SINISINGIL ng masang Pilipino ang mga binitiwang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang nalalapit na ang pagtatapos ng kaniyang termino sa Palasyo. Bago umupo ang susunod na pangulo, masusing sinisiyasat ng mga eksperto at mamamayan ang iiwang legasiya ng kasalukuyang administrasyon na maipapasa sa susunod na mga pinuno ng Pilipinas. Sa ibang salita, sinusuri kung nadama nga ba ng sambayanan ang katagang “Change is coming.”
Ipinahihiwatig ng datos at ng masang api na nananatiling malabo ang linya sa pagitan ng tagumpay at kalugmukang naidulot ng administrasyong Duterte sa bansa. Tila mabagal ang inaasahang progreso sa mga ipinangakong layunin ng administrasyon. Sa nalalabing sampung buwang panunungkulan, patuloy na susuriin ang naabot ng rehimeng Duterte batay sa kanilang mga ipinangako sa masang Pilipino mula simula hanggang kasalukuyan.
Ipinahihiwatig ng datos
Mula sa 16% naitala noong Nobyembre 2020, bahagyang tumaas nang 0.8 na puntos ang kasalukuyang antas ng kagutuman sa Pilipinas, ayon sa tala ng Social Weather Stations nitong Mayo. Bagamat mas mababa nang mahigit limang porsyento kompara sa 21.1% na average na tala noong 2020, sinasabing doble naman ito ng 8.8% na naitala noong Disyembre 2019, bago ang pandemya.
Sa naturang datos, 1.2 milyong pamilya sa Mindanao ang labis na nagugutom sa kasalukuyan, 776,000 pamilya naman sa Visayas, 1.8 milyong pamilya sa Balance Luzon, at 496,000 pamilya sa kalakhang Maynila. Taliwas ito sa pangunguna ng Metro Manila noong Nobyembre 2020 sa hunger rate na tinatayang nasa 780,000 pamilya.
Sa mabagal na pag-usad mula sa lamat na dulot ng pandemya, nanatiling lugmok sa kahirapan ang karamihan ng mamamayang Pilipino. Ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority nitong Mayo, mula sa 8.7% noong Abril 2021, bumaba sa 7.7% ang unemployment rate ng bansa, pangalawa sa pinakamababang tala noong Marso 2021 na 7.1%. Inaasahang mananatili mula 7% hanggang 9% ang unemployment rate ng bansa sa 2022, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Idiniin ng NEDA na ang unti-unting pagluwag ng quarantine restrictions at ang patuloy na pamamahagi ng bakuna ang susi sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua sa annual forum na pinangunahan ng Economic Journalists Association of the Philippines, ang hindi pagsasara ng 75% ng ekonomiya ang isa sa kaibahan ng quarantine ngayon at noong nakaraang taon. Sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas, nakikita ni Chua ang unti-unting pagbangon na inaasahan sa pangalawang kwarter ng taon.
Nananatiling estatistiko na lamang ang buhay ng laksa-laksang Pilipinong nagdurusa sa kahirapan, kagutuman, at kriminal na kapabayaan sa krisis pangkalusugan. Hindi maitatanggi ang lalong paglakas ng daing ng bawat mamamayan dulot ng palpak na pamamahala ng mga pinuno; subalit sa halip na bigyang-pansin, sa bawat pagpiglas ng mamamayan, rehas ang katumbas.
Walang legasiyang maiiwan
Naniniwala si Roland Simbulan, kalihim ng IBON Foundation at isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, na sistemiko ang mga nararanasang problema ng mga manggagawa sa bansa. Ani Simbulan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), pinalala ng kasalukuyang administrasyon ang mga isyung nararanasan ng mga manggagawa dala ng pandemya at mga ipinatupad na batas sa nakalipas na taon. Kabilang dito ang pagluluwag ng restriksyon sa mga inaangkat na produktong agrikultural.
“Nandiyan na ’yan eh even before the pandemic,” sambit ni Simbulan. “In short term, it’s good for the consumers and ’yun ‘yung justification ng government. Pero in the long term, ‘yung ating agriculture [sector], hard-hit [lalo na yung] mga farmers.”
Bunsod nito, naniniwala si Simbulan na walang legasiyang maiiwan ang kasalukuyang administrasyon sa sektor ng agrikultura at labor. Nasayang rin aniya ang pangako ni Pangulong Duterte na wakasan ang kontraktuwalisasyon sa kaniyang termino na taliwas sa naganap. Pagpapaliwanag ni Simbulan, “Even before the pandemic, parang inabanduna na niya [‘yung pangako]. Mas nakipag-compromise sila sa big businesses.”
Ikinalulungkot naman ni Simbulan ang tugon ng administrasyon sa mga manggagawang may hinaing patungkol sa kanilang mga sitwasyon, gaya ng pagpaslang. Pinapalala lang umano nito ang sitwasyon ng mga mamamayan imbis na makatulong. Naniniwala rin siyang may direktang impluwensiya rito ang mga pahayag ni Pangulong Duterte na sumusuporta sa karahasan. Aniya, “. . .Yung mga public statements kasi ng presidente are interpreted as policy by everyone especially the military and police forces.”
Binhi sa putik
Pinabulusok ng krisis pangkalusugan at ng mga nagdaang delubyo ang ekonomiya ng Pilipinas pababa sa 10% noong 2020—na inaasahang lolobo pa sa mga susunod na taon, ayon sa World Bank. Kasabay sa krisis pangkalusugan ang patuloy na paglalantad sa krisis pang-ekonomiya ng bansa habang nananatiling 3.73 milyong Pilipino ang wala pa ring trabaho dahil sa pandemya.
Kinawing sa bawat Pilipino ang pasaning epekto ng krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya, mula sa kawalan ng trabaho ng mga manggagawa at magsasaka hanggang sa kakulangan sa pagkain, mahal na presyo ng mga bilihin, usapin sa ayuda, at maging sa maka-mayamang moda ng edukasyon.
Ayon sa panayam ng APP kay Gerry Andam, isang magsasaka mula sa Cagayan Valley, “Ang panawagan ng mga magsasaka ay ibigay nang libre ang mga lupa. Itaas ang presyo ng palay, ibenta nang mura ang mga kagamitan na kailangan sa pagsasaka. Wakasan na ang administrasyon ni Duterte.” Pagdidiin niya, kinakailangang magkaisa ang mga magsasaka upang panagutin ang kapalpakan ng administrasyong Duterte sa serye ng pagkamatay ng mga magsasaka.
Biktima si Andam ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley, mga serye ng terror-tagging sa hanay ng magsasaka, at pumapasan sa pasakit na dulot ng 2019 Rice Tariffication Law.
“Kung bakit sila [magsasaka] nire-red-tag ay kapag ipinaglaban mo ang iyong karapatan bilang isang manggagawa at magsasaka lalo na sa pagtaas ng sahod at presyo ng produkto. . . Interes ni Duterte ang masusunod. Kahit noon pang wala ang pandemya ay nire-red-tag na ang karamihan sa mga manggagawa at magsasaka,” dagdag ni Andam.
Ngayon, higit kailanman, pagkakaisa ang nararapat na umiral sa sambayanang Pilipino upang makaahon sa kinasasadlakan. Hindi pagkakaisang matatawag ang pagmamalabis, pagpapahirap, at pag-iiwan sa sektor na mayroong malaking bahagi sa paghakbang paabante. Itanim natin sa putik na ating kinalulugmukan ang mga gintong binhi—mga aral halaw sa kuwento ng ating katatagan. At mula rito, tiyak na aanihin ang bunga ng pagsisikap, pagkakaisa, at sama-samang pagtindig ng sambayanang Pilipino tungo sa isang bayang inklusibo.