-28.
Halos dalawang minuto na walang galawan ang iskor matapos alatin ang opensa ng dalawang koponan sa pagbubukas ng ikatlong kwarter. Gayunpaman, sumiklab para sa DLSU si M. Phillips matapos kumamada ng malahalimaw na block na sinundan pa ng pag-arangkada ng kaniyang kapatid na si B. Phillips sa loob, 33-28.
Nag-iba naman ang timpla ng Taft-based squad nang ipasok muli si Gilas standout Quiambao. Pumuntos man si Tchuente sa loob, agarang sinagot ito ni Quiambao matapos ipamalas ang kaniyang one-hander, 38-34. Hindi rin nagpatinag si Austria sa nagbabagang depensa ng FEU nang magpakitang-gilas sa kaniyang side step move at makapuslit pa ng foul, 41-37. Tila gumanti naman si Kamdem matapos umarangkada sa kaniyang poster dunk kay Austria, 44-39.
Bagamat tangan ng FEU ang momentum, nagpasiklab muli ang Green Archers matapos gumawa ng umaatikabong 4-0 run sa tulong nina Quiambao at Nelle, 46-39. Sa huli, bumulusok para sa Morayta-based squad si Aeron Bagunu matapos magpakawala ng tirada sa labas ng arko, 46-42.
Palitan sa pagpuntos at matinding depensa ang ipinamalas ng dalawang koponan sa ikaapat na kwarter. Bumulusok man sa pagpuntos sina Torres at Gonzales, agad naman itong sinagot nina Austria at Manuel sa kanilang mga tirada, 50-46. Hindi naman nagpaawat si kapitan Gonzales para sa FEU nang tumira siya harap-harapan kontra Gilas forward Quiambao, 50-48.
Nahinto naman ang momentum ng Morayta-based squad matapos magtala ng dalawang magkasunod na foul. Gayunpaman, nagawang kumaripas ni Royce Alforque sa pagpuntos upang itabla ang bakbakan, 50-all. Nabuhayan naman ang loob nina M. Phillips at Nwankwo matapos rumatsada sa paint, 54-52. Bumawi man agad si Kamdem para sa FEU, agad namang nagpasiklab si Nelle matapos ang kaniyang nakamamanghang layup, 54-52.
Sa huling dalawang minuto ng kwarter, umarangkada si Quiambao ng hook shot upang palawigin sa apat ang abante ng DLSU, 58-54. Gayunpaman, tila ayaw pang umuwi ng FEU matapos tumira si John Bryan Sajonia sa labas ng arko, 59-all. Sinundan pa ito ng pag-araro ni Tchuente sa loob upang makaabante na ang FEU, 59-61. Itinulak naman ni M. Phillips sa overtime ang laban matapos ang kaniyang clutch lay in, 61-all.
Nang mabuksan ang overtime, rumatsada ang tambalang Kamdem-Gonzales sa kalahati ng laban. Matapos matawagan ng foul ang Tamaraws, siniguro ni Winston na walang mintis ang kaniyang dalawang free throw, 63-65.
Sa paghigpit ng sagupaan, umalagwa ng dos si Quiambao mula sa assist ni Nelle. Nagpatuloy ang makapigil-hiningang bakbakan ngunit tuluyang sinelyuhan ng Morayta-based squad ang laban matapos mailusot ang kanilang dalawang free throw, 67-71.
Bagamat bigong makaarangkada sa finals ang Green Archers, napitas ng koponan ang tansong medalya sa torneo. Bunga ng kanilang pagkatalo, maghaharap sa championship game ang FEU Tamaraws at NU Bulldogs sa darating na Sabado, Agosto 27.
Mga Iskor:
DLSU 67: Quiambao 13, Austria 11, M. Phillips 10, Winston 9, Nwankwo 8, Nelle 6, Manuel 4, B. Phillips 4, Cortez 2
FEU 71: Kamdem 19, Gonzales 13, Alforque 10, Torres 8, Sajonia 6, Bagunu 5, Sandagon 4, Guibao 4, Tempra 2
Quarterscores: 16-9, 31-28, 46-42, 61-61, 67-71