NAKABAWI ang EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers mula sa kanilang nakalipas na talo kontra Marinerong Pilipino Skippers, 70-63, sa kanilang ikalawang paghaharap sa best-of-three finals ng PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Agosto 24, sa Smart Araneta Coliseum.
Sumiklab para sa Green Archers si Mike Phillips matapos kumana ng 18 puntos, 14 na rebound, at apat na block. Umalalay sa pagliyab ng koponan sina Schonny Winston at CJ Austria nang makapag-ambag ng pinagsamang 26 na puntos.
Pinangunahan naman ni dating Green Archer Jollo Go ang kampanya ng Marinerong Pilipino matapos makapagtala ng 21 puntos, tatlong rebound, at dalawang assist. Katuwang naman ng atleta sa pag-ukit ng puntos ang tambalang Juan Gomez De Liaño at Kemark Cariño nang umukit ng pinagsamang 28 puntos.
Ganadong panimula sa unang kwarter ang ipinamalas ng Green Archers matapos magsalaksak sa ilalim ni Austria para sa kaniyang three-point play mula freethrow line, 3-2. Tinangka mang pumuslit ng tirada nina Go at Gomez De Liaño para sa Skippers, nanaig ang aktibong back-to-back points nina M. Phillips at Evan Nelle, 11-4.
Sumunod na nagpakitang-gilas si Winston matapos makapaglapag ng sunod-sunod na float shot sa loob ng arko, 15-6. Umarangkada rin matapos ng halfway mark ang kapapasok lamang na si Joaqui Manuel matapos magpakawala ng tres, 18-8. Sinubukan man ni Joseph Manlangit na paliitin ang kalamangan ng Green Archers, hindi natigil ang paghirit mula sa free throw line nina Bright Nwankwo at Winston matapos magtala ng pinagsamang dalawang puntos upang isarado ang unang kwarter, 20-10.
Sa pagbungad ng ikalawang kwarter, tila pinasayaw ni Conference Most Valuable Player Gomez De Liaño ang depensa ni JC Macalalag matapos ilusot ang kaniyang layup, 20-12. Malakidlat na koneksyon naman ang hatid nina Jeric Pido at Cariño matapos gumawa ng isang assist play, 22-14. Kinapos man si M. Phillips sa kaniyang mga open shot, pumuntos naman si Kevin Quiambao mula sa kaniyang jumper na sinundan pa ng fastbreak ni Winston, 26-16.
Pagpana ni Go ng sunod-sunod na tres ang naging sandalan ng Skippers sa pagpuntos sa nalalabing mga minuto ng ikalawang kwarter, 28-24. Sa natitirang dalawang minuto ng sagupaan, hirap makatudla ng puntos ang magkabilang koponan. Subalit sa mga nalalabing segundo, natakasan ni M. Phillips ang matayod na poste ng Marinero, 32-34. Sinelyuhan naman ni Austria ang kwarter mula sa assist ni Quiambao tungo sa rim, 34-26.
Hindi nagpaawat ang dalawang panig sa unang dalawang minuto ng ikatlong yugto matapos tapatan ni M. Phillips ang pagpuntos ni Go, 36-28. Sinubukan man nina Adrian Nocum at Gomez De Liaño na habulin ang Green Archers, nagpatuloy ang pag-init ni M. Phillips mula sa kaniyang agresibong dunk sa ring, 43-34.
Namayagpag namang muli ang depensa ni Go matapos mapalpal ang pagtirada ni M. Phillips mula sa perimeter. Subalit, sunod-sunod na nagpaulan ng puntos sa kaniyang layup sa gilid si M. Phillips, 47-36. Napuno ng hiyawan ang Araneta matapos maipasok ang atake ni Cris Soberano mula sa three-point line, 47-39. Sa huli, tinuldukan ng Skippers ang yugto sa tulong ng mabilis na pasa ni Bryan Agustin kay Pido, 49-41.
Nagpamalas ng liksi si Taft tower Nwankwo mula sa kaniyang umaatikabong slam mula kay Quiambao, 51-41. Sinamahan pa niya ito ng swak na swak na free throws, 55-47. Sa kabilang banda, nagtuloy-tuloy ang pagdagundong ni Go sa loob at labas ng arko upang makahabol sa talaan ng Taft-based squad, 60-56.
Nakapaglista naman ng 6-0 run ang Skippers mula sa mga tirada sa three-point line nina Pido at Gomez De Liaño, 63-62. Makapigil-hininga ang mga pangyayari sa huling isang minuto ng sagupaan. Hindi nagtagal, tila binuhat ng tatlong free throw ni Nelle at marka sa loob ng paint ni Quiambao ang kartada ng Green Archers upang selyuhan ang ikalawang pagtutuos, 70-63.
Tunghayan ang do-or-die match sa pagitan ng DLSU Green Archers at Marinerong Pilipino Skippers sa best-of-three finals ng PBA D-League sa susunod na Miyerkules, Agosto 31.
Mga iskor:
DLSU 70: M. Phillips 18, Winston 15, Austria 11, Nelle 8,Nwankwo 7, Quiambao 6, Manuel 5
Marinerong Pilipino 63: Go 21, De Liaño 14, Cariño 14, Pido 5, Soberano 3, Nocum 2, Agustin 2, Manlangit 2
Quarterscores: 20-10, 34-26, 49-41, 70-63