Sa dagitab ng bawat padyak ng mga paa, kembot ng hinubog na balakang, at hindi magkamayaw na mga katawan—masisilayan ang kahusayan ng mga mananayaw sa kanilang obra. Mistulang kuryente ang indayog ng mga magkatunggaling mananayaw, biglaan itong dadaloy sa kaibuturan ng iyong katawan upang mahikayat kang tumayo at sumayaw sa loob ng iyong tahanan. Sa kabila ng pagtatangkang gayahin ang mga sayaw, mapahahanga’t mapaiisip ka na lamang kung paano sila nakalilikha ng isang nakatitindig-balahibong pagtatanghal nang mabilisan.
Tulad ng kuryenteng kukumbinsihin ang mga madlang tumayo mula sa kanilang upuan upang matuklasan ang mayamang kultura ng pagsasayaw, inihandog ng UPLB Street Jazz Dance Company ang pinal na bahagi ng Beatkill 2022, isang paligsahang nagpapamalas ng angking talento sa pagsayaw ng freestyle ng mga mananayaw, gayundin ang makulay na kultura ng sayawan sa bansa, noong Hulyo 9. Inimbitahan dito ang mga sikat at mahuhusay na mananayaw na sina Reflex Gotangco, Paul Fausto, at Christian “Afrodite” Lao bilang mga hurado ng ginanap na freestyle dance battle. Sa kabilang banda, pinangunahan ito ng pagtatanghal ng walong magkatunggaling kalahok na sina Aica, Q, Kimaru, Tender, CHIBZ, JLo, Pao, at Camry. Nagpakitang-gilas ang lahat sa pagsasayaw ng freestyle gamit ang ruletang magdidikta sa musika at tema upang malaman ang hihiranging kampeon sa kabuuang kompetisyon. Upang mapawi ang inyong pagkasabik sa nakaaaliw na laban ng sayawan, halina’t alamin ang nangyari sa loob ng patimpalak.
Tagisan ng mga marangyang kalahok
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa at agarang nagbakbakan ang mga nalalabing mananayaw matapos matukoy ang pagkakasunod-sunod ng pagtatanghal. Sariwang sinimulan nina Q at JLo ang inaabangang bakbakang lalong nagpasabik sa gabi ng mga sumusubaybay. Bigay-todong mailalarawan ang bawat isa sa mga nagsusumikap na makamit ang unang gantimpala dahil madarama ang kanilang nag-uumapaw na pag-ibig sa pagsasayaw.
Kahanga-hanga ang kadalubhasaang ipinamalas ni JLo sa estilo ng waacking pagkatapos matamo ang apat na sunod-sunod na puntos sa kaniyang unang pagsalang sa digital na entablado. Kitang-kita sa kariktan ng kaniyang pagkumpas ng kamay pati na rin sa ekspresyon ng kaniyang mukha ang umaapaw na kagandahan sa pagsasayaw. Hindi naman nagpadaig si Pao dahil hindi niya hinayaang magpatuloy ang panatag na paglayag ni JLo na marating ang inaasam na tagumpay. Kaniyang pinairal ang katalinuhan sa pag-aangkop ng kasiya-siyang pakahulugan sa mga inilatag na tema upang umabante sa susunod na yugto ng paligsahan. Hindi naging sagabal ang pagpokus sa galawan ng mga daliri o paa—magagalak ang lahat sa suwabeng pagpapakita ng kaniyang estilo sa pag-indak.
Nagpatuloy ang pakikipagsapalaran ni Pao ngunit hindi rin nagtagal at ibinuhos na ni Q ang kaniyang itinatago pang galing upang palitan ang kasalukuyang nasa spotlight. Nasilayan ang kahusayan ni Q sa teknikalidad ng kaniyang galawan pagdating sa samu’t saring genre ng street dance—na malikhain niyang nailapat sa temang pag-indak na nagpapakitang hinahabol ng oso ang mga mananayaw. Kagilas-gilas ang naging galawan ni Q dahil hindi na niya pinalampas ang pagkakataong makapuntos at magtangkang paliitin ang agwat sa scoreboard.
Bagamat patuloy sa pagkalap ng puntos, napahinto ng mainit na paghataw ni Tender ang pag-arangkada ni Q sa kompetisyon. Magiliw niyang iginiling ang kaniyang katawan na sinamahan pa ng mahusay na footwork. Hindi naman nagpahuli ang sumunod na mananayaw at naging mapangahas pa ang interpretasyon ni Aica sa ibinigay ng ruleta at sinubukang mapabilib ang mga hurado sa paggamit ng upuan bilang props habang ipinakikita ang banayad niyang pagkampay ng kamay. Naging madikit ang kanilang pagtutunggali ni Tender at kalaunang humantong pa sa magkasunod na tabla ang naging pagpapasiya ng mga hurado.
Nangibabaw pa rin ang pagtatanghal ni Aica na hinarap ang kahali-halinang mananayaw na si CHIBZ. Nagkataong espesyal ang ibinigay ng ruleta kaya pambihira rin ang ipinamalas ng dalawang mananayaw lalo na’t binigyan ang bawat isa ng kakaibang hamon—folk dance para kay CHIBZ at breaking naman para kay Aica. Parehong kahindik-hindik ang naging interpretasyon sa kanilang naatasang hamon ngunit mas nanaig ang katalinuhan ni CHIBZ sa pagtimpla at pagsama ng mga tanyag na folk dance, tulad ng Tinikling, Pandanggo sa Ilaw, at Maglalatik sa kaniyang pagtatanghal.
Muling pinagharap sina JLo at Q sa pagkakataong ito habang isinasaalang-alang ang hamong sumayaw nang nakahiga. Kapansin-pansing sinamantala ni JLo ang sahig sa kaniyang pagtatanghal samantalang humilantad naman si Q sa isang maliit na mesa. Higit na nakalamang naman si JLo sa mata ng mga hurado at nakapagtala na naman siya ng puntos na nag-akyat sa kaniya sa leaderboards.
Hindi naman nagpahuli si Kimaru na tangkaing patumbahin ang nagbabadyang aangkin sa kampeonato na si JLo. Nabigo man niyang pabagsakin si JLo, bakas pa rin sa pagtatanghal ni Kimaru ang kasigasigan na magpatuloy sa kabila ng napakalaking puwang sa kanilang puntos. Bilang wakas sa pagtutunggali ng mga mananayaw, mapalad na nalamangan ng nakakaakit na pormasyon at walang kupas na pagkumpas ng kamay at braso ni JLo ang umaatikabong galawan ni Tender.
Natapos ang kompetisyon sa pagbibigay ng pasasalamat at pagpapahayag ng kagalakan ni Yasmin Solano, pinuno ng proyekto, sa naging matagumpay na daloy ng programa, lalo na sa mga masiglang nakilahok. Ipinaalala rin niyang pinakalayunin ng programang itampok ang freestyle at street dancing na isang pamamaraan upang bigyang-pakahulugan ang pagpapahayag sa sarili on the spot.
Indak sa parisukat na daluyan
Sa kabila ng mahabang proseso ng pagsabak sa patimpalak, nag-uumapaw na talento ang ipinakita ng mga mananayaw gamit ang kanilang kadalubhasaan sa sari-saring genre ng pagsasayaw. Hindi alintana sa kanilang mukha ang pagod at hirap na lumahok sa paligsahang susubukan ang hangganan ng kanilang kakayahan. Kaya naman, nagkaroon man ng iisang kampeon, matatanaw pa rin sa kanilang mga ngiti at indak ang kanilang pag-irog sa sariling obra.
Hindi man matutumbasan ng online na freestyle dance battle ang aktwal na harap-harapang bersyon nito, patuloy na nabigyang-aliw ng mga magkokompetensiyang mananayaw ang kanilang manonood. Patunay na kahit nakapaloob man sa iskrin, maipapamalas pa rin ang walang katulad na kultura sa likod ng street dancing. Gayunpaman, hindi sapat ang pagpapakitang-gilas ng talento ng mga mananayaw dahil kinakailangan din itong makilala sa publiko. Kaya upang mas yumabong ang modernong klase ng mga freestyle dance battle, halina’t hintayin at suportahan ang susunod na Beatkill—na layong ipakilala’t ipagyabong ang mayamang kultura ng sayawan sa mga Pilipino!