Isinisilang ang lahat sa isang masikip na kahon. Pinaniniwalaang umiiral ang mundo sa mga nakapirming gabay at panutong naaayon sa ekspektasyon ng lipunan sa tamang paraan ng pamumuhay. Kaya naman, kinakailangang limitado at kalkulado ang bawat kibot, hinga, at kilos na isasagawa. Subalit, mayroon din itong hangganan dahil hindi sapat ang kahon upang ikubli ang matitingkad at natatanging kulay na ating tinataglay.
Batid ito ng kababaihan at miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) community na hindi nagpasindak at nagpatinag sa mga hamong dala ng lipunang patriyarkal—bagkus, lumalaban at ipinagtatanggol ang kanilang mga karapatang pantao. Nabuo ang ilang mga polisiya at inisiyatiba sa modernong lipunan nang dahil sa aktibong pakikibaka para maisakatuparan ang mga ito, tulad na lamang ng pagtuturo ng asignaturang Gender and Multiculturalism sa Pamantasang De La Salle (DLSU) upang payabungin ang pag-unawa ng bagong henerasyon sa iba’t ibang kalinangan, gayundin sa kasarian.
Bagamat naging mas bukas na ang isipan ng lipunan sa pagtrato nang patas sa kababaihan at mga miyembro ng LGBTQIA+ community, hindi pa rin ito sapat upang tuldukan ang laban.
Inklusibong pakikibaka
Sa kontemporaneong panahon, labis na nakalilimutan ng madla na sakop ang LGBTQIA+ community, kalakip ng mga isyu ng diskriminasyon laban sa komunidad, sa pangunahing ipinaglalaban ng kilusang peminismo; ang kariwasaan ng lahat ng kasarian. Marahil nakaangkla ang pagkalimot ng aspektong ito sa madaliang pagpapalagay ng mga tao na kababaihan lamang ang ipinaglalaban ng kilusang peminismo.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Martina Rose Delocario, part-time lecturer sa Department of Sociology and Behavioral Sciences ng DLSU. Sa kaniyang karanasan sa pagtuturo tungkol sa pagbabago ng kilusang peminismo sa bawat henerasyon, mayroon siyang iisang punto na nais ipabatid sa kaniyang mga estudyante: “. . . feminism is fighting for equality, regardless of your gender identity,” aniya.
Ayon kay Delocario, inklusibo ang kilusan hindi lamang para sa kababaihan, kundi para na rin sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Kaniyang binigyang-diin na, “We can’t really attain gender equality if you would have a group of people, particularly the [LGBTQIA+ community], that would experience discrimination for the sole reason na hindi sila straight.” Para kay Delocario, kasama sa ipinaglalaban ng peminismo ang sangkabaklaang patuloy na nilalabanan ang patriyarkal na pag-iisip. Aniya, tunay na diwa ng peminismo ang paglaban para sa karapatan ng kababaihan pati ng ating mga kapatid na hindi pasok sa binary thinking.
Malimit na nagiging usapin ang diskriminasyon at homophobia laban sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Ayon kay Delocario, sa lente ng peminismo, hindi hamak na sakop ang homophobia sa mga pangunahing nilalabanan ng kilusan. Aniya, “. . . The real essence of feminism is fighting for gender equality, and we can’t have gender equality if we have a certain group of people that would still experience negative attitudes, or that would still experience discrimination from people who are heteronormative or to translate—homophobic.” Binigyang-diin rin niyang maaaring nakaangkla ang diskriminasyon laban sa LGBTQIA+ community sa konsepto ng heteronormativity at sa lipunang patriyarkal. Aniya, “. . . We have subscribed, for the longest time, to heteronormativity. Feeling natin ‘yung right way to go is to be a heterosexual, but in reality wala namang right or wrong na identity.”
Pagkalas sa nakagawian
Mahirap tibagin ang baluktot na nakagawian lalo’t malalim itong nakaukit sa kulturang patuloy na naiimpluwensyahan ng konserbatibong pananaw. Malayo pa ang tatahakin ng peminismo tungo sa pagkapantay-pantay sa lipunan kung saan walang kasariang kinikilingan, hindi naagrabyado ang kababaihan, at hindi nilalapastangan ang sangkabaklaan. Hangga’t mayroong kulay na napag-iiwanan, walang bahagharing maaaninag ninoman.