Pagtugon sa hinaing ng mga magsasaka, binigyang-tuon sa Peasant Situationer


TINALAKAY ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat, Dr. Ernesto Ordoñez, at Keb Cuevas ang kasalukuyang kalagayan at suliraning kinahaharap ng mga magsasaka sa bansa sa idinaos na Peasant Situationer ng DLSU Political Science Society noong Biyernes, Disyembre 11. Binigyang-diin sa talakayan ang tungkulin ng mga kabataan sa pagpapaigting ng suporta sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa unang bahagi ng talakayan, ibinahagi ni Ordoñez ang anim na priyoridad sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga magsasaka. Ayon sa kaniya, mahalagang isama ang mga magsasaka sa pagpapasya hinggil sa kagamitang kanilang kinakailangan dahil kulang umano ang pagkakataong ibinibigay sa kanila sa kasalukuyan. 

Bagamat nagiging maayos na umano ang daloy ng pautang at insurance para sa mga magsasaka, hindi pa rin umano sapat ang mga ito. Aniya, “Kung ‘di ka makautang, how can you borrow for good technology? Kung palpak ang yield mo dahil sa typhoon, ‘di ka makabangon, you cannot get the next crop. You need insurance.”

Iginiit din ni Ordoñez na may problema ang bansa sa pakikipagkalakalan. Sambit niya, nababawasan ang kita ng mga magsasaka dahil mas pinipili umano ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa. Dagdag pa ni Cuevas, “The department of agriculture is doing its job. But, it’s not doing its job very well. That’s why a lot of social enterprises and NGOs arise.”

Tinalakay rin ni Ordoñez ang Php80 bilyong nakuha sa mga magsasaka dahil sa Coco Levy fund scam, na hindi pa rin umano naibabalik sa kanila. Sa kaniyang pagtatapos, hinikayat niya ang mga manonood na alamin muna ang mga paraang higit na makagagaan sa sitwasyon bago magsagawa ng aksyon. 

Sumang-ayon naman si Cuevas kay Ordoñez at binanggit na malaki ang problema sa katiwalian sa sektor ng agrikultura. Aniya, sistematiko ito at masosolusyunan lamang kung kikilos ang gobyerno. “As a start-up, we have done a lot of things [but] it’s only a small small small dent in the agriculture sector. [This is] because there is so much to do so,” paliwanag ni Cuevas.

Kaugnay nito, iginiit ni Cuevas na magpapatuloy ang katiwalian sa sektor ng agrikultura hangga’t hindi naaalis ang middle-man centric na mga proseso nito. Pinamamahalaan umano ng mga middle-man ang presyo ng mga pananim at inaasahan sila ng mga magsasaka sapagkat sila ang may kakayahang makapagbigay ng kapital at pondo para sa tranportasyon at teknolohiya.

Bunsod nito, iminungkahi ni Cuevas ang ilang solusyon upang mabasawan ang pagiging middle-man centric ng agrikultura. Ilan dito ang paglalaan ng imbakan para sa mga pananim at pagtatala ng mga presyo nito. Dagdag niya, kailangan umanong maging responsable ang mga mamimili at alamin ang pinanggalingan ng mga produktong tinatangkilik.

Bilang pagtatapos ng talakayan, idiniin ni Cullamat ang kahalagahan ng pakikiisa ng kabataan sa mga Lumad at iba pang pambansang minorya, katulad ng mga katutubong Pilipino, lalo na sa panahon ngayon na laganap ang paniniil ng militar sa nasabing sektor.

“Dahil sa kawalan ng batayang serbisyo ng aming mga komunidad, pilit kaming nagsikap ng mga Lumad na magtayo ng sariling paaralan para malayo sa kamangmangan, . . . pero dahil sa terror-tagging at pagmamarka sa aming katutubo [bilang] kaaway ng gobyerno, pilit nilang pinapasara ang aming paaralan. Pinaslang, [at] kinulong ang aming mga leader,” paglalahad ni Cullamat.

Tumanggi namang makibahagi si Cullamat sa open forum dahil umano sa mga personal na rason. Gayunpaman, binigyang-pugay at pinasalamatan siya ni Ordoñez bilang kinatawan ng Alyansa Agrikultura para sa kaniyang patuloy na pakikipaglaban para sa karapatan ng mga pambansang minorya.