IDINAOS ng Laguna Campus Student Government (LCSG) ang send-off event para sa mga estudyanteng malapit nang magtapos mula sa De La Salle University Laguna Campus, Hunyo 24. Nagsagawa ng isang misa-pasasalamat na pinamunuan ni Rev. Fr. Manuel Manggao na sinundan naman ng ilang pagtatanghal mula sa mga piling estudyante ng Laguna Campus bilang bahagi ng naturang programa.
Daan tungo sa tagumpay
Naging sentro ng homiliya ni Manggao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng busilak na puso. Kaugnay nito, ipinaalala rin ni Manggao sa mga estudyante ang kanilang tungkulin bilang mga Lasalyano. Aniya, “As you return here in your alma mater, let us pray that your hearts may be full of gratitude and when you go out again of this institution, may you be an instrument of the love of God to all the people whom you will meet in the practice of your profession.”
Nagpahayag naman ng pagbati si Dr. Jonathan Dungca, vice president for the Laguna Campus, para sa mga Lasalyanong nakatakdang magtapos. Dagdag pa rito, ibinahagi rin ni Elle Aspilla, LCSG president, ang kaniyang mga personal na alaala at karanasan kasama ang kaniyang batchmates mula ID 118, pati na rin ang ilang mga senyor na nakasalamuha niya sa iba’t ibang mga organisasyon.
Inimbitahan din si Trish Martinez, graduating student na kumukuha ng Bachelor of Science in Interdisciplinary Business Studies na nakapagkamit ng karangalang Magna Cum Laude, na magbahagi ng isang talumpati. Mula rito, nagpapahayag siya ng kaniyang pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng kaniyang paglalakbay sa kolehiyo. Aniya, hindi ito naging madali at maraming beses siyang umiyak dahil sa hirap. Ngunit sa kabila ng lahat ng paghihirap, sinikap niyang magkaroon ng inspirasyon upang magpatuloy, gaya ng pag-pin ng kaniyang Cumulative Grade Point Average (CGPA) na 3.6 sa kaniyang notes.
Ipinagpatuloy naman ni Martinez ang kaniyang talumpati sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa Diyos dahil sa lakas na ibinibigay Niya sa kaniya. Pinasalamatan din niya ang kaniyang mga magulang na walang sawang sumusuporta at patuloy na nagmamahal sa kaniya.
Dagdag pa rito, binigyang-halaga rin ni Martinez si Melchor “Mel” Oribe mula Lasallian Mission Office ng Laguna Campus dahil sa pagkakataong ibinigay niya sa kaniya na makapag-aral sa prestihiyosong Pamantasan. Binigyang-diin din niya ang naging papel ng kaniyang mga kaklase, mga kasamahang Paragon mula Student Discipline and Formation Office, at mga kapwa student-leader mula College Student Affairs, sa mga nakamit niyang tagumpay.
Bago matapos ang programa, tinawag naman isa-isa ang mga estudyanteng magsisipagtapos upang tanggapin ang kanilang mga token. Nagtanghal din sina Zeth Pinuela, Treasurer ng LCSG, at Nikki Platero, president ng Laguna College of Business Government, ng isang awitin na alay sa mga magtatapos.